
Imbes na Suportahan ay Ipinagpalit ng Misis ang Asawa; Pagsisisihan Niya Pala ang Desisyong Ito
Hindi sinasadyang mabuntis ni Manny ang dalagang si Lourdes nang dahil lamang sa isang inuman. Naglayas kasi ang dalaga sa kanilang bahay at si Manny ang naging takbuhan nito. Noon pa man ay may lihim na pagtingin si Manny kay Lourdes ngunit hindi pa rin ito sinasagot ng dalaga.
Kaya laking tuwa rin ni Manny nang pumayag si Lourdes na maikasal sa kaniya.
“Pinapangako ko sa iyo na gagawin ko ang lahat para mapaligaya kita. Gagawin ko ang lahat para mabigyan ko kayo ng mga anak natin ng magandang buhay,” saad ni Manny sa asawa.
Ngunit ang hindi alam ni Manny ay nagawa lang ito ni Lourdes dahil alam ng dalaga na malaki-laki rin ang mamanahin ni Manny sa kaniyang lolo. Nag-iisa kasing apo at may bukirin ang lolo ni Manny sa kanilang probinsya.
Kaya nagawang tiisin ni Lourdes ang pakikisama kay Manny kahit hindi niya ito mahal. Alam niyang isang araw ay magbubunga rin ang lahat ng kaniyang pagtitiis.
Hanggang sa pumanaw na nga ang lolo ni Manny. Tulad ng inaasahan ay ipinamana kay Manny ang naiwang bukid nito.
“Ano’ng balak mong gawin sa bukid ng lolo mo? Hindi mo naman p’wedeng taniman dahil siya na ang nagsabi na hindi maganda ang lupa. Baka p’wede na lang natin itong ibenta tapos ay bumili tayo ng mga gamit,” suwestiyon ni Lourdes.
“‘Yun nga rin ang iniisip ko. Gusto ko na ring ibenta ang lupa. ‘Yan din kasi ang sinabi ni lolo sa akin noon. Pero ayaw ko namang mapunta lang sa wala ang pagbebentahan ng lupa. Gusto na rin kasing umalis sa trabaho ko at magtayo ng isang maliit na negosyo,” tugon naman ni Manny.
“Bakit? Ayos naman ang kita mo sa trabaho mo bilang klerk sa munisipyo, a? Walang kasiguraduhan sa negosyo, Manny! Sa trabaho siguradong may kikitain ka buwan-buwan. Huwag mong isugal ang pera sa mga iniisip mo!” dagdag pa ni Lourdes.
Ngunit buo na ang loob ni Manny. Naniniwala kasi siyang sapat ang kakahayan niya sa paggawa ng mga muwebles sa bahay. Kailangan lang niya ng mga matitibay na materyales at lugar na magiging opisina niya.
Nang maibenta ni Manny ang lupa ay nagtayo siya ng isang warehouse malapit sa kanilang bahay. Doon ay mag-isa siyang nagdidisenyo at gumagawa ng mga muwebles tulad ng mesa at mga upuan. Malaking pera ang kailangan niyan ilabas para masimulan ang negosyong inaasam. Nang malaman ito ni Lourdes ay labis itong ikinagalit ng ginang.
“Hindi ka man lang nagtira para sa atin? Talagang nilagay mo ang lahat ng pinagbilan ng lupa diyan sa walang kwenta mong negosyo? Paano kung sumablay ‘yan? Paano kung wala kang makitang bibili ng mga ginagawa mo? Ano ba ang pagkakaiba ng mga gawa mo sa mga kilalang manggagawa? Ano ba ang iniisip mo, Manny?!” bulyaw ni Lourdes sa asawa.
“Alam kong kaya ka nagagalit ay natatakot ka lang dahil sumugal ako sa negosyo. Hindi ko man alam kung saan ito patungo, hindi ko naman hahayaan na walang mangyari. Dahil kayo ng anak natin ang inspirasyon ko kaya nga ako lumalaban nang ganito. Gusto ko kayong bigyan ng magandang buhay. Kaya konting tiis lang, Lourdes. Sa ngayon ay magtitipid muna tayo pero kapag nakahanap na ako ng kliyente ay magtutuloy-tuloy na ‘to. Pangako ko sa ‘yo na magbubuhay reyna ka,” paliwanag ni Manny habang nilalambing ang asawa.
Ngunit labis pa rin ang inis ni Lourdes. Dahil sa ginawang ito ni Manny ay unti-unting lumayo ang loob ng asawa sa kaniya.
Makalipas ang ilang buwan ay kaunti pa lang ang kinikita ni Manny. May pa isa-isang nagpapagawa sa kaniya pero hindi naman palaging mayroong kliyente. Naiinis is Lourdes dahil hindi man lang niya malasap ang magandang buhay na ipinangako ng asawa.
“Ni hindi mo man lang nga ako mabili ng magandang damit, alahas, bag o kahit na magandang selpon. Nagkapera ka na pero hindi mo pa rin pinaranas sa amin ng anak mo ang mabuhay nang marangya. Saan napunta ang pera mo? Sa negosyo mong wala namang napapala! Kung nakikinig ka lang sa akin, hindi sana ganito ang buhay natin!” galit na sambit ni Lourdes.
“Konting pasensya at pang-unawa lang naman ang hinihingi ko sa’yo, Lourdes. Hindi naman madali ang magnegosyo. Kailangan ko lang ngayon ang suporta mo,” pakiusap ni Manny.
Ngunit hindi na makapaghintay itong si Lourdes na magtagumpay ang negosyo ng asawa. Dahil laging walang panahon sa kaniya si Manny ay nagsimula siyang lumabas kasama ang ilang kaibigan. Doon niya nakilala si Hector, isang delivery man.
Masayang masaya si Lourdes sa piling ni Hector dahil lagi nitong binibigay ang kaniyang mga hiling na materyal na bagay. Sa pagkakataong iyon ay nararamdaman ni Lourdes na tunay siyang reyna.
Isang araw ay nakapagdesisyon na si Lourdes na tuluyang iwan ang asawa at sumama na kay Hector. Plano niyang iwan ang anak at magbuhay dalaga.
Itinaon ni Lourdes na wala roon ang asawang si Manny sa kaniyang pag-alis. Ngunit palabas na sana ng pinto si Lourdes nang masalubong niya ang mister.
“A-anong ibig sabihin nito, Lourdes? Saan ka pupunta?” pagtataka ni Manny.
“T@nga ka ba? E ‘di iiwan ka! Ayoko na rito, Manny. Hindi ko na gusto ang buhay na kaya mong ibigay. Nakahanap na ako ng tunay na pag-ibig kay Hector. Ibinibigay niya ang lahat ng gusto ko, hindi kagaya mo! Ikaw na ang bahala sa anak natin. Hindi na ako maghahabol pa sa kaniya dahil sa totoo lang ay hindi ko naman talaga kayo mahal. Ang akala ko lang kasi ay may magandang buhay kang maibibigay sa akin kaya nagtiis ako! Pero ano itong ginawa mo? Lalo tayong naghirap dahil sa mga palpak mong desisyon! Kaya iiwan na talaga kita!” bulyaw ni Lourdes.
Napayuko na lamang si Manny at napaluha. Ngunit sa mga sandaling iyon ay pinakawalan niya ang mga salitang labis na pagsisisihan ni Lourdes.
“Nakakalungkot malaman na ginamit mo lang pala ako dahil tunay kitang mahal, at mas nakakalungkot na kaya mo na kaming iwan ng anak mo para lang makisama sa isang lalaking kakikilala mo pa lamang. Pinagpalit mo kami para lang sa sarili mong kaligayahan. Nauunawaan kita, Lourdes. Ibibigay ko ang gusto mo. Masakit man ngunit kailangan kong tanggapin ang lahat para na rin sa ating anak. Pero isa lang ang hihilingin ko. Huwag ka nang bumalik sa buhay namin kahit ano’ng mangyari dahil napili mo na ang lalaki mo. Masayang masaya pa naman ako ngayon kaya nagmamadali akong umuwi tapos ito ang madadatnan ko. Alam mo bang sa wakas ay matutupad na sana ang pangarap natin dahil nagpirmahan na kami ng kontrata ng isang malaking resort at ako ang magdidisenyo at gagawa ng kanilang mga muwebles? Hindi lang dito sa Pilipinas kung hindi pati na rin sa ibang bansa. Milyon milyon ang ibinayad nila sa akin, Lourdes. Dapat ay maibibigay ko na ngayon ang lahat ng gusto mo. Ngunit mabuti na lang at ikaw na ang nagsabi sa akin hindi ka karapat-dapat para sa lahat ng paghihirap ko. Bukas ang pinto at malaya ka nang makakaalis,” mariing pahayag ni Manny.
Nanlaki ang mga mata ni Lourdes sa lahat ng sinabing ito ni Manny. Hindi niya akalaing magtatagumpay ang negosyo ng asawa. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na niya mababawi pa kay Manny ang lahat ng kaniyang sinabi. Magmakaawa man si Manny ay hindi na rin niya kaya pang tanggapin ang misis dahil sa pangangaliwa nito at sa pag-amin na kahit kailan ay hindi naman sila nito minahal.
Unti-unting umunlad at nakilala ang negosyo ni Manny hindi lang dito sa Pilipinas kung hindi maging sa ibang bansa. Naging matagumpay siya sa larangang kaniyang pinasok. Ngayon ay mahigit pa sa sobra ang naibibigay niya sa kaniyang pinakamamahal na anak.
Habang si Lourdes naman ay naging masalimuot ang buhay sa pakikisama sa kalaguyong si Hector dahil nalaman niyang hindi lang pala siya ang tanging babae sa buhay nito. Tanging pagsisisi at panghihinayang na lamang ang kaya niyang gawin ngayon.