Inakala ng Babaeng Negosyante na Madumi ang Pagkain ng Matandang Tindera, Pero Mas Malinis Pala ang Puso Nito
Isang malaking truck ang nakabalandra sa kalsada paano’y bagong lipat ang pamilya ni Ellen sa lugar. Pasalo ang bahay at lupa na ito mula sa lumang may-ari. Hindi kasi nabayaran kaya siya na ang nagtuloy.
“O, ingat sa mga gamit! Mga antigo ‘yan. Mas matanda pa iyan sa mga lolo ko kaya ingatan niyo. Diyos ko, ang taas ng value niyan sa market,” sigaw ni Ellen sa mga nagbubuhat ng gamit.
“Napakaganda naman talaga ng lugar na ito! Mukhang aasenso ako sa mga itatayo kong negosyo dito,” isip-isip ng babae habang iniikot ang kaniyang paningin.
Nasa sentro ng kabihasnan ang bagong bahay na nilipatan ng babae. May pampublikong eskwelahan na nasa kanto lamang nila, ospital, simbahan at pabrika. Jackpot nga raw ito para sa kaniya at bago pa man makalipat ay naiplano na rin niya ang mga itatayong negosyo.
Matapos ang isang linggo nang pag-aayos ng mga gamit ay agad na nilinis ng babae ang tapat ng kanilang bahay. Naglabas siya ng mesa at mga panindang pagkain. Katulad ng tokneneng, fish ball at kikiam. Nagluto rin siya ng mga meryenda katulad ng pansit, palabok at spaghetti.
“Mama, sa tingin niyo ba ay bebenta tayo? Mayroon na kasing nagtitinda ng ganito sa may kanto. Dalawang matanda. At ang mura lang ang mga pagkain nila. Pakiramdam ko ay hindi na tayo mapapansin,” wika ni Tina, ang anak ni Ellen.
“Anak, ganoon talaga ang mga negosyo, palaging may kakompetensiya. Hindi naman ibig sabihin nun na porke’t may nauna na sa atin ay hindi na tayo mabebentahan. Samahan mo ng dasal, anak, at tiwala na mabebenta rin ang lahat ng ito,” sagot ni Ellen dito tsaka niya inayos ang mga pagkain.
Ngunit tatlong araw na ang nakakalipas at masakit na sa kaniyang damdamin ang sumasampal na katotohanan na hindi nabebenta ang kanilang tinda. May pailan-ilan na bumibili ngunit mas marami ang nasisira sa kaniyang mga niluluto.
“Uy, bossing, baka naman puwede ako magtinda ng mga meryenda ko diyan sa canteen niyo,” pahayag ni Ellen sa isang lalaki na lumabas mula sa pabrika na malapit sa kanila.
“Naku, suki na kami ni manang. Tsaka ‘yung canteen namin sa loob ang asawa ng may-ari ang nagpapatakbo. Mukhang malabo ka na makapagtinda roon,” sagot sa kaniya ng lalaki sabay buga ng usok ng sigarilyo.
“Mukhang sikat si manang sa lugar na ito, ha,” wika muli ni Ellen inabutan pa niya ng kendi ang lalaki. Tumambay talaga siya roon upang mag-abang ng makakausap o kahit na sinong maaaring makapagbigay sa kaniya ng ideya upang lumakas ang kaniyang negosyo.
“Matagal na ‘yang si manang dito tsaka bukod sa masarap ang tinda niya ay mura pa. Kahit mga estudyante o titser sa kaniya pumipila,” sagot naman ng isang babae na nagtitinda ng sigarilyo.
Napatango na lang si Ellen sa kaniyang narinig. Kinapa niya ang kaniyang bulsa at saktong may singkwenta pesos pa roon kaya naman napagpasyahan na rin niyang puntahan ang sikat na sikat na si manang. Gusto niyang makita ang kaniyang karibal.
Isang mesa na puno ng pagkain at dalawang matanda na nagtitinda ang kaniyang naabutan.
“Kawawa naman itong mga lolo at lola na ito. Mga matatanda na pero nagtitinda pa rin,” isip-isip ni Ellen habang kinikilatis niya ang paninda at kagamitan ng matanda. Napansin niyang may mga ulam itong tinda na nakabalot na, mga meryenda at iba pang pagkain na masarap sa masa.
“Manang, magkano ho itong mga nakabalot niyong ulam?” tanong ni Ellen sa matanda. “Sampung piso lang iyan,” sagot naman nito.
“Sampung piso? Ano ito, pamigay na lang? Maaga pa naman po pero bakit ganito na kamura ang mga paninda niyo?” mabilis na tanong ni Ellen sa matanda. Gulat na gulat siya at alam niyang napalakas ang kaniyang boses dahil nagtinganan ang ibang mga tao.
“Lahat ng nandito sa tindahan ko na lutong ulam at meryenda ay sampung piso lang. Ang mga tusok-tusok naman ay piso lang,” mahinahong sagot ng matanda at napatingin siya sa babae sabay ngiti rito.
“Ikaw ‘yung bagong lipat dito, ‘di ba? Nagtitinda ka rin sa labas ng bahay niyo, ‘di ba? Mukhang kinakamusta mo yata ang mga tinda ko,” pahaging ng matanda sabay ngiti muli sa kaniya.
“Hindi naman, lola. Ganun naman talaga sa negosyo, palaging may kakompetensya. Tsaka binisita ko lang po kayo para sana makakuha ng tips. Balita ko ay paborito kayo sa lugar natin,” sagot ni Ellen sa ale.
“Ako nga pala si Lola Margie. Matagal na akong nagtitinda rito. Ito na ang nagpapasaya sa aming mag-asawa at suki ko na halos lahat ng mga nagtatrabaho at nakatira rito,” sagot naman ng matanda.
“Eh, paano ba namang hindi magiging suki, e, halos ipamigay niyo na ho ‘yong tinda niyo,” isip-isip ni Ellen habang pilit na nakangiti sa matanda. Sumisingkit na rin ang kaniyang mga mata sa pagkukunwari ng kaniyang nararamdaman. Gusto niyang sumigaw at ipahiya ang ale dahil alam na niya ang mga sikreto ng ganitong negosyo, kung ‘di marumi ay ilang beses nang nainit ang mga pagkain.
Kaagad siyang umalis at nagpaalam sa dalawang matanda.
“Mga matatandang hudas, akala mo kung sinong mababait at kaawa-awa. Hay naku, Ellen, hindi puwede ang ganitong kalakaran sa industriya ng pagkain! Itong adobo na may isang pirasong manok ay hindi maaaring ibenta sa sampung pisong halaga. Ang mahal ng mga bilihin ngayon!” isip-isip ni Ellen sa sarili habang tinitignan ang nabiling ulam mula sa tindahan ni Lola Margie.
Kaya naman kinaumagahan ay tinawagan niya ang dating may-ari ng bahay. Hindi siya makakapagsumbong sa barangay dahil alam niyang hindi pa siya ganoon katagal sa lugar upang paniwalaan ng mga tao.
“Ana, si Ellen ito. Itatanong ko lang sana kung kilala mo ‘yong dalawang matanda sa kanto na nagtitinda. Medyo masama kasi ang pakiramdam ko roon. Napakamura ng mga binibenta nila. Sa unang analisasyon ko pa lang ay marumi o ‘di kaya naman mga lumang karne ang gamit ng mga iyon,” pahayag ng babae sa telepono.
“Naku, si manang ba ‘yong tinutukoy mo? Matagal na siyang nakatira diyan at hindi madumi o lumang karne ang gamit ng mga iyon kasi mayaman iyang si manang! Sa katunayan nga niyan ay anak niya ang may-ari ng ospital na malapit diyan at ‘yong mga niluluto nilang ulam ay ginagawa pa ng mga maid nila sa bahay. Kaklase ko ‘yong anak niya dati kaya alam ko. Nagtaka din ako noon kung bakit sobrang mura. Sabi nila ay tulong na raw nila ito sa mga manggagawa at estudyante na bumibili ng kanilang tinda. Ang hirap na raw kasi ng buhay ngayon at aanhin naman nila ang maraming pera kung ‘di raw sila makakatulong sa iba. Grabe nga, eh. Ang humble ng mag-asawang iyan!” sagot sa kaniya ni Ana.
Hindi na nakasagot pa si Ellen sa kaniyang narinig at mabilis na natuyo ang kaniyang lalamunan. Pumunta siya sa kusina at uminom ng isang basong tubig. Agad na lumabas si Ellen at nagtanung-tanong sa mga kapitbahay. Tama nga ang sinabi sa kaniya ni Ana kaya naman hindi siya makapaniwala na naging napakarumi ng kaniyang utak patungkol sa matanda.
Hindi siya makapaniwala na may natitira pa palang tao na kagaya nila Lola Margie na mas inuuna ang pagtulong sa iba kaysa sa pera at higit sa lahat ay tinatago ang tunay nilang katayuan sa buhay.
Hindi na lang nagtinda si Ellen ng mga pagkain sa halip ay mga damit na lang at iba pang bagay ang ibinenta niya. Ayaw na niyang makipagkompetensiya kay Lola Margie dahil alam niya na hindi niya malalamangan ang kabutihan ng puso nito.