Kailangan Niya Raw Munang Manungkit ng Bituin Para Makamit ang Matamis na Oo ng Iniibig; Ibang “Bituin” ang Nasungkit Niya

Kailangan Niya Raw Munang Manungkit ng Bituin Para Makamit ang Matamis na Oo ng Iniibig; Ibang “Bituin” ang Nasungkit Niya

InspiringLoveStories

“Sige tatanggapin ko lang yang pag-ibig mo kapag may nasungkit kang bituin para sa akin,” sabi ni Milen.

“Sakto! Pangarap ko ring maging astronaut eh. Hayaan mo, kapag nakapunta ako sa kalawakan, sisiguraduhin kong dadalhan kita ng bituin,” sagot ni Ryan na nagniningnig ang mga mata, ngunit bulag sa pag-ibig.

Hayskul pa lamang ay sinusuyo niya na ang minamahal na kababatang si Milen. Halata namang ayaw sa kaniya ni Milen ngunit hindi niya iyon nakikita. Sabi nga ng mga kaibigan ni Ryan ay manhid at bulag na raw siya talaga sa pag-ibig. May hitsura naman siya, sa katunayan nga ay maraming nagkakagusto sa kaniya, ngunit puso lang ni Milen ang nais niyang sungkitin. Ngayon nga ay nagkaroon siya ng bagong misyon – kailangan niyang manungkit ng bituin upang sagutin na siya ni Milen.

Sineryoso talaga ng binata ang bagay na iyon kaya nag-aral siya nang mabuti para pagka-graduate niya sa kolehiyo ay matanggap siya sa eskwelahan sa Amerika. Dahil likas na matalino at madiskarte, natanggap nga siya bilang iskolar at natupad ang pangarap niyang maging astronaut. Kahit abala siya sa pag-aaral ay ‘di nakakalimutan ni Ryan na kumustahin palagi ang inspirasyon niyang si Milen, ngunit gaya ng dati ay wala pa rin itong pakialam sa kaniya. Harap-harapan siyang pinagtatawanan nito ngunit katwiran niya sa sarili ay hindi pa rin naman siya talaga opisyal na tinatanggihan ng dalaga. Hangga’t hindi siya nito pinatitigil ay hindi siya susuko.

Lumipas ang maraming taon, naging ganap na astronaut nga si Ryan. Isa siya sa ilang Pinoy na nakaapaak sa buwan. Dahil din sa koneksyon niya ay nakakuha siya ng kapirasong bato na sinasabing galing daw sa isang bumagsak na bituin. Nang makuha niya iyon ay tuwang-tuwa siya dahil sa wakas ay may maipakikita na siya kay Milen. Sa pagkakaalam niya ay single pa rin naman si Milen kaya’t walang makakapigil sa kaniya na ligawan ito.

Sabik siyang bumalik sa Pilipinas ngunit sa airport ay isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. May nakatabi siyang kahina-hinalang babae at may iniabot itong kapirasong papel sa kaniya na may nakasaad na salitang “tulong”.

Nabahala naman siya sa mensaheng iyon. Napansin niya ang ilang lalaki na laging lumilingon sa babae, siguro ay ang mga ito ang panganib. Kaya naman nagpasya si Ryan na tulungan ang babae.

Paglapag nila sa Pilipinas ay umangkla ito sa braso niya at nagsimulang umarte.

“Tara na babe, saan mo gustong kumain?” malambing na sabi nito. Sinakyan niya lang din ito at nakita niyang umatras ang mga lalaking nagmamanman dito.

“Maraming salamat sa tulong mo! Ako nga pala si Tala,” sabi nito sabay tanggal ng suot na salamin at sombrero. Nagulat siya nang biglang may mga kamerang nagsulputan at pinagkukuhanan sila ng litrato. Agad nagtakip ng mukha ang babae at sabay silang sumakay sa kotseng sumundo rito.

“Wala bang TV kung saan ka galing? Bakit ‘di mo kilala ang pinakasikat na bituin sa showbiz na si Tala?! Nakakaloka ka, tingnan mo tuloy at napagkamalan kang, naku!” nakukunsuming sabi ng binabaeng manager na si Gigi. Kumalat kasi agad ang litrato nila ng sikat na artista sa internet. Malay ba niya na sikat pala ito eh wala talagang TV sa kalawakan kung saan siya nanggaling.

“At bakit ka ba kasi umuwi Tala, ha?! Sana ay sumunod ka na lang sa lahat ng gusto ni Sir Rey! Alam mo namang kaya niyang pasikatin o ‘di kaya’y sirain ang career mo dahil makapangyarihan siya! Bumalik ka roon ngayon!” sabi ni Gigi habang mahigpit na hawak ang braso ni Tala.

“Ayoko nga sabi, Gigi! Parang-awa mo na. Gagalingan ko na lang please!” sabi ni Tala habang mangiyak-ngiyak. Napabaling ang mukha nito nang tumama ang isang malakas na sampal mula kay Gigi. Nang makahuma ay biglang binuksan ni Tala ang pinto ng sasakyan at saka mabilis na tumakbo. Nahila naman ni Gigi ang buhok ng dalaga. Doon naman umaksyon si Ryan. Napilitan siyang sapakin ang binabaeng manager at saka kinuha ang kamay ni Tala, at sabay silang tumakbo papalayo.

Humingi ng pasensya si Tala kay Ryan dahil nadamay pa ito. Aalis na dapat si Ryan ngunit naalala niyang hinahabol nga pala ang dalaga ng mga kahina-hinalang lalaki, bakat pa sa makinis na balat nito ang pagbubuhat ng kamay sa manager nito. Tila ba lumambot ang puso ni Ryan at nagpasyang tanungin ito kung may matatawagan o mapupuntahan ba ito at ihahatid na niya. Nahihiyang tiningnan nito ang cellphone, at saka umiling.

“Wala eh… si Gigi lang ang kilala ko simula nang mapunta ako rito sa Maynila,” sagot ni Tala. Ang malungkot at magagandang mata nito ay tila nangungusap kay Ryan. Nagpasya siyang isama ito sa kanilang tahanan na ikinatuwa naman ng kaniyang mga magulang.

“Aba totoo ngang nobya mo si Tala!” bulalas ng kaniyang ina na si Nanay Edna. Nang ipaliwanag ni Tala ang nangyari ay naawa rin ang buong pamilya ni Ryan. Doon na muna namalagi si Tala habang si Ryan naman ay nakatanggap ng tawag mula kay Milen. Akala niya ay matutuwa siya ngunit nang makausap ang dalaga at marinig ang mga hiling nito ngayong nakauwi na siya ng bansa ay napagtanto niya kung gaano ito kamateryalistiko.

Sa mga sumunod na araw ay nakita ni Ryan kung gaano kasipag at karunong sa bahay si Tala. Ang akala niya ay puro arte lang ang alam nito ngunit iyon pala ay laki rin ito sa mahirap na pamilya sa probinsya. Naging magkasundo sila sa maraming bagay, at nang hapong iyon, habang kasama nila si Nanay Edna na naghahanda ng hapunan, ‘di inaasahang dumating si Milen.

Pati si Tala ay namangha sa ganda ni Milen ngunit nagulat siya nang irapan siya nito. Agad naman itong nilapitan ni Ryan. ‘Di nila naririnig ang pinag-uusapan ng dalawa ngunit sa dulo ay bigla na lang umalis si Milen at mag-isang bumalik si Ryan sa bahay.

“Oh, bakit ‘di mo man lang inimbita ang bisita mo?” tanong ng nanay. Ngumiti lang si Ryan habang hawak sa kaniyang bulsa ang kwintas na may batong bituin na ibibigay niya dapat kay Milen. Hindi siya makapaniwalang sinayang niya ang kabataan niya sa isang babaeng tulad nito. Pumunta lang si Milen doon upang sabihin sa kaniyang hindi pa rin siya sapat para dito. Na kung pinagseselos niya ito sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa isang pipitsuging artista ay hindi ito tinatablan. Doon niya lang nakita ang totoong anyo nito.

Kinabukasan ay nagpaalam si Tala na aalis na sa kanilang tahanan. Nakontak na raw nito ang pamilya sa probinsya. Marahil ay doon na lang nito itutuloy ang buhay kahit ‘di bilang isang artista. Nagtaka si Ryan dahil nang umalis si Milen ay wala siyang naramdaman ngunit sa pag-alis ni Tala ay tila ba nawasak ang kaniyang puso.

“Oh akala ko ba ‘di mo nobya, bakit lagi kang malungkot simula nang umalis si Tala?” tanong ni Nanay Edna. Hindi makasagot si Ryan dahil doon niya lang napagtanto na nahulog na ang loob niya sa dalaga.

Nagpasya si Ryan na puntahan si Tala sa probinsya at doon ipagtapat ang kaniyang pag-ibig. Namangha siya sa kagandahan nito, kahit naabutan niya itong nagtatanim ng palay at may putik sa mukha. Iniabot niya rito ang isang kwintas na may batong galing sa bituin.

“Oh, bakit sa’kin mo ibinibigay? ‘Di ba para kay Milen ito?” tanong ni Tala.

“Mas bagay pala sa’yo. Kasi ‘di ba tala ang pangalan mo,” sagot naman ni Ryan, saka ito nagtapat ng pag-ibig. Kahit pinilit ni Tala ay hindi niya maitago ang ngiti at luha. Buong buhay niya kasi ay pinagsasamantalahan siya ng mga tao. Si Ryan ang kauna-unahang lalaki na rumespeto at tumulong nang walang inaasahang kapalit sa kaniya. Marami ang nangako ngunit ito lang din ang sumungkit ng bituin para sa kaniya.

Maligayang-maligaya ang naging pagsasama ng dalawa. Marami silang pinagdaanan na tila pang-teledrama ngunit alam nila na hindi rin mga tala ngunit si Bathala mismo ang nagtakdang ibigin nila ang isa’t isa.

More Stories