Inday TrendingInday Trending
Nag-Artista rin ang Dalaga upang Patunayan sa Kaniyang Ate na Mas Magaling Siya; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya ang Pagmamataas

Nag-Artista rin ang Dalaga upang Patunayan sa Kaniyang Ate na Mas Magaling Siya; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya ang Pagmamataas

Sabik na sabik na nakauwi si Celine sa kanilang bahay. Mataas kasi ang nakuha niyang marka sa eskwelahan at hindi na siya makapaghintay pa na maipakita ito sa kaniyang mga magulang.

Ngunit lahat ng saya niya ay biglang nawala nang makita niya ang saya ng mga magulang habang kasama ang kaniyang Ate Eloisa, isang tanyag na artista. Tatlong buwan din kasing nasa ibang bansa ang dalaga para sa shooting ng isang pelikula.

“Celine, nariyan ka na pala! Tingnan mo itong mga awards ng ate mo. Nakakatuwa, ‘di ba? Kahit na dalawang taon pa lang siya sa industriya ay ang dami na niyang parangal!” bungad ng amang si Carlos.

“Hindi maipaliwanag ang saya namin ngayong nakasama ka ulit namin, Eloisa. Kahit nasaan ka ay ipinagmamalaki ka namin ng daddy mo,” dagdag pa ng inang si Vivian.

Dahil dito ay hindi na lang sinabi ni Celine ang nais niyang ibalita sa mga magulang. Alam niya kasing kahit ano ang gawin niya ay hindi niya mapapantayan ang galing ng kaniyang Ate Eloisa.

Bata pa man ay may lihim nang inggit itong si Celine sa kaniyang ate. Napapansin kasi niyang wala nang ibang magaling sa kaniyang mga magulang kung hindi ang nakatatandang kapatid. Lalo na nang pinasok ni Eloisa ang pag-aartista. Dahil kasi sa kinikita ng dalaga ay nakakaranas sila ng magandang buhay. Ngunit para kay Celine ay dahilan ito kaya lalong hindi siya napapansin ng mga magulang.

Noong araw rin na iyon ay nagkulong na lang sa kwarto si Celine. Ang sabi niya ay marami siyang gagawing asignatura. Hinayaan naman siya ng kaniyang mga magulang.

“Baka kasi gusto rin ng mga magulang mo na maka-pokus ka sa pag-aaral kaya hinayaan ka na lang nilang magkulong sa silid mo,” sambit kay Celine ng kaibigang si Arianne habang kausap ito sa telepono.

“Hindi man lang nila ako alukin na maghapunan. Palibhasa’y nand’yan na ang paborito nilang anak. Hindi na naman ako mapapansin. Isang araw talaga ay mapapatunayan ko sa mga magulang ko na mas magaling ako sa ate ko,” sambit naman ng dalaga.

“Alam mo, Celine, hindi ko maintindihan kung bakit galit na galit ka sa ate mo. Hindi ba dapat ay masaya ka dahil masagana ang buhay ninyo nang dahil sa kaniya? Nakukuha mo ang mga gusto mo dahil malaki ang kita ng ate mo sa pag-aartista at pagmomodelo,” pagtataka pa ng kaibigan.

“Naiinis ako na lagi na lang si Ate Eloisa ang magaling. E, hindi nga siya nakapagtapos ng pag-aaral man lang. Tapos kahit anong gawin ko ay kulang pa rin para sa mga magulang ko!” tugon muli ni Celine.

“Baka akala mo lang ‘yun, Celine. Bakit kasi hindi mo buksan ang puso mo at makipaglapit ka sa Ate Eloisa mo?” payo pa ng kaibigan.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin kay Celine ng kahit sino ay karibal sa pagmamahal sa kaniyang mga magulang ang tingin niya sa kaniyang Ate Eloisa.

Isang araw, napagdesisyunan niyang pasukin din ang mundo ng pag-aartista. Lalo na’t marami ang nakapagsasabi na mas maganda naman siya sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Hindi nga nabigo itong si Celine. Dahil sa ganda ng itsura at hubog ng kaniyang pangangatawan ay mabilis siyang napansin. Tulad ng kaniyang ate ay mabilis din ang pagsikat niya bilang isang artista at modelo.

Dahil nga malaki na ang kinikita nitong si Celine ay tumigil na rin siya ng pag-aaral. Kabi-kabila rin ang pagbili niya ng mga mamahaling gamit. Madalas din itong umalis patungong ibang bansa, at halos gabi-gabi mong makikita sa mga party ng mga kaibigang artista.

Napansin ni Eloisa ang pagbabago sa kapatid, maging ang paglayo nito sa kanilang pamilya. Kaya agad niyang pinagsabihan ang dalaga.

“Celine, hindi naman sa nangingialam ako sa iyo. Pero bilang ate mo ay nag-aalala ako sa’yo. Gusto ko lang na ipaalala sa iyo na hindi habang buhay ang pag-aartista. Ngayon ay sikat ka, baka bukas ay hindi na. Kaya dapat ay maging wais ka. Imbes na waldasin mo ang pera mo ay ipunin mo. Huwag kang basta na lang magtitiwala kung kani-kanino, Celine. Hindi mo alam kung sino ang tunay mong kaibigan sa industriya,” paalala ni Eloisa.

“Alam mo, naiinggit ka lang sa akin dahil mas sikat na ako sa iyo. Noong ikaw naman ang nag-aartista ay hindi kita pinakialaman, a! Bakit ngayon ay nakikialam ka sa akin? Sino ka ba? Hindi naman ikaw ang manager ko! Bakit hindi mo na lang pansinin ang sarili mong karir nang hindi ka malaos? Siguro ay naiinggit ka lang sa akin dahil mas nakakaangat na ako sa’yo,” pagmamalaki ni Celine.

“Kahit kailan ay hindi ganiyan ang naging tingin ko sa’yo. Kapatid kita kaya kung ano man ang narating mo sa buhay ay labis kong ipinagmamalaki. Nakakadismaya na ganiyan pala ang tingin mo sa akin, Celine. Nagmamalasakit lang naman ako sa’yo bilang ate mo,” tugon pa ni Eloisa.

“P’wes hindi ko kailangan ang pag-aalala mo, ate. Kaya ko ang sarili ko. Baka nakakalimutan mong mas matalino ako sa iyo dahil mas may pinag-aralan ako,” dagdag pa ni Celine.

Nasasaktan man ay hindi na pinatulan nitong si Eloisa ang nakababatang kapatid. Bilang panganay ay siya na ang nagpakumbaba.

Ngunit lumipas ang mga araw ay hindi makontrol ang labis na kayabangan nitong si Celine. Madalas itong laman ng inuman sa mga bar at dahil dito ay madalas din itong laman ng mga tsismis.

Dahil sa masamang reputasyon ay wala nang makuhang proyekto si Celine. Kung ano ang bilis ng kaniyang pagsikat ay gano’n din ang bilis ng kaniyang paglubog.

Naubos ang kaniyang ipon at ang matindi pa roon ay dahil sa labis na pag-inom at hindi magandang trato sa kaniyang katawan ay nagkasakit itong si Celine. Labis ang sama ng loob ni Celine nang wala man lamang kaibigan niyang artista ang kaniyang malapitan sa oras ng kagipitan.

Habang naka-confine sa ospital ay dumating ang kaniyang mga magulang kasama ang kaniyang Ate Eloisa.

“Ano bang nangyayari sa iyong bata ka? Bakit kasi lumayo ka sa amin, anak? Akala mo ba ay hindi ka namin mahal?” umiiyak na sambit ni Vivian sa anak.

“Narito na kami, Celine, kami na ang mag-aalaga sa iyo. Gagawin namin ang lahat para gumaling ka,” sambit naman ng ama.

“Malaking gastusin ang kinakailangan upang ipagamot po ako. Patawarin n’yo po ako kung hanggang ngayon ay pinahihirapan ko kayo,” pagtangis naman ni Celine.

“Huwag ka nang mag-alala, Celine. Hindi mo na kailangan pang mamroblema. Ako na ang bahala sa lahat. Ang kailangan mo lang gawin ay tulungan ang sarili mo para gumaling ka kaagad. Kahit maubos ang ipon ko ay wala akong pakialam basta gumaling ka lang,” sambit naman ni Eloisa.

Halos bumaha ng luha nang araw na iyon. Labis ang paghingi ng tawad ni Celine sa maling nagawa niya sa aking Ate Eloisa.

“Ngayon ay alam ko na kung bakit talagang maraming nagmamahal sa iyo, ate. Dahil napakabuti ng kalooban mo. Patawarin mo ako sa lahat ng masasakit na nagawa at nasabi ko sa iyo. Dapat talaga, imbes na mainggit ako ay inilapit ko na lang ang loob ko sa iyo. Hindi sana nangyari ang lahat ng ito sa akin,” umiiyak pang sambit ni Celine.

Isang mahigpit na yakap ang pumutol sa hidwaan ng magkapatid.

Simula nang araw na iyon ay nag-iba na ang pagtingin ni Celine sa kaniyang Ate Eloisa. Labis niyang pinagsisihan ang mga araw na sinayang niya dahil lamang sa inggit sa kaniyang puso. Dahil bandang huli, ang kaniyang ate rin pala ang magsasalba sa kaniya.

Advertisement