Malupit ang Pakikitungo ng Panganay sa Matandang Ina; Sa Kaniyang Pagtanda ay Mararanasan Niya ang Pait ng Kaniyang Ginawa

Malupit ang Pakikitungo ng Panganay sa Matandang Ina; Sa Kaniyang Pagtanda ay Mararanasan Niya ang Pait ng Kaniyang Ginawa

HeartbreakingKarmaStories

“Dennis, bakit pinadala mo na naman dito si mama? Hindi ba sinabi ko sa iyo na hindi siya maaalagaan dito? Magpapadala na lang ako sa’yo ng pera kung iyon ang kailangan mo!” naiinis na sambit ni Rebecca sa kaniyang nakababatang kapatid. 

“Ate, ikaw ang hinahanap ni mama. Nangungulit at gusto ka raw makasama. Ilang araw na kitang tinatawagan pero hindi mo naman sinasagot. Kanina, nagmamaktol na si mama dahil nga nagpapahatid diyan sa inyo. Ang sabi naman ni Kuya Bert ay ayos lang na nandiyan si mama,” paliwanag naman ni Dennis. 

“Siyempre hindi aangal ang asawa ko dahil biyenan niya si mama at ayaw niyang maging masama ang tingin niyo sa kaniya! Pero baka kung ano pa ang masabi niya sa akin dahil kilala mo naman si mama. Nag-uulyanin na siya. Lagi pa akong wala sa bahay kaya hindi ko rin naman siya makakasama. Ipapahatid ko ngayon d’yan si mama kung hindi mo masusundo. Kung pera ang kailangan mo ay magpapadala ako!” sambit pa ni Rebecca. 

“Ate, walang tao sa bahay dahil tutal nandiyan si mama ay naisipan din naming dalawin ang byenan ko. Kahit isang linggo lang, ate, pagbigyan mo na si mama. Ilang taon ka na rin niyang hindi nakakasama. Higit sa perang pinapadala mo ay nais ka niyang makasama,” wika pa ng nakababatang kapatid. 

Sa dalawang magkapatid na ito ay mas nakakaangat sa buhay itong si Rebecca dahil isa itong Account Executive sa isang kompanya at ang asawa naman nito ay isang arkitekto sa Pilipinas at sa ibang bansa. 

Samantalang si Dennis ay isang tricycle drayber. Hindi na ito nakapagtapos pa ng pag-aaral dahil maagang nagkaroon ng pamilya. Hindi na rin niya pinili pang magbalik sa pag-aaral dahil kailangan na niyang suportahan ang kaniyang mag-iina. 

Na kay Dennis din ang pangangalaga ng inang si Aurora, at nagpapadala na lang si Rebecca ng panggastos ng ina at tulong sa kapatid na nag-aalaga. Ngunit napagdesisyunan ni Dennis na ihatid muna panandalian ang kaniyang ina sa bahay ni Rebecca dahil nangungulila na ito sa panganay na anak. 

Ngunit tila hindi masaya si Rebecca na makasama ang kaniyang ina sa pamamahay nito. 

“’Ma, bakit nagpumilit pa kayong pumunta dito? Alam n’yo namang abala ako sa trabaho. Hindi ako p’wedeng mag-absent sa trabaho,” sambit ni Rebecca sa ina. 

“Hindi ka na kasi nadalaw sa bahay, anak. Ang sabi mo ay dadalawin mo ako buwan-buwan? Tila nakalimutan mo na ako. Dito lang muna ako saglit sa bahay mo. Hindi naman ako alagain, anak. Gusto lang talaga kitang makasama. Kaya huwag ka nang magalit sa kapatid mo,” malumanay na saad naman ni Aurora. 

“Ano pa nga ba ang magagawa ko, ‘ma, at narito na kayo? Basta huwag kang pasaway at huwag kang mangialam dito sa bahay. Do’n ka lang sa kwarto mo at magpahinga ka. Kapag may inaasikaso ako ay huwag mo akong aabalahin,” masungit na tugon ni Rebecca. 

Kahit na malamig ang pakikitungo ng anak ay pilit pa ring nanatili sa bahay na iyon si Aurora. Iba pa rin kasi na nakikita niya palagi ang kaniyang anak. 

Kinabukasan, habang abalang nagtatrabaho si Rebecca at panay tawag ng kaniyang ina. Dahil nakulitan na si Rebecca ay dali-dali niya niya itong sinagot. 

“’Ma, bakit ba? Nasa trabaho ako. Marami akong ginagawa. Sabihin mo na kung anong kailangan mo!” inis na sambit ng anak. 

“Itatanong ko lang kung anong oras ka uuwi at ako ang magluluto ng hapunan. May gusto ka bang ipaluto sa akin? Gusto mo ng kare-kare?” tanong pa ng ina. 

“Kayo na lang ang maghapunan. Baka doon na ako maghapunan dahil gagabihin ako ng uwi sa dami ng trabaho ko,” tugon muli ni Rebecca sabay baba ng telepono. 

Nalumbay nang bahagya si Aurora. Kahit na sinabi na ni Rebecca na hindi na siya kakain sa bahay ay pinagluto pa rin siya ng kaniyang ina. 

Hatinggabi na ngang nakauwi si Rebecca ngunit matiyagang naghintay pa rin ang matandang ina. Pagkita niya sa panganay na anak ay masaya niya itong sinalubong. 

“Nagluto ako ng kare-kare. Tara at tikman mo. Ipaghahain kita,” saad ng ina. 

“Hindi na, ‘ma. Pagod na ako at matutulog na po ako,” tugon ni Rebecca.

Pero patuloy ang pamimilit ni Aurora sa kaniyang anak. Naghanda pa rin siya sa hapagkainan para matikman ni Rebecca ang nilutong kare-kare. Ngunit sa pagmamadali ay bigla na lamang itong nakabasag ng pinggan. 

“Ano ba, ‘ma? Hindi ba sinabi ko nang hindi ako kakain? Bakit kasi nagpupumilit kayo? Tingnan n’yo tuloy ang nangyari! Mahal ang pinggan na ‘yan! Pumasok na nga kayo sa silid n’yo at magpahinga na. Huwag niyo na akong istorbohin!” hindi na napigilan pa ni Rebecca ang sigawan ang kaniyang ina. 

“Ganiyan ba ang tingin mo sa akin, anak? Isang malaking istorbo sa iyo? Pasensya ka na kung ang kulit ko. Nais lang kitang makasama. Pero kung nakakaabala lang pala ako sa iyo ay uuwi na ako kila Dennis. P’wede mo na akong ipahatid bukas,” pinipigilan ni Aurora ang pagpatak ng kaniyang mga luha. 

“Bakit bukas pa, ‘ma? Ngayon na! Kunin n’yo na ang lahat ng gamit n’yo at ipapahatid ko na kayo sa driver. Pagod na nga ako sa trabaho tapos istres pa rin ang isasalubong n’yo sa akin! Letseng buhay ‘to!” bulyaw pa ng anak. 

Agad na nag-ayos ng gamit ang ina upang makauwi na nang gabing iyon sa bunsong anak. Labis ang sama ng loob ni Aurora sa ginawang ito ni Rebecca. 

Ilang linggo rin ang nakaraan at hindi pa rin nakikipag-usap si Rebecca sa kaniyang ina. Ni hindi pa rin ito nanghihingi ng paumanhin. Hanggang sa isang araw ay tuluyan na lang nanghina itong si Aurora at binawian na ng buhay. 

Tinawagan ni Dennis ang kapatid upang ipaalam ang nangyari. 

“Matanda na rin naman si mama. Kailangan na nating tanggapin na talagang kukunin na siya ng Maykapal. Kung tumawag ka para sabihin sa akin ang gagastusin ay ako na ang bahala sa lahat. Alam ko namang wala kang ilalabas dahil sa trabaho mo,” sambit ni Rebecca. 

“Talagang wala ka man lang malasakit kay mama, ano? Napakayabang mo, ate. Nagkaroon ka lang ng pera ay kinalimutan mo na ang lahat ng sakripisyo ni mama sa atin dati. Alam mo ba, ate, na sa huling hininga niya ay ikaw pa rin ang tinatawag niya? Sana ay nagpunta ka man lang dito. Tapos ngayon ay ‘yan lang pala ang iniisip mo, na kailangan namin ng pera mo? Sana pagtanda mo ay hindi gawin sa iyo ng mga anak mo ang ginawa mo kay mama,” umiiyak na sambit ni Dennis dahil sa sama ng loob. 

“Hindi gagawin sa akin ng mga anak ko ‘yan dahil binigyan ko sila ng magandang buhay at hinahayaan ko silang mabuhay sa paraang gusto nila! Hindi ako magiging pabigat sa kanila pagtanda ko,” mariing sambit ni Rebecca. 

Sa paglipas ng panahon ay nakapangasawa na ang mga anak ni Rebecca. Nasawi ang mister nitong si Bert dahil sa isang matinding karamdaman. Sa pagtanda ni Rebecca ay unti-unti na ring humina ang katawan nito. Hanggang sa naging alagain na rin siya. 

Ngunit ang nakakalungkot ay ni isa man lang sa mga anak ni Rebecca ang nais na kumupkop sa kaniya. Ang tingin ng mga ito kay Rebecca ay malaking abala. Matapos niyang bigyan ng magandang buhay ang mga ito ay bigla na lang pala siyang tatalikuran. 

Labis ang sama ng loob ni Rebecca dahil sa kaniyang pagtanda ay wala man lang siyang maasahang anak na mag-aalaga sa kaniya. Bigla na lamang niyang naalala ang nagawa niya sa kaniyang ina noon. Tila bumalik sa kaniya ang lahat ng trato niya sa inang si Aurora. 

‘Di gaya ng kaniyang ina, noon ay nasa tabi nito ang kapatid niyang si Dennis nang ito’y mamaalam sa mundong ibabaw. Nakalulungkot isipin na binawian ng buhay si Rebecca nang mag-isa sa kaniyang bahay at nangungulila sa kaniyang mga anak. Talagang wala ni isa sa mga ito ang nagmalasakit na samahan siya hanggang sa huli niyang hininga. Grabe nga naman talaga trumabaho ang karma.

More Stories