Inday TrendingInday Trending
Sinalo ng Kasambahay ang Lahat ng Kahihiyang Dapat ay sa Pamilya ng mga Amo; Ito ang Naging Balik sa Kaniya ng Tadhana

Sinalo ng Kasambahay ang Lahat ng Kahihiyang Dapat ay sa Pamilya ng mga Amo; Ito ang Naging Balik sa Kaniya ng Tadhana

Napatigil sa pagkain ang pamilya Lopez matapos umalingawngaw sa maluwang na sala ang malakas na sampal ng padre de pamilya sa bunsong anak na si Eunice.

“Buntis ka?!” dagundong ng boses ni Don Enrique. Nang tumango ang dalaga sapo ang nasaktang pisngi ay isang sampal na naman sana ang matatamo nito kung ‘di lang pinigilan ni Donya Esmeralda ang asawa.

“Alam mo ba gaano ko katagal inalagaan at iningatan ang pangalan ng pamilyang ito?! Dugo’t pawis ang isinakripisyo ko at ibabasura mo lang dahil sa kapusukan mo!” sabi ng Don.

“Mabuti pa ang pangalan ng pamilya, inalagaan at iningatan mo! Kami ba? Kahit nandito ka ay wala naman kaming naramdamang kalinga mula sa’yo!” sagot ni Eunice habang tumutulo ang luha.

Nang akmang sasaktan ulit ng Don ang dalaga ay agad na hinarangan ito ni Esther. Nagulat ang lahat sa ginawang iyon ng kasambahay dahil imbes na si Eunice, ito ang sumalo sa sampal ng amo. Bahagya itong nabuwal sa pagkakatayo. Ang bente anyos na si Eunice naman ay kinuha ang pagkakataon upang magdabog papunta sa kaniyang kwarto. Si Esther ay sinenyasan ng Donya na sundan ang dalagang amo.

Galit na galit si Don Felipe dahil sa nangyari. Balak niya pa naman kasing tumakbo bilang alkalde sa darating na eleksyon ngunit kung puputok ang isyu tungkol kay Eunice, baka masira ang kaniyang reputasyon bilang perpektong ama at asawa sa pamilya. Isa lang ang naisip niyang paraan upang maiwasan iyon.

“Ipatawag mo si Esther,” sabi ng don.

Nagtataka man ay sumunod na lang si Donya Esmeralda sa asawa. Ayaw na ayaw niya ng gulo sa pamilya kung kaya’t gagawin niya ang lahat upang tulungan itong maayos ang gusot.

Nakayukong hinarap ni Esther ang amo. Nararamdaman niya pa rin ang sakit ng sampal nito ngunit mas nangingibabaw sa kaniya ang pag-aalala kay Ms. Eunice na amo niya. Pareho silang bente anyos at halos lumaki na kasama ang isa’t isa. Kahit may pagkamaldita si Eunice ay napalapit pa rin dito si Esther at itinuturing niya itong matalik na kaibigan. Kaya’t ngayong matindi ang dinadanas nito, ‘di niya maiwasang mainis nang bahagya sa don na ‘di man lang ito suportahan bilang ama.

“Alam kong malapit kayong dalawa ni Eunice. Ang pagsalo mo sa sampal ko kanina ay pruweba na malalim ang katapatan mo sa kaniya. Ngayon masusubok ang katapatang iyan. Kung ayaw mong mapahiya si Eunice sa mga kaibigan niya, pati na rin sa buong siyudad, kailangan mong sumang-ayon sa plano ko. Palalabasin nating ikaw ang buntis at anak mo ang batang isisilang ni Eunice. Sa ganoong paraan ay walang makakaalam ng kaniyang pagdadalantao. At kung hindi ka sasang-ayon… wala akong magagawa kundi ipalaglag ang bata,” sabi ng don sa matigas na tono.

Napatingin nang diretso si Esther sa mata ng don. Malamig iyon at walang awa. Naisip ni Esther ang pamilya, pati na ang nobyo. Ano na lang ang iisipin ng mga ito? Sa kabilang banda, walang kasalanan ang bata, at si Eunice. Bata pa lang sila ay mahina na ang loob nito at padalos-dalos sa desisyon. Natatakot siyang may gawin itong ‘di maganda sa sarili kung walang tutulong dito. Nang gabing iyon, nagpasya si Esther na saluhin ang kahihiyan para pagtakpan ang buong pamilya Lopez. Nanatili si Eunice sa ibang bansa upang walang makaalam ng pagbubuntis nito, habang si Esther ay nagpanggap na buntis.

Natural na nabahala ang pamilya ni Esther, gayundin ay hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo dahil inakala nitong nagtaksil siya. Nadurog ang puso ng dalaga sa tindi ng kaniyang mga sinakripisyo, dagdag pa riyan ang mga chismis tungkol sa kaniya.

Nang manganak ay ipinuslit ang bata sa mansyon, at ipinalabas na iyon ang anak ni Esther. Natutong mahalin ni Esther ang bata. Naaawa nga siya sapagkat walang amor dito ang pamilya maliban lang kay Donya Esmeralda. Nang mapamahal na si Esther sa bata ay dumating ang isa pang pagsubok. Nang wala sa mga anak ng don ang gustong magmana sa posisyon nito sa pagpopolitika, nais ni Don Felipe na kunin na ang bata kay Esther. Pinalayas siya sa mansyon at binayaran upang manahimik. Pinalabas na si Esther ang nang-iwan sa anak nito at sa kabutihang loob ni Don Felipe ay inampon na nito ang bata. Nais ipagtanggol ni Esther ang bata ngunit wala siyang karapatan. Naaawa siya sa batang si Alexis dahil kahit mismong si Eunice ay walang pakialam.

Makalipas ang ilang taon ay nagpatuloy sa siya sa buhay at pilit na kinalimutan ang mapait na nakaraan. Nagkaroon siya ng asawa ngunit sa kasamaang palad ay ‘di sila magkaanak. Habang nagluluto isang araw, nagulat siya nang may isang binata ang pumunta sa kanilang bahay at hinahanap siya. Pagkita niya pa lang sa mga mata nito ay nakilala niya ito agad. Si Alexis! Ang batang pinalaki niya!

Niyakap siya ng binata at naluha si Esther. Kahit apat na taon lang ito sa kaniya ay napamahal na ito sa kaniya nang lubos. ‘Di man sa dugo, sa puso niya ay anak niya ito.

“Naparito po ako para ibigay ito,” sabi nito sabay abot sa kaniya ng isang sulat. “Wala na po si Mommy Eunice. At bilin niya na ibigay iyan sa tanging tao na dumamay sa kaniya sa lahat ng problema niya. Naikwento niya rin po sa akin ang nangyari sa nakaraan. Kung paano niyo po ako pinalaki at inalagaan. Maraming salamat po Nanay Esther,” sabi ng binata.

Napaluha si Esther nang marinig ang salitang “nanay”. Gayundin ay naalis na rin ang bigat sa kaniyang puso dahil mukhang naging ayos na sila ni Eunice. Matagal siyang nagkaroon ng galit sa puso dahil pakiramdam niya ay pinagtaksilan nito ang pagkakaibigan nila. Ngayon ay pinapatawad na niya ito sa hindi nito pagtatanggol sa kaniya. Nagpapasalamat siya at kahit papaano ay nagkadugtong muli ang landas nila ni Alexis. Muling nagyakap ang dalawa. Ramdam nila na hindi man sila magkadugo ay magkarugtong naman ang kanilang mga puso.

Advertisement