
Mahigpit na Magkaribal ang Dalawang Dalaga sa Eskwela; Hindi Nila Akalaing sa Huli ay Sila pa Pala ang Magiging Takbuhan ng Isa’t Isa
Napahinto si Janeth sa pintuan ng kanilang classroom nang mamataan niyang okupado na ang mga upuan sa unahan. Mapait siyang napangiti at napailing na lamang sa pag-alala sa pinagsamahan nila ng mga dating kaibigan na ngayon ay animo hindi na siya kilala.
Nagkaroon kasi ng tampuhan sa kanilang tropahan simula nang tumanggi si Janeth na pakopyahin sa mga exams at assignments nila ang mga kaklase niya. Gusto niya lamang namang turuang maging masipag ang mga ito upang makapasa sa darating na oral examination kung saan isa-isa silang pasasagutin ng kanilang adviser tungkol sa mga natutunan nilang lesson sa buong taong ipinamalagi nila sa eskwelahan bilang mga fourth year high school students, ngunit minasama ng mga ito ang ginawa niya. Napatunayan tuloy ni Janeth na hindi pala talaga tunay na pagkakaibigan ang gusto ng mga ito sa kaniya. Gusto lamang nila siyang gamitin dahil siya ang pinakamatalino sa kanilang klase.
Dumiretso si Janeth sa panggitnang row at doon ay nakakita siya ng bakanteng upuan. “May nakaupo na ba rito?” tanong niya agad sa babaeng nakaupo naman sa tabi n’yon. Hindi niya na napansing ang tinatanong niya pala ay ang kaniyang mortal na karibal—si Patricia.
Nagulat pa si Patricia nang bigla siyang kausapin ni Janeth, ngunit umiling siya bilang tugon. Hindi naman niya naisip na sungitan ito dahil tingin niya ay may problema ngayon si Janeth, kahit pa nga ito ang mortal niyang kakompitensya pagdating sa pagiging pinakamatalino sa kanilang eskwelahan. Naiinis si Patricia kay Janeth dahil kahit anong gawin niya ay hindi niya ito matalu-talo. Napakatalino nito, kahit pa nga halos lahat ng mga barkadang sinasamahan nito ay pawang mga malolokong estudyante. Madalas din itong pagalitan ng kanilang mga guro ngunit mabilis lamang nito iyong nalulusutan. Samantalang si Patricia, lahat na yata ng pagpapakatino ay ginawa na niya. Kahit nga ang pagiging ‘sipsip’ sa kanilang guro ay pinatos na niya para lamang malamangan ito ngunit wala pa rin iyong epekto.
“Bakit gano’n, ano? Kung sino pa ’yong mga taong pinagkakatiwalaan mo, sila pa ’yong magtatraydor sa ’yo sa huli?” tila wala sa loob na tanong ni Janeth kay Patricia maya-maya.
Gulat namang napalingon si Patricia kay Janeth. “Okay ka lang ba?” takang tanong niya na bakas ang pagkabigla sa tinig. Ngunit napasinghap siya nang makitang may luhang tumutulo mula sa mga mata ni Janeth!
“Hoy, Janeth, huwag ka ngang umiyak!” tarantang ani Patricia kay Janeth. Hindi niya alam ang gagawin dahil sa totoo lang ay kilala sa kanilang eskwelahan si Janeth bilang isang matapang at ‘mayabang’ na estudyante. Kaya nga maging siya ay takot na lumapit dito. Hindi niya akalaing darating ang panahong makikita niya itong umiiyak dahil lamang sa problema nito sa mga kaibigan.
“Pasensya ka na, ha? Hindi ko kasi mapigilan. Nasasaktan kasi ako. Ginawa ko naman lahat para magustuhan nila akong kaibiganin, pero wala, e…”
“Edi maghanap ka ng ibang kaibigan! Sila lang ba ang tao sa mundo?” sa inis ay hindi napigilang sabihin ni Patricia. Ngunit nang mga sandaling iyon ay napagtanto niyang mas masuwerte pa rin pala siya rito, dahil kahit na hindi siya kasing talino nito ay mayroon naman siyang mga tunay na kaibigan.
“Sino namang gugustuhing maging kaibigan ang isang mayabang na kagaya ko?” Natawa ito nang mapait. “Iyon ang bansag sa akin ng ibang tao, hindi ba? Mayabang. Hindi nila alam, kaya gano’on ko ipagmalaki ang sarili ko sa iba ay dahil lumaki akong sarili ko lang din ang kakampi ko. Walang ibang susuporta sa akin kundi sarili ko lang. Walang ibang magmamalaki sa akin kundi ako lang. Ang hirap kapag ulila ka.” Tumatawa pa ito kahit na lumuluha at nang mga sandaling ’yon ay matindi na ang nadaramang awa ni Patricia, lalo na ngayon at naiintindihan na niya ang dahilan kung bakit ganoon itong umasta.
Dahil sa tindi ng emosyon, hindi na napigilan pa ni Patricia na bigyan ng mahigpit na yakap si Janeth. Pakiramdam naman ni Janeth ay nabunot ang ’sanlibong tinik na nakatusok sa puso niya nang mga sandaling ’yon! Doon ay nagsimula ang isang pagkakaibigang hindi nila akalaing maaari palang mabuo kahit na sila ay magkaribal sa maraming bagay.
Tila nakahanap ng kakampi ang dalawang dalaga sa isa’t isa, lalo na at simula nang maging magkaibigan sila ay mas nagkaroon na rin ng tiwala sa sarili si Patricia tulad ng turo sa kaniya ni Janeth. Sino nga ba ang mag-aakala na ang dating magkaribal at magkakompitensya, sa huli ay magiging matatag na magkakampi? Pag-intindi lamang pala sa isa’t isa ang kailangan upang maging maayos ang lahat. Pagtutulungan at hindi pakikipagkompitensya.