Inday TrendingInday Trending
Matagal na Niyang Pinangarap ang Magkaroon ng Anak, Hindi Niya Inasahan ang Pamilyang Mabubuo Kasama ang Isang Hulog ng Langit

Matagal na Niyang Pinangarap ang Magkaroon ng Anak, Hindi Niya Inasahan ang Pamilyang Mabubuo Kasama ang Isang Hulog ng Langit

Nagkatotoo ang pangarap nina Sophia at Diego na magpakasal sa pinangarap nilang simbahan. Sa harap ng altar, pinangako nila sa isa’t isa na magsasama sila  sa hirap at ginhawa, anuman ang mga pagsubok na kanilang haharapin. 

“Ilang anak ang gusto mo?” tanong ni Sophia sa kaniyang asawa, habang tinatamasa ang lamig ng Tagaytay sa kanilang honeymoon.

“Hindi marami. Ayaw kitang pahirapan. Isa lang,” sagot ni Diego.

“Talaga lang? Hindi mo naman ba gusto ng dalawa?” tanong ni Sophia.

“Isa lang, o kaya isang dosena! Ganiyan tayo, magtatayo ng liga,” biro ni Diego sa kaniyang misis. Inihampas ni Sophia ang kaniyang kamay sa balikat ng kaniyang mister.

“Akala ko isa lang eh, isang dosena pala. Kakayanin ko ba ang isang dosena? Siyam kaming magkakapatid, kaya ang tawag sa amin ay ‘The Lucky Nine.’ Hindi madali ang pag-aalaga ng maraming anak, Mahal,” nasabi ni Sophia kay Diego. 

“Kahit ilan naman, Mahal. Ang mahalaga, mapalaki natin siya o sila `nang maayos,” sabi ni Diego.

Dahil parehong propesyunal sina Sophia at Diego, sanay silang dalawa sa mga pagpaplano ng mga gusto nila sa buhay. Hindi sila gumagalaw sa pang-araw-araw na gawain nang walang mga nakalistang plano. Matapos ang halos dalawang taong pagsasama nila ay nakapagpundar na rin sila ng sariling bahay, lupa, kotse, at ipon sa bangko.

Ngunit may isang bagay pang kulang sa kanila.

Anak.

“Bakit kaya hindi pa tayo nagkaka-anak, Diego? Sabi ng doktora, okay naman tayo. Wala namang problema,” naiinip na sabi ni Sophia matapos ang dalawang taon ng pag-aasawa.

Pareho silang abala sa kani-kanilang mga trabaho, at matagal na talaga silang nag-aasam na sana ay magkaroon na sila ng munting anghel sa kanilang tahanan, upangq masabi nilang may dahilan at talagang kapupuntahan ang kanilang mga pagsisikap sa buhay. 

“Huwag kang mag-alala, darating din tayo diyan. Mas makabubuting mag-enjoy muna tayo sa buhay ngayon,” sabi ni Diego.

Kaya nagtrabaho sila nang husto at inilaan ang mga araw na libre sa pamamasyal at paglalakbay. Hindi sila nagmimintis sa pagbuo ng kanilang supling upang matawag na nilang ganap na ang kanilang pagiging mag-asawa. Iyon kasi ang paniniwala nilang dalawa. 

Hanggang sa isang araw ay sinorpresa ni Sophia ang mister na si Diego. 

“Diego! Mahal! Mahal…” Nagulat si Diego sa biglang tili ni Sophia. May hawak itong pregnancy test.

“Magiging tatay ka na!”

Mas maingat si Sophia sa kaniyang mga kilos, mas maalaga si Diego.

Ngunit sa ikalawang buwan ng pagbubuntis ni Sophia, biglang dinugo siya at nalaglag ang ipinagbubuntis ni Sophia. Ayon sa espesyalista, mahina ang kapit ng bata sa kaniyang sinapupunan, kasabay pa ng pagiging abala niya sa trabaho. 

Sinisi ni Sophia ang kaniyang sarili sa nangyari sa anak nila ni Diego. Mabuti na lamang ang maunawain ang mister. 

“Huwag kang mag-alala, Mahal… narito lang ako sa tabi mo,” sabi ni Diego.

Napansin ni Diego ang lungkot ni Sophia. Mas dinoble pa niya ang pag-aalaga at pag-unawa.

“Mamahalin mo pa ba ako Diego kung sakaling hindi kita mabigyan ng anak?” paminsan ay natanong ni Sophia. 

“Ano ka ba Mahal… mahal na mahal kita at tanggap kita kahit anuman ang mangyari,” paniniyak sa kaniya ni Diego. 

At matuling lumipas ang limang buwan. Unti-unting nag-move on ang mag-asawa sa nangyari sa kanilang anak, subalit ang sakit ay nananatili pa rin sa kanilang puso. 

Sa isang gabi, nagising sila sa iyak na naririnig sa labas.

“Ano ‘yon?” tanong ni Sophia.

“Halina’t puntahan natin,” saad ni Diego.

Nakita nila ang isang basket na may sanggol na bagong panganak. Lalaki ito at may sulat na nakalagay sa tiyan.

“Hulog siya ng langit sa atin, Mahal…” naiiyak na sabi ni Sophia.

“Aalagaan natin siyang parang sa atin, Mahal,” wika ni Diego.

Aampunin na nila si Angelo, ang sanggol na parang tunay na anak.

Hindi nila ipinaramdam kay Angelo na hindi nila ito tunay na anak. Ipinaramdam nila sa bata na sila ang tunay na mga magulang nito, at ito ay anghel na ipinadala sa kanila ng langit.

Ngunit may mas malaking sorpresa pa sa kanila.

Muling nagbuntis si Sophia at nagsilang ng kambal! Hindi nila ito inasahan. Akala talaga nila, hindi na sila magkakaroon pa ng sariling supling. 

“Siguro ay naging mabuti sa atin ang Diyos, Mahal, kasi pinalaki at minahal natin si Angelo na parang sarili nating anak,” nasabi na lamang ni Diego nang magsilang na ang kaniyang misis. 

Masayang-masaya sina Sophia at Diego sa biyayang dumating sa kanilang mag-asawa, sa matagal na paghihintay.

Advertisement