Inday TrendingInday Trending
Iiwanan Kita Hindi Dahil Hindi na Kita Mahal; Iiwanan Kita Dahil Wagas ang Pagmamahal na Nadarama Ko Para Sa Iyo

Iiwanan Kita Hindi Dahil Hindi na Kita Mahal; Iiwanan Kita Dahil Wagas ang Pagmamahal na Nadarama Ko Para Sa Iyo

Biglang nagising ang pagod na pagod na katawan ni Myles nang makarinig siya ng malakas na tunog ng makina. Mayamaya ay nagmamadali nang pumasok ang mga doktor at mga nurse sa silid kung saan dalawang buwan nang nakaratay ang asawa niyang si Silas dahil sa malubhang karamdaman sa puso. Pakiramdam ng babae ay parang binibiyak ang kaniyang puso habang samu’t saring mga tubo ang ikinakabit nila sa kaniyang asawa masagip lamang ang buhay nito. Nakahinga lang nang maluwag ang babae nang mapagtanto niyang humihinga na muli ang kaniyang pinakamamahal na asawa.

“Patawad po, misis. Ika-pitong atake na po ito ng asawa niyo sa loob ng tatlong linggo. Ginawa na po namin ang lahat ng aming makakaya. Sa ngayon ay umaasa na lang siya sa mga makinang nakakabit sa kaniyang katawan para mabuhay. Nasa sa inyo po ang desisyon kung nais niyong manatiling nakakabit ang mga makina sa inyong asawa o aalisin na natin ang mga ito para hindi na siya lalong mahirapan,” malungkot na pahayag ng doktor na naging dahilan para lalong mawalan ng lakas si Myles.

Maingat na niyakap ng babae ang kaniyang asawa at saka humagulgol ng iyak. “Love, nahihirapan na ako. Pagod na ang katawan ko. Nami-miss ko na ang pag-aalaga mo sa akin. Simula nang ma-ospital ka, nawalan na ng kulay ang mundo ko. Kailangan ko ang iyong matamis na ngiti para mapawi ang lahat ng aking mga alalahanin. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko kaya. Hindi kakayanin ng puso ko kung ako mismo ang tatapos sa iyong buhay. Bumalik ka na sa akin. Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ng babae.

Simula nang ma-ospital si Silas ay tila naging isang robot na si Myles. Pagkagising ng babae ay inaasikaso niya agad ang mga pangangailangan ng asawa. Pagkatapos ay didiretso ito sa kaniyang trabaho. Buong araw papagurin ng babae ang kaniyang katawan para pansamantalang makalimutan ang kalagayan ng kaniyang asawa. Madalas ay hindi nito napapansin na nalilipasan na siya ng gutom kaya hindi na nakapagtataka kung bakit unti-unting bumibigay ang katawan ng babae.

Biyernes, huling araw ng buwan. Araw rin ng bigayan ng sweldo. Matindi ang trapik sa daan. Dagsa ang mga tao sa mga mall para mamili o maglibang. Ang iba naman ay nagmamadaling umuwi para magkapagpahinga nang maaga. Simula pa kaninang umaga ay mataas na ang lagnat ni Myles pero binalewala niya lang ito. Hindi uminom ng gamot ang babae. Tahimik niyang ginawa ang mga nakagisnang gawain. Pagsilbihan si Silas. Pumasok sa trabaho. Pagsapit ng gabi ay tumindi ang pananakit ng ulo ng babae. Habang nagmamaneho pabalik sa ospital ay biglang nagdilim ang paningin ni Myles. ‘Di nagtagal ay tuluyan siyang nawalan ng malay. Isang malagim na aksidente ang naganap. Ang sasakyang minamaneho ng babae ay nawalan ng kontrol. Nabunggo ito at tumaob sa kalsada.

Isang tinig ng lalaking umaawit ang gumising kay Myles mula sa mahimbing niyang pagkakatulog. Pagmulat ng kaniyang mga mata ay nasilayan niya agad ang malungkot na mukha ng kaniyang asawa. Abot langit ang sayang nararamdaman ng babae. Sa wakas ay gising na si Silas. Pinilit niyang bumangon sa kama ngunit marahan siyang pinigilan ng kaniyang asawa.

“Huwag kang bumangon. Kailangan mo ng pahinga. Masyado mong inabuso ang katawan mo. Love, mahal na mahal kita. Hindi ko kayang nakikita kang nahihirapan. Lalong masakit para sa akin dahil alam kong ako ang dahilan ng iyong paghihirap. Pakiusap, huwag mong pabayaan ang iyong sarili. Ayokong nagkakasakit ka. Ayokong napapahamak ka. Patawad. Nabigo akong tuparin ang aking pangako na kahit kailan ay hindi ako ang magiging dahilan ng pagtulo ng iyong mga luha. Patawad dahil hindi ko matutupad ang pangako ko na habang buhay tayong magsasama. Na magkasama nating tutuparin ang ating mga pangarap.”

Hindi mapigilan ni Myles na tumulo ang kaniyang mga luha. Iiwanan na siya ng kaniyang asawa. Nais niyang kontrahin ang lalaki. Pigilan ito sa kaniyang mga balak. Pero tila siya isang pipi. Tinangka niyang magsalita pero walang lumalabas na boses sa kaniyang bibig.

“Magiging masakit at mahirap ang mga susunod na araw pero alam kong makakayanan mo ang lahat. Huwag kang matakot na harapin ang ano mang problema. Hindi ka nag-iisa. At kahit kailan ay hindi ka mag-iisa. Lagi mo akong makakasama. Mananatili ako sa loob ng iyong puso. Love, laging mong tatandaan. Aalis ako hindi dahil sa ayaw ko nang lumaban. Aalis ako dahil labis ang pagmamahal ko sa iyo. Pakiusap, huwag mong pabayaan ang iyong sarili. Pangalagaan mo ang iiwan kong regalo sa iyo,” pagpapatuloy ng lalaki.

Ipinagpatuloy ni Silas ang pagkanta habang inaalo niya ang mahal niyang asawa. Mayamaya ay muling nakatulog si Myles. Bagama’t nakapikit ang mga mata ng babae ay patuloy pa rin ang pagtulo ng luha mula sa kaniyang mga mata.

Nang muling idilat ni Myles ang kaniyang mga mata ay puting kapaligiran ang bumungad sa kaniya. May dextrose na nakakabit sa kaniyang kamay. May benda ang kaniyang ulo. Puno ng mga galos ang kaniyang katawan. Bagama’t naguguluhan sa mga pangyayari ay malinaw sa kaniyang isipan na siya ay nasa ospital. Napatingin ang babae sa pinto nang may doktor na pumasok sa silid.

“Misis, mabuti naman po at gising ka na. Tatlong araw po kayong na-comatose dahil sa isang matinding aksidente. Ang akala po namin ay babawian na kayo ng buhay. Isang malaking himala po talaga na nagawa namin kayong iligtas pati ang sanggol na nasa inyong sinapupunan,” saad ng doktor.

Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Myles nang siya ay magising. Masaya dahil nagkaroon ng bunga ang pagmamahalan nila ni Silas. Malungkot dahil napag-alaman ng babae na noong gabing na-aksidente siya ay siya ring araw kung kailan pumanaw ang pinakamamahal niyang asawa na si Silas.

Muling ginunita ni Myles ang kaniyang panaginip. Dinama ng babae ang kaniyang dibdib kung nasaan ang kaniyang puso habang inaalala ang bawat habilin ng kaniyang asawa. Ilang butil ng mga luha ang tumulo mula sa kaniyang mga mata. Mayamaya ay dahan-dahan niyang hinimas ang maliit na umbok ng kaniyang tiyan.

“Hanggang sa huli mong hininga ay ipinadama mo sa akin ang iyong pagmamahal. Pangako, Silas, magpapakatatag ako. Ayaw kong mag-alala ka pa sa akin kaya aalagaan kong mabuti ang aking sarili at buong buhay kong pangangalagaan ang munting anghel na iniregalo mo sa akin. Hindi ako nag-iisa dahil palagi kang mananatili rito sa puso ko.”

Advertisement