Inday TrendingInday Trending
Imbes na Bigyan ng Barya ang Batang Nanghihingi ay Minura at Itinaboy Ito ng Lalaki; Kay Bilis Dumating ng Karma at Agad Itong Naningil sa Kaniya

Imbes na Bigyan ng Barya ang Batang Nanghihingi ay Minura at Itinaboy Ito ng Lalaki; Kay Bilis Dumating ng Karma at Agad Itong Naningil sa Kaniya

“Uncle, baka pwede pong makahingi ng barya. Pangkain lang po,” ani Crisbert, isang batang palaboy.

Ulilang lubos na si Crisbert at tanging ang mga tindero lamang sa may simbahan ang nagbibigay sa kaniya ng kaniyang makakain. Masaya na siya kung sa isang araw ay nakakakain siya ng isang beses, bonus nang maituturing kung makakapangalawa.

Pitong taong gulang siya noong sabay na namayapa ang kaniyang mga magulang. Mula rin noon ay nagpalaboy-laboy na siya rito sa may simbahan at namamalimos ng makakain. Hanggang ngayong labing limang taong gulang na siya’y gano’n pa rin ang kaniyang ginagawa.

Minsan, nagbebenta siya ng sampaguita kapalit ng singkwenta pesos. Masaya na siya roon, dahil ibig sabihin no’n ay may pangkain na siya sa araw na iyon. Minsan naman ay umaakyat siya sa mga jeep at namamalimos, ngunit madalang lamang ang may magbigay kaya hindi niya masyadong ginagawa ang bagay na iyon. Babad na nga sa init ng araw, wala pa siyang kita minsan.

“Walang barya. Alis!”

Iyan palagi ang naririnig niyang sagot ng mga taong hinihingan niya ng barya. Minsan pa’y nandidiri sa kaniya ang iba at naiirita, ngunit wala siyang pagpipilian. Hindi niya malalamnan ang sikmura kung iintindihin niya ang reaksyon sa kaniya ng ibang tao.

“Kuya, baka pwedeng makahingi ng barya, pangkain lang po,” nakikiusap niyang hingi sa isang lalaking may malaking katawan at mukhang isang balibag lang nito sa kaniya’y malamang sa malayo siya pupulutin.

“Pangkain? Baka ipangru-r*gby mo lang ang baryang makukuha mo!” asik nito.

“Naku! Hindi po ako gano’n, kuya. Pangkain po talaga ang hinihingi ko. Kung duda po kayo sa bagay na iyon, baka pwedeng makahingi na lang po ako niyang kinakain niyo, kuya. Gutom na gutom na po kasi talaga ako,” nakikiusap niyang wika.

“Wala! Walang barya!” singhal nito. “Alis na d’yan! Nawawalan ako ng ganang kumain sa’yo! Kung ayaw mong ipahuli kita sa pulis, umalis ka na! Put@ng ina, mga salot kayo sa mundo. Bakit pa kayo binuhay ng mga magulang niyo kung ‘di rin naman pala nila kayo kayang buhayin! Alis!” galit na sambit nito.

Bahagyang nasaktan ang batang puso ni Crisbert sa sinabi ng lalaki. Alam naman niyang hindi ginusto ng mga magulang niyang iwanan siyang mag-isa rito sa masalimoot na mundong ito. Hindi naman ginusto ng mga magulang niyang sabay na masawi dahil sa aksidenteng siya lang ang nakaligtas.

Nawawalan na ng pag-asa si Crisbert na may magbibigay pa sa kaniya ng kahit pagkain lang sa lugar na ito. Kumakalam na talaga ang sikmura niya, kaya nagpasya siyang umupo na lang muna at nanghingi sa tindera ng tubig na maiinom. Pangtawid gutom, malaking bagay na rin ang tubig.

“Naku! Nabibilaukan yata siya!”

Mayamaya ay naririnig niyang usapan ng mga taong kumakain sa karinderyang iyon. Nagpapanik ang mga boses nito at nag-aalala para sa lalaking tila nahihirapang huminga.

Agad na tumayo si Crisbert upang tingnan kung sino ang sinasabing nabibilaukan. Agad siyang naalarma nang makita ang lalaking kausap niya kanina at tinawag siyang salot ang taong nahihirapang huminga dahil may nakabara yata sa lalamunan nito.

Agad niyang nilapitan ang mama at niyakap patalikod. Malaking tao ito kumpara sa kaniya, pero dahil sa pagkataranta at mapanganib na sitwasyon ay wala na siyang pagpipilian pa. Kailangan niyang tulungan agad ang lalaki bago pa man mahuli ang lahat.

Ginagawa lamang ni Crisbert ang alam niyang gawin sa bagay na iyon, at walang ibang iniisip kung ‘di ang kaligtasan ng lalaking nanganganib ang buhay. Nang maisuka nito ang dahilan ng pagbara ng daluyan nito ng hangin ay saka lamang nakaramdam ng ginhawa si Crisbert. Agad niya itong inabutan ng maiinom na tubig at kinumusta ang pakiramdam nito. Nang masigurong ayos na ang lalaki’y tuluyan nang nawala ang pag-aalala niya.

“Salamat at tinulungan mo ako, boy. Utang ko sa’yo ang buhay ko,” anito, sabay tapik sa balikat niya.

Hanggang ngayon ay hinihingal pa rin si Crisbert sa ginawang pagtulong sa lalaki. Malaking mamá ito, samantalang patpatin lamang ang kaniyang pangangatawan dahil na rin sa kakulangan palagi sa pagkain.

“Walang anuman, kuya,” hinihingal niyang sambit. “Ginawa ko lang po kung ano ang natutunan ko sa loob ng boys town,” dugtong niya, saka uminom ng tubig.

“Galing kang boys town?” kunot-noo na tanong nito.

Kumpara kanina’y mahinahon at maayos na ang tono ng boses nito. Hindi na ito nakasigaw at nakasinghal na tila ba ang laki ng kasalanang nagawa niya rito.

Ikinuwento ni Crisbert ang naging buhay niya sa lalaki. Habang nagku-kwento ay nag-order rin ito ng pagkain para sa kaniya. Nang malaman ng lalaki ang buong kwento ng buhay niya’y nakita niyang labis itong naawa sa kaniya at humingi pa ito ng kapatawaran sa naging asal nito kanina.

“Pasensya ka na, Crisbert, kung napagkamalan kita kaninang r*gby boy ah,” hinging pasensya nito.

Matamis na ngumiti si Crisbert saka iwinagayway ang kamay. “Palagi naman po iyong nangyayari sa’kin, kuya, at ayos lang po iyon. Ang mahalaga ay kilala ko ang sarili ko at alam kong kailanman, kahit nabuhay akong mag-isa sa mundong ito, hindi ko sinubukang pumasok sa mga ganoong bisyo, gaya na lang ng ibang kabataan na naligaw na ang landas nang tuluyan.”

Ngumiti si Andrew saka ginulo ang buhok ni Crisbert. “Salamat ulit sa ginawa mo. Hayaan mo’t babawi ako sa’yo,” anito.

Nang malaman ni Andrew na ulilang lubos na si Crisbert ay naawa siya rito. Dahil gaya nito’y gano’n rin ang naging buhay niya. Kaya nga siya galit sa mga batang naligaw na ang landas at mga batang nanghihingi ng barya para pang-bisyo. Akala niya’y isa roon si Crisbert. Kaya noong napatunayan niyang hindi ay agad niya itong inalok ng trabaho at pinangakuang tutulungan sa pag-aaral nito.

Malapit ang puso niya sa mga kagaya ni Crisbert at kagaya niya’y gusto niya ring maging matagumapay ang batang si Crisbert na agad niyang hinusgahan at pinagalitan sa maling paratang, ngunit hindi man lang nagdalawang-isip na siya’y tulungan noong siya’y nangailangan.

Advertisement