Inday TrendingInday Trending
Ayaw Nang Umibig ng Dalaga Dahil sa Nakaraan, Pero Isang Lalaki ang Nagpatunay ng Tunay na Pagmamahal

Ayaw Nang Umibig ng Dalaga Dahil sa Nakaraan, Pero Isang Lalaki ang Nagpatunay ng Tunay na Pagmamahal

Gaano pa ba kahalaga ngayon ang dangal ng isang babae? Mahalaga pa rin ba ngayon kung birhen ka o hindi? Bakit iyong iba ay ginagawa na lamang iyong birthday gift, christmas gift at kung anu-ano pang gift? Gaano pa nga ba kahalaga para sa mga kabataan ngayon ang puri ng mga kababaihan?

Si Rochelle ay matagal nang naisuko ang kaniyang bataan sa lalaking akala niya ay kaniya nang makakasama sa habang buhay ngunit nung nakakita ang nobyo ng sexy at maganda ay agad siyang nitong iniwan. Ngayong ay wala na talaga siyang tiwala sa mga lalaking mahilig mang-iwan sa ere.

Tatlong taon ng single si Rochelle at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balak pumasok ulit sa isang seryosong relasyon. Hanggang fling lang ang kaya niyang ibigay. Ngunit may lalaking makulit na palagi siyang nililigawan. Kahit ilang beses na niya itong binasted ay hindi pa rin ito nagpapatinag. Never give up ang peg!

“Blas, mahirap bang intindihin ang sinabi kong ayoko na ngang magmahal?” naiirita wika ni Rochelle. “Bakit naman hindi?” makulit pa rin nitong tanong.

“Paulit-ulit na lang ba tayo, Blas?” naiinis na wika ng babae.

Kahit pinapakitaan na ni Rochelle ng hindi maganda ang lalaki ay kinukulit pa rin siya nito.

Isang gabi ay nag-overtime sa trabaho si Rochelle. Sinorpresa siya ni Blas ng rosas at pagkain.

“Ayaw mo kasing makipag-date sa’kin kaya ito na lang ang ginawa ko,” nakangiting wika ni Blas habang inaabot sa kaniya ang isang bungkos ng rosas. “Kumain na tayo. Alam kong pagod ka na kasi anong oras na pero nagtatrabaho ka pa rin.”

“Bakit mo ba ito ginagawa, Blas?” tanong ni Rochelle. “Kasi gusto talaga kita. Hindi mo pa ba naiisip ang bagay na iyon? Kahit anong gawin mong pagtataboy sa’kin ay nandito pa rin ako at nangungulit sa’yo. Kasi mahal kita at wala akong balak na sukuan ka,” madamdaming wika ni Blas.

“Paano kung may aaminin ako sa’yo, mamahalin mo pa rin ba ako?” ani ni Rochelle. “Kung sasabihin mong lalaki ka noon at nagpa-surgery ka lang doon ako mabibigla,” ani ng lalaki.

“Mukha ba akong lalaki!” naiinis na wika ng babae dahilan upang matawa si Blas.

“Ganito, hindi na ako ang babaeng pinapangarap ng karamihan. Hindi na ako birhen. Ilang laway na ang dumaan sa katawan ko at nakailang lalaki na ako. Alam mo ba kung bakit hindi kita sinasagot? Kasi conservative ka. Oo, ganyan ka. Palabiro ka pero ikaw ang tipo ng lalaki na kapag nagmahal ay kailangang perpekto at wagas. Ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa’yo na hindi ako ang girl of your dreams kaya tantanan mo na ako at maghanap ka na lang ng babaeng mamahalin ka ng wagas at iyong babaeng kayang ibigay ang mga bagay na wala sa’kin. Maliwanag? Salamat na rin pala sa pagkain mo kasi tamang-tama at gutom na gutom na ako,” ani ni Rochelle at tsaka tinalukuran si Blas upang gawin muli ang kaniyang trabaho.

Siguro naman sa mga sinabi ni Rochelle ay susuko na rin ang lalaki. Alam niyang virginity lang ang gusto ng mga lalaki sa isang babae. Para seryosohin ka ng lalaki ay dapat birhen ka. Sabagay iba-iba din ang pananaw ng mga lalaki kasi kung ganoon nga ang basehan ng pagmamahal sana ay hindi na siya iniwan ni Erik, ang lalaking binigyan niya ng kaniyang puri.

“Iyon ba ang pumipigil sa’yo para buksan ang puso mo sa’kin, Rochelle?” mayamaya ay wika ni Blas.

Ang akala ng babae ay umalis na ito.

“Ang babaw naman pala ng basehan mo ng pagmamahal. Okay. Kung hindi ka na birhen ano naman ngayon? Importanteng kwalipikasyon ba iyon para mahalin mo ang isang babae? Hindi ba puso ang magdidikta kung sino ang nais nitong mahalin? Mali naman yata ang pananaw mo, Rochelle. Hindi lahat ng lalaki ay iyon ang gusto. Sapat na sa’kin ang mahalin mo ko. Wala naman akong ibang hinihiling kung ‘di iyon lang pero iba pala ang dating sa’yo,” wika ni Blas at tsaka siya tinalikuran.

Sa sinabi ng manliligaw ay biglang nakonsensya ang babae. Hinusgahan niya ba agad ang intensyon nito? Mali ba siya nang inaakala. Bigla tuloy siyang naguluhan. Kahit ang sarap ng hinandang pagkain ni Blas ay parang nawalan iyon ng lasa kaya nawalan na ng ganang kumain si Rochelle.

Hindi nakatulog magdamag si Rochelle sa kakaisip kay Blas. Bakit kasi nasabi niya ang mga bagay na iyon? Nasaktan niya tuloy ang lalaki. Kinabukasan ay hinarang niya ang lalaki upang makausap.

“Sorry, Blas,” agad na wika ni Rochelle.

“Ayos lang iyon, Rochelle. At least ngayon naiintindihan ko na ang mga dahilan mo,” sagot naman ni Blas. “Pero kung iniisip mong susukuan na kita dahil lang doon ay nagkakamali ka. Ngayong alam ko na kung ano ang dahilan mo ay mas papatunayan ko pa ang sarili ko sa’yo,” dagdag nito.

“Ganoon mo ba ako kamahal?” tanong ng babae. “Sobra. Mahal na mahal ka ng puso ko, Rochelle, kaya nga kahit anong taboy mo sa’kin ay hindi ako lumalayo kasi hindi ko kaya, e,” hindi na nakatiis ang babae kaya niyakap na lamang niya ang lalaki.

Mahabang panahon na rin niyang isinarado ang kaniyang puso kaya baka ito na nga ang tamang panahon para buksan niya ulit ito para kay Blas. Wala namang mawawala kung susubukan niya ulit magmahal. Kung masasaktan man ulit siya, e, ‘di iiyak na naman ulit siya at magmumukmok saglit tapos tuloy ulit ang buhay.

“Salamat, Blas. Sana hindi ka magbago. Sana hindi ka kagaya nila na iiwan lang ulit ako sa ere,” ani ni Rochelle.

“Hindi kita iiwan sa ere, Rochelle, kasi hindi naman kita maililipad. Pero ang kaya ko lang ipangako ay tatanggapin ko ang lahat sa’yo at mahal kita,” ani ni Blas at tsaka niya hinalikan sa labi ang babae.

Nang maghiwalay ang labi nila ay tsaka naman nagreklamo si Rochelle.

“Ang bilis mo, ah. Hindi pa nga kita sinasagot, e,” natatawa niyang wika.

“Akala ko kasi sinagot mo ko nung niyakap mo ko,” natatawang wika ni Blas.

Hindi na siya nagsalita pa ulit at sa halip ay niyakap niya si Blas at siniil ng halik. “I love you,” wika ni Rochelle.

Hindi ibig sabihin na iniwan ka nung una mong minahal ay iiwan ka na ng lahat. Pinatunayan lang ni Blas na tunay ang pag-ibig na nararamdaman niya para kay Rochelle kaya kahit anong pagtaboy nito ay hindi niya ito sinukuan. Mahalaga pa rin naman ang puri ng babae ngunit hindi ibig sabihin nun ay hindi ka na karapat-dapat pang mahalin kapag nawala na ito sa iyo.

Advertisement