Inakala ng Lalaki na Nakalimutan na ang Kasalanan, Hanggang sa Lumitaw ang Multo ng Kaniyang Nakaraan sa Camera
Nakangiti pa noon ang photographer na si Brix habang kinukuhanan niya ng litrato ang bagong mga modelo ng kaniyang pinagtatrabahuhang fashion line. Todo pose naman ang modelo na paiba-iba rin ang ekspresyon ng mukha.
Matapos ang makailang ulit na pagpapalit ng damit ay nagpasya silang mag-lunch break na muna. Naaliw si Brix sa pagtitingin ng mga kinuha niyang litrato nang mapadako ang kaniyang atensyon sa isa sa mga ito.
Malabo kasi ang mukha ng modelo rito ngunit may malinaw na nakunan ang kaniyang camera!
“Karina?” Halos maihagis ng lalaki ang hawak na aparato nang makita ang malinaw na imahe ng yumao niyang nobya na sumingit sa gitna ng pagpo-pose ng modelong kinuhanan niya kanina.
Galit ang ekspresyon ng mukha nito at talagang nakakatakot na titigan ang nangingitim nitong mga mata na naka-focus lang sa kaniya.
Dali-dali siyang nagpaalam sa kaniyang boss na aalis muna at uuwi sa kaniyang bahay dahil may emergency. Pumayag naman ito. “Ingat ka, Brix. Let’s just continue this shoot tomorrow,” sabi nito.
Namumuo ang mga butil ng pawis ni Brix habang naglalakad siya sa daan kahit pakiramdam niya ay parang ang lamig-lamig ng paligid. Luminga-linga rin siya dahil animo’y may nakamasid sa kaniya. Bumabalik sa lumilipad niyang pag-iisip ang mga alaalang noo’y pinilit niyang kalimutan.
“Brix, please, pakawalan mo na ako. Mahal kita pero hindi pa ako handa!” ang hiyaw ng noo’y nagsusumamong si Karina kay Brix. Ikinulong kasi ito ng nobyo sa kwarto nito dahil sa pagpipilit nitong may mangyari na sa kanilang dalawa.
“Pananagutan naman kita, ah! Ano ba ang ikinatatakot mo? Siguro hindi na ako ang mahal mo, Karina! Siguro may iba kang lalaki, ano?” pagpaparatang ng nobyo.
Namumula ang loob ng mga mata ni Brix habang kumakapal naman at nangingitim ang ilalim niyon. Kung nasa ibang pagkakataon nga lang sila ay tatanungin ito ni Karina kung natutulog pa ba ito sa gabi dahil sa nakikita niya’y para namang hindi.
Mayamaya pa’y tila lalong nag-iba ang aura ng dating napakabait nitong nobyo. Animo’y natataranta habang pawis na pawis. Pinipilit ni Brix ang babae na gawin ang gusto nito. Gusto nitong kuhanin ang pagkabirhen ng babaeng noon ay labis nitong iginagalang.
Nasa impluwensya noon ng ipinagbabawal na gamot si Brix kaya’t hindi na nito napigilan pa ang masamang binabalak. Ipinilit niya ang kaniyang sarili kay Karina.
Pagkatapos noon ay nagpakasasa si Brix sa makamundong pagnanasa nito sa dalaga. Paulit-ulit nitong minaltrato ang nobyang dati ay minamahal at nirerespeto.
Hanggang sa nagkaroon ng pagkakataon si Karina na makawala mula sa pagkakagapos at pumalag kay Brix ngunit iyon ang pinakamaling ginawa ng dalaga dahil mas lalo lamang nagdilim ang paningin ng binata.
Sa galit ay sinaktan ni Brix si Karina. Sinaktan nito ang babae hanggang sa malagutan ito ng hininga. Huli na ang lahat nang matauhan ang lalaki. Nang mapagtanto nito ang kasalanang nagawaʼy isa ng malamig na bangkay ang babae.
Dahil na rin sa pagiging makapangyarihan at pagkakaroon ng malalakas at maraming koneksyon ng pamilyang kinabibilangan ni Brix ay naabsuwelto ito sa kasalanang nagawa. Itinigil na nito ang paggamit ng bawal na gamot kasabay nang tuluyan nitong paglimot kay Karina.
Ngunit may isang bagay talagang hindi nito kayang bitiwan na siyang nagpapaalala pa rin sa babaeng minahal nito noon. Iyon ay ang camera na iniregalo ni Karina kay Brix noong ito’y nabubuhay pa bilang pagpapakita nito ng suporta para sa pangarap ng lalaki na maging isang photographer.
Ngayon ang unang anibersaryo ng pagkawala ni Karina at dahil doon ay hindi mapalagay ang utak ni Brix. Nang makauwi siya sa bahay, sa kwarto kung saan niya mismo sinira si Karina ay binasag niya ang camera na siyang nag-uugnay pa rin sa kanilang dalawa.
Ngunit hindi papayag ang kaluluwang hindi pa nakakamit ang inaasam na hustisya.
Napahiyaw si Brix nang makita niya kung sino ang babaeng nakagapos sa kaniyang kama. Ngunit ‘di tulad noon ngayon ay nakangiti ito sa kaniya at humahalakhak. Sa takot ay ginustong kumawala ng lalaki ngunit hindi niya nagawa. Unti-unting lumapit sa kaniya si Karina. Sa isang iglap ay nagkapalit sila ng puwesto. Iniamba ng babae ang mga kamay at tsaka hinawakan sa leeg ang binata.
Nang gabing iyon ay napuno ng hiyaw ang silid ni Brix. Nang gabing iyon ay narinig ng kaluluwa ni Karina ang hiyaw ng hustisya para sa kaniya.