Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Dalaga nang Mag-uwi ang Kaniyang Ama ng Babaeng Halos Kaedad Lang Niya; Matanggap Kaya Niya ang Bagong Madrasta?

Nagulat ang Dalaga nang Mag-uwi ang Kaniyang Ama ng Babaeng Halos Kaedad Lang Niya; Matanggap Kaya Niya ang Bagong Madrasta?

Pagpatak pa lamang ng ala-sais ng umaga ay walang maririnig sa mansiyon ng mga Dela Cruz kundi ang abalang yapak ng kanilang dalawang kasambahay na abala sa paglilinis at paghahanda ng almusal ng mag-amang si Dan at Yssa. Kung maghanda ang mga ito ay mahina ang dalawang putahe para lamang sa almusal ng mag-ama.

Pagkatapos ng ilang minuto, sabay na lumabas ang dalawa na nakabihis na ng kani-kaniyang mga uniporme. Habang nag-aalmusal, masayang ikinukwento ni Yssa ang mga kaganapan sa kaniyang eskwelahan. Isang taon na lang kasi ang kaniyang hinihintay at siya ay makakatapos na ng kolehiyo. Laking tuwa naman ni Dan na simula pa noong bata si Yssa ay matataas na ang mga grado nito. Hindi rin siya hadlang sa pangarap nitong maging isang doktor pagdating ng araw. Kahit na ang gusto sana niya ay manahin ni Yssa ang kanilang negosyo.

Ilang sandali pa, nabasag ang tawanan at masayang kwentuhan nang mabanggit ng dalaga ang inang yumao. Tatlong taon na ang nakalipas mula nang iwan sila nito matapos magkasakit sa puso. Sabi nga, walang perpekto. Mayaman at marami man ang kanilang pera, alam nila na malaking kawalan sa kanila ang pagpanaw ng ina. Napangiti na lamang ang dalawa at tuluyang nagpaalam sa isa´t isa upang pumasok na sa paaralan si Yssa at sa kanilang kumpanya naman si Dan.

Sumapit ang gabi, masiglang bumaba ng sasakyan si Yssa upang iparating sa kaniyang ama na natanggap siya sa mataas na paaralan upang siya ay makapag-aral ng medisina. Subalit pagbukas ng pintuan ng kanilang bahay, bumungad sa kaniyang harapan ang kaniyang ama at may kausap itong dalaga na halos kasing edad at kasing katawan lang niya. Nagtaka siya noong una at piniling huwag munang husgahan ang ama. Lumapit siya upang humalik sa ama at ipapakita na sana niya ang papel na kaniyang hawak.

¨Yssa, ito si Andrea at dito na siya titira kasama ko, kasama nating lahat,¨ masayang pahayag pa ni Dan sa kaniyang anak.

Pinilit ni Yssa na ngumiti ngunit halata sa kaniyang mukha na hindi niya gusto ang nangyayari. Ipinagpaliban ito ni Dan dahil alam niyang matalino ang kaniyang anak at maiintindihan din nito ang kaniyang kagustuhan. Noong gabing iyon, habang kumakain ang tatlo, pinagmamasdan lamang ni Yssa na masayang nagpapalitan ng mga kwento ang dalawa at nagtatawanan pa. Minadali niya ang pagkain at umakyat na sa kaniyang kwarto.

Hindi lubos maisip ni Yssa kung bakit kailangan pa ng kaniyang ama ng babae sa buhay nito. Ang masaklap pa rito ay ka-edad lamang niya iyon. Hindi rin daw nakapagtapos ang babae at sa isang kainan lamang nagkakilala ang dalawa. Mabigat man sa loob, alam ni Yssa na wala siyang magagawa dahil kagustuhan at desisyon naman iyon ng kaniyang ama.

Nagdaan ang mga araw at mas tumatagal, lalong sumasama ang tingin ni Yssa sa kaniyang ama pati na sa babaeng kinakasama nito. Nawalan kasi ng oras sa kaniya ang ama at kahit na sa hapagkainan ay nakabuhos ang atensiyon nito sa kaniyang kasintahan. Hindi namamalayan ni Yssa na lumalalim ang sama ng loob niya sa kaniyang ama. Ganoon din kay Dan, habang siya ay masaya sa kaniyang kasintahan, hindi niya namamalayan ang lumalayong distansiya sa pagitan nila ng kaniyang anak.

Isang tanghali, araw ng Sabado at walang pasok si Yssa. Nahuli ng dalaga na may kausap si Andrea sa kaniyang telepono. Pakiramdam niya ay niloloko lamang nito ang kaniyang ama. Simula noon, nagpasiya si Yssa na obserbahan ang lahat ng kilos ng babae upang paalisin na ito ng ama.

Ilang linggo pa ang lumipas at natuklasan ni Yssa ang mga kalokohan na pinaggagagawa ni Andrea. Tuwing wala pala silang lahat, nagpapapasok ito ng kaniyang mga kaibigan sa loob ng mansiyon. Kasama na rito ang kaniyang kalaguyo raw, ayon kay Yssa. Lahat ng ito ay pinagsikapang ilista ni Yssa pati na mga perang kinukupit nito mula kay Dan para ipadala sa pamilya nito sa kaniyang probinsya.

Isang gabi habang payapang naghahapunan ang tatlo, nagpasiya si Yssa na doon ibuking si Andrea. Lahat ng mga kalokohan nito ay kaniyang sinabi sa ama. Nakayuko lamang si Andrea habang isa-isang isinisiwalat ni Yssa ang mga ito. Subalit napatigil ang dalaga sa kaniyang pagsusumbong nang makita sa mukha ni Dan na parang alam naman nito ang lahat. Sa mismong oras na iyon, sinabi ni Dan kay Yssa na alam niya ang lahat ng iyon.

Hindi natagalan ni Yssa ang narinig na iyon. Pakiramdam niya ay nagmukha lamang siyang tanga at desperada sa harap ng kaniyang ama pati na ng nobya nito. Hindi rin niya matanggap na ganoon na lamang pinapayagan ni Dan na lokohin siya ng kaniyang babae. Lalong umigting ang galit at sama ng loob ng dalaga sa kaniyang ama.

Simula noon, hindi na halos nagtatagpo ang dalawa. Hindi na sumasabay si Yssa sa kanilang almusal, tanghalian at kahit na hapunan. Tinanggihan din niya nang maraming beses ang alok ng kaniyang ama na lumabas. Tuluyan nang nawalan ng pag-asa si Yssa na mapapatawad pa niya ang kaniyang ama.

Hanggang sa dumating ang hindi inaasahan ng lahat. Isang gabi, hindi na muling nagpakita si Andrea. Sa una ay hindi pinansin ni Yssa ang pangyayari at naisip na mabuti lamang iyon at naparusahan ang kaniyang ama. Matapos ang paglisan ni Andrea sa kanilang buhay, gabi-gabing naglalasing si Dan at nakikita iyon ni Yssa subalit pinipigilan niya ang sariling damayan ang ama.

Isang araw, nagulat ang lahat dahil may dumating na mga taong naniningil ng utang. Malaking halaga ang sinisingil nito at kung hindi makakapagbayad kaagad, kapalit nito ay ang kanilang mansiyon. Hindi lubos maisip ni Dan na magagawang isangla ni Andrea ang kanilang bahay nang hindi niya nalalaman.

Isang buwan ang nakalipas, kumayod nang husto si Dan upang pagbayaran ang perang pantubos ng kanilang titulo. Hindi biro ang halagang iyon at hindi rin naman maaaring mawala sa kanila ang bahay na punong-puno ng masasayang alaala nila ng kaniyang namayapang asawa.

Isang gabi, habang umiinom ng alak, nilapitan ni Yssa ang ama. Niyakap niya ito at muling pinatawad ang ama. Malaking leksiyon ang itinuro ng mga pangyayari sa kanilang mag-ama. Wala na nga sigurong mas hahalaga pa kundi ang relasyon nilang dalawa dahil sa huli, anuman ang mangyari, sila pa rin ang magkasama at magdadamayan.

Pangako ni Dan sa anak na wala nang babaeng makakasira pa sa kanilang dalawa. Kung muli man siyang iibig sa hinaharap, pangako niya kay Yssa na kikilatisin muna nila itong maigi bago ito papasukin sa buhay nilang mag-ama.

Advertisement