Pinahirapan ng Babae sa Panliligaw, Pero Hindi Sumuko ang Lalaki Hanggang Makamit ang Kaniyang Pag-ibig
Matagal nang nanliligaw si Gabriel kay Maja ngunit lagi naman siya nitong binabasted. Hindi niya alam kung ano ang ayaw sa kaniya ng babae. Kung tutuusin ay pogi naman siya. Marami ngang babae ang nahuhumaling sa kaniya maliban na lang yata kay Maja.
“Bakit ba ayaw mo sa’kin?” tanong ni Gabriel kay Maja. “Ayoko kasi sa mga lalaking kagaya mo,” sagot ni Maja.
“Iyon lang? Bakit naman ayaw mo sa’kin? May kulang pa ba sa’kin? Gwapo naman ako, basketball player, may six-pack abs. Halos perpekto na nga ako, e. Ano ba ang inaayawan mo sa akin?” tanong ulit ng lalaki.
“Iyan! Iyang ugali mong daig pa ang bagyo. Kaya pwede ba, Gabriel, tantanan mo ako dahil hindi ko kailangan ang pagiging perpekto mo sa sarili,” wika ni Maja.
“Nagsasabi lang naman siya ng totoo. Bakit nagalit sa kaniya si Maja? May mali ba sa sinabi niya? Bakit ba kay hirap i-please ng mga babae?” isip-isip ni Gabriel sa kaniyang sarili,
Piyesta sa barangay nila nang magkasama sila Gabriel at Maja sa isang inuman. Alam ng mga ka-barangay nila na mahal ng lalaki ang babae kaya ginawa tuloy silang pulutan sa kantiyawan. Nginingitian lamang iyon ni Maja at hindi pinapansin at ganoon din naman si Gabriel.
Hindi inaalis ng lalaki ang tingin niya kay Maja dahil nag-aalala siya rito. Maganda si Maja at aminado siyang maraming may interes dito. Kaso ay isnabera at masungit ito. Lahat ng nanliligaw sa kaniya ay binabasted niya. Si Gabriel nga lang ang nagtiyatiyaga kay Maja, e. Hindi rin nito alam kung bakit! Marami namang mas maganda pa rito.
“Maja, lasing ka na kaya umuwi na tayo,” yaya ni Gabriel sa babae. Nakikita niya kasing panay na ang ngiti ng babae at kanina pa niya napapansin si James na nagpapa-cute dito at mukhang may iba pa yatang binabalak ang lalaki dahil panay himas din nito sa binti ni Maja.
“Ako na ang maghahatid sa kaniya, Gabriel,” prisinta ni James.
“Ako na, James. Mas may tiwala ako sa sarili ko kaysa sa’yo,” agad na wika ni Gabriel. “Hali ka na, Maja,” sindak niya sa babae.
Hindi baling magalit ito sa kaniya kasi pakialamero siya. Ayaw niya lang na mapamahak ito at masama sa babaeng nadali ni James.
Naguguluhan man si Maja ay wala itong nagawa kung ‘di ang tumayo at sumama kay Gabriel.
Nagpaalam si Gabriel sa mga kaibigan nila upang maihatid na niya si Maja.
“Ang laki naman yata ng problema mo, Gabriel. Alam ko naman na hindi pa ako lasing pero bakit pinapauwi mo na ko?” naiinis na wika ni Maja sa lalaki.
“Hindi ka pa pala lasing. Bakit hinahayaan mo si James na himas-himasin iyang hita mo?” pigil ang inis na wika ng lalaki.
“Bakit? Gusto mo si James kaya okay lang sa’yo na himas-himasin niya iyang legs mo? Ganiyan ka ba? Nadadaan ka lang sa alak. Sana sinabi mo sa’kin para nilasing na lang kita. Hindi iyong nahihi–” natigilan si Gabriel dahil sinampal siya ng malakas ni Maja.
“Ang kapal ng mukha mo! Ang baba naman ng tingin mo sa’kin,” maluha-luhang wika ni Maja.
“Iuuwi na kita,” ani ng lalaki tsaka muling naglakad. Ayaw niyang makitang umiiyak si Maja.
“Simula ngayon ay ayoko nang makita ang pagmumukha mo!” sigaw ng babae at nagmartsa na ito palayo.
Kulang na lang ay iumpog ni Gabriel sa pader ang ulo niya. Nagselos siya at hindi niya napigilan ang inis na nararamdaman kaya nakapagbitiw siya ng mga masasakit na salita sa babae. Paano pa siya sasagutin ngayon ni Maja? Noon nga ay bagsak na siya rito, ngayon pa kaya. Naiinis na sinipa ng lalaki ang latang nakaharang sa kaniyang dinadaanan.
“Maja, para sa’yo,” abot ni Gabriel sa pagkaing dala niya. Maaga siyang pumunta sa bahay nito upang humingi ng kapatawaran.
Pagkain na lang ang dinala niya para sa dalaga dahil nadala na siya noon nung bigyan niya ito ng chocolate at bulaklak. Nagalit kasi si Maja at sinabing, “Gusto mo ba akong magka-diabetes at naghanda ka pa ng mga bulaklak para sa lamay ko?”
“Sorry na sa mga sinabi ko noong nakaraang gabi. Nasabi ko lang ang mga iyon kasi naiinis ako. Alam mo naman na pakboy ang lalaking iyon at istilo na talaga nun ang idaan sa alak ang isang babae. Ikaw naman hinahayaan mo lang siya. Sorry na.”
“Bakit mo pa ako nililigawan kung wala ka pa lang tiwala sa’kin? Hindi ko siya hinahayaan. Panay nga ang harang ko sa kamay niya. At tsaka ano bang akala mo sa’kin, easy to get?” wika ni Maja. “Sorry din kasi nasampal kita. Masakit ba?”
“Oo, pero alam ko naman na kulang pa iyon sa lahat nang nasabi ko.” Ngumiti ang babae at pinaupo nito si Gabriel sa kaniyang tabi.
“Balak ko pa naman sanang sagutin ka tapos ininis mo ako ng ganoon,” dagdag ng babae.
“Sorry na kasi, e. Hindi ko na iyon uulitin. Kung ikaw kaya ang magselos sa tingin mo ba makokontrol mo ang emosyon mo?” nakalabing wika ni Gabriel dahilan upang matawa si Maja.
Ilang linggo rin ang lumipas tsaka sinagot ni Maja si Gabriel. Niligawan ng lalaki ang buong pamilya nito at pinakita ang wagas niyang pag-ibig para kay Maja. Aprub naman siya sa pamilya nito kaya hindi na siya nahirapan pa.
May pusong mamon ang mga babae. Pinapahirapan ka nila pero hindi nila nais na sumuko ka. Gusto lang nilang patunayan kung tunay ba talaga ang hangarin mo sa kanila. Mahirap i-please ang mga babae pero kapag nakuha mo na ang tiwala nila ay daig mo pa ang nanalo sa lotto sa sobrang swerte.