Inday TrendingInday Trending
Isang Lalaking Walang Nobya ang Naging Ama sa Batang Inulila at Iniligtas sa Mapang-abusong Pamilya

Isang Lalaking Walang Nobya ang Naging Ama sa Batang Inulila at Iniligtas sa Mapang-abusong Pamilya

Binansagang birheng ama itong si Mateo. Hindi pa kasi siya nagkakaroon ng nobya o asawa magmula nang siya ay magbinata, ngunit tumatayo na siyang ama sa isang batang babaeng nagngangalang Charliza.

Kung tutuusin, isang ulilang lubos na itong si Charliza. Anim na taong gulang pa lamang siya nang matimbog sa isang operasyon ng mga pulis ang kanyang ama’t ina na napag-alamang nagtutulak pala ng mga ipinagbabawal na gamot. Ngayo’y nakapiit na sa kulungan ang mag-asawa.

Malapit na kaibigan ni Mateo ang ama ni Charliza na si Paolo noong sila ay nasa kolehiyo pa lamang. Kaya’t nang malaman niya ang kinahinatnan ng dating kaibigan, hindi siya nagdalawang isip na akuin ang responsibilidad ng pagiging ama sa kaawa-awang bata.

Ngayon, pitong taon na si Charliza at isang taon na niyang kapiling ang kanyang bagong tatay. Naging napakabilis ng paglapit ng loob nila sa isa’t isa dahil butihing ama itong si Mateo sa bata.

“Daddy, pwede po ba akong maglaro sa labas?” magalang na tanong ni Charliza sa itinuturing na niyang ama na si Mateo. Daddy ang tawag niya rito, habang Papa naman sa tunay niyang ama na malimit na niyang makita.

“Sige, anak. Pero hanggang alas kwatro lang ng hapon ha? Uuwi ka dapat nang may araw pa,” malambing ngunit istriktong sagot ni Mateo.

Araw ng Sabado iyon at day-off ni Mateo sa trabaho bilang isang call center agent. Sabado’t Linggo lamang ang mga araw na wala siyang pasok, kaya naman sa mga araw na iyon ay doon siya bumabawi sa paglilinis sa kanyang apartment at sa pag-aalaga sa bata. Tuwing lunes hanggang biyernes naman ay pinapabantayan niya ito sa kanyang nanay at tatay na malapit lamang ang bahay mula sa kanyang inuupahan.

“Anak, bakit ba inuubos mo ang oras at pera mo sa batang ‘yan? Bakit hindi mo lubos-lubosin ang kabataan mo at humanap ng babaeng mapapangasawa mo? E baka lalong hindi ka na magka-nobya niyan dahil akala nila’y may sabit ka na,” nag-aalalang tanong ng ina ni Mateo na si Criselda.

“Napamahal na ako sa bata, mama. At isa pa, napakabait na bata ni Charliza. Hindi niya kasalanan kung bakit ganoon ang kanyang mga tunay na magulang,” madalas na sagot ni Mateo sa tuwing kinukuwestiyon ang kanyang desisyon sa pagkupkop sa bata.

Alas kwatro y media na ng hapon ngunit hindi pa rin umuuwi itong si Charliza. Napakunot na ng noo si Mateo na kanina’y abala sa pagluluto ng kakainin nilang hapunan at sa lingguhang paglalaba niya ng mga damit nila.

“Mateo! Diyos ko, hijo! Mateo!” hiyaw ng isang ginang na hingal na hingal at tumatakbo papasok sa bahay ng binata.

“Aling Gina, bakit ho? Ayos lang ho ba kayo?!”

“Ang anak mo! Ang bata, si Charliza, kinuha ng dalawang matanda! Pakilala’y lolo’t lola raw ng bata!” patuloy na hiyaw nito.

Laking panlulumo ni Mateo sa kanyang mga narinig. Kahit gusto niyang ilaban ang kustodiya ng bata, walang wala siyang laban dahil kadugo ng dalawang matanda ang bata.

“Eh bakit hindi man lang ho nila ako personal na sinabihan? Basta basta ho kinuha si Charliza? Ni hindi man lang ho kinuha ang mga naipundar kong gamit para sa bata,” sagot ni Mateo nang kahit papaano’y mahimasmasan.

“Kaya nga! Kung ako sa’yo, hijo, puntahan mo at ipaalam sa mga tunay na magulang ni Charliza ang nangyari,” suhestiyon ni Aling Gina.

Hindi na ipinagpabukas ni Mateo, at agad siyang nagtungo sa presinto kung saan nakakulong ang mag-asawa.

“ANO?! PARE! Hindi pwede! O Diyos ko, hindi pwede!” sigaw ng ama ni Charliza nang marinig ang balita.

“Diyos ko, nagsisisi na kami sa aming mga kasalanan, pero bakit dinadamay niyo pa ho ang aming anak?” naiiyak namang sabi ng ina.

Takang-taka naman itong si Mateo. Lolo’t lola ni Charliza ang kumuha sa bata, e bakit ganoon na lamang ang reaskyon ng mag-asawa?

Natigilan ang tatlo nang biglang dumating ang mga pulisya, at sa likod ng mga ito ang isang gusgusing bata na mukhang pinahiran ng grasa at pinagmukhang kawawa.

Nanlaki ang mga mata ni Mateo… Hindi siya maaaring magkamali, si Charliza iyon!

“Daddy! Daddy Mateo!” iyak ng bata habang tumatakbo papunta kay Mateo.

“Nakita ho namin siya na pilit na pinaglilimos ng kanyang lolo at lola. Matagal na namin silang pinaghahahanap dahil sila mismo ay lulong na sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Mabuti na lamang at nakita siya ng isa sa mga bagito namin,” paliwanag ni SPO3 Rellosa.

Kaya pala sapilitang kinuha si Charliza ay upang magamit ang bata na makapanglimos, at ang perang makukuha naman ng bata ay siyang ipambibili ng bawal na gamot ng dalawang matanda.

Hindi na napansin ni Mateo ngunit nagtago na pala ang mag-asawa. Nang kinuha ng ilang babaeng pulis si Charliza upang palitan ng damit at paliguan, nilapitan siyang muli ng dalawa.

“Mateo, alam namin ang mga maling ginawa namin. Na marami kaming nasirang buhay noong nagtutulak pa kami ng bawal na gamot. Ngayon nga’y taos puso naming tinatanggap ang kaparusahan…” panimula ng lalaki.

“Kaya’t pare, kung maaari, hayaan mo nang makalimutan kami ng anak namin. Ituring mo siyang iyo. Kitang-kita sa mga mata ninyong dalawa ang pagmamahal ng isang ama sa anak, at anak sa ama. Nang dahil sa mga kasalanan namin, alam naming matagal pa kami rito. At siguradong hindi na iyon mahihintay ni Charliza,” dagdag pa nito.

“Pipirmahan na namin ang mga papeles sa pag-ampon mo sa kanya. Maraming salamat, Mateo,” umiiyak na sabi ng ina.

Hindi na rin napigilan ni Mateo ang mga luha niya. Malungkot siya para sa kanyang dating kaibigan, ngunit masayang-masaya siya dahil magiging legal na ang pag-ampon niya sa bata.

Simula noon, naging mas mabuting ama pa itong si Mateo kay Charliza. Tila isa siyang hulong ng langit para sa bata, kung hindi dahil sa kanya ay baka tuluyan nang napariwara ang kawawang bata.

Hindi naman doon natapos ang kwento, dahil ilang taon lamang ang lumipas at nakakilala rin itong si Mateo ng babaeng tatanggap sa kanyang “anak” at sa mga nakaraan nito. Muli, nabuo ang dating nasayang na masayang pamilya ni Charliza nang magkaroon na siya ng bagong ama at ina.

Advertisement