Hindi na Raw Nasusunod ang Babaeng Ito Kaya Iiwan Niya ang Asawa, May Pag-asa pa nga ba ang Kanilang Pamilya?

“T*ng ina talaga, bess, gusto ko na lang minsan lumayas dito sa bahay at iwan ang lahat o ‘di kaya naman makikipagkasundo ako kay Satanas para lang ibalik niya ang oras at buhay ko rati dahil hinding-hindi ko na pipiliin pang muli na makasama si Cedric!” galit na galit na wika ni Anne sa telepono habang kausap ang matalik niyang kaibigan.

“Kumalma ka, maliit pa ‘yang anak niyo at baka naman post-partum lang ‘yang nararamdaman mo sa asawa mo. Saka galit ka lang ngayon kaya mo nasasabi lahat ng ‘yan,” mahinahong pagkakalma ni Maria, matalik na kaibigan ng babae.

“Hindi, ayaw ko na talaga! Noong una lang siya magaling, ngayong may pamilya at anak na kami ay nagbago na siya! Nagiging katulad na siya ng lahat ng mga lalaking walang pakialam sa mga asawa nila dahil ang mahalaga lamang sa kanila ay ang makapag-akyat ng pera!” sigaw pang muli ni Anne sa kaibigan.

“Dati kapag sinabi kong makikipaghiwalay ako sa kaniya ay sinusunod niya kaagad ang gusto ko. Ngayon wala nang silbi ‘yun, tinutulugan na lang niya ako na para bang wala siyang naririnig at kahit na mag-empake pa ako ng mga gamit ay wala lang sa kaniya ang lahat. Maiiwan lang ako sa isang tabi na umiiyak! Dapat talaga hindi ako nabuntis, dapat talaga hindi ako nagpakasal!” dagdag pa ng babae.

“Alam mo, balikan mo na lang ang dahilan kung bakit mo siya pinakasalan? ‘Di ba sabi mo rati na sa lahat ng lalaki siya lang ang sumusunod sa lahat ng gusto mo at pakiramdam mo pinapakinggan ka niya? Isipin mo ‘yun,” pagkakalma ng kaibigan.

“Dati ‘yun pero hindi na ngayon! Kaya nga makikipaghiwalay na lang ako kaysa naman nahihirapan ako ng ganito!” bulalas pang muli nito.

“Hay naku, Anne, narinig mo na ba yung 80/20 rule tungkol sa pagmamahal?” wika ni Maria.

“Alam mo, sa isang relasyon daw ay nakukuha natin ang 80 na porsyentong gusto natin, malaking bagay na ‘yun at hindi na tayo lugi kung tutuusin pero may mga babae o tao talaga na mas nakikita at hinahanap ‘yung 20 porsyentong nawawala. Ilagay natin sa isang konseptong mas makukuha mo, katulad na lang si Cedric, maraming nagsasabi na napakaswerte mo raw sa kaniya at hindi lang naman sila dahil ikaw mismo ang nagsabi noon sa amin. Responsable, malambing, walang bisyo, walang barkada, ikaw at sa’yo lang halos umiikot ang mundo niya. Pero ngayon na hindi mo na nakukuha ang gusto mo ay hindi mo na nakikita ‘yung 80 porsyentong binibigay niya sa relasyon niyo. Mas nakikita mo lagi na natutulog lang siya, mas gusto niyang makipaglaro sa anak niyo kaysa gawin ‘yung mga gusto mo, ngayon mo hinahanap ‘yung 20 porsyentong hindi niya maibigay,” paliwanag muli ni Maria sa kaniya.

Advertisement

“Hanggang sa tumagal nang tumagal ang nararamdaman mong ‘yan at hindi mo na nakikita ang mga nakukuha mong 80 porsyento at hanapin mo sa iba ang nawawalang 20 porsyento. Tapos kapag nakita mo na ‘yun sa iba, iiwan mo si Cedric at makukuntento ka sa lalaking nagustuhan mo dahil lang sa 20 porsyento na nakuha mo at ipinagpalit mo ang sarili mo at ang anak mo roon,” dagdag pa nito.

Hindi sumagot si Anne sa sinabing iyon ng kaniyang kaibigan at mas pinili nitong umiyak nang umiyak.

“Bakit hindi pwedeng 100% ang makuha? Binibigay ko naman ang lahat sa kanya bakit hindi ko makuha ng buo ang pagmamahal ko,” iyak pang muli ng babae.

“Akala mo lang binibigay mo ang lahat pero mayroon ka ring 20 porsyento sa puso mo o ‘di kaya naman sa ugali mo na hindi mo rin maibigay minsan ang mga hinahanap niya. Alam mo sa relasyon, walang buo, walang puno, kasi kayo ‘yung maglalagay ng kulang ng isa’t isa. Kaya nga sabi, magmahal ka ng walang kapalit, walang inaasahan na kahit na ano basta magmahal ka lang,” sagot naman ni Maria sa kaniya. 

Hindi na sumagot pang muli si Anne at naputol na ang kanilang pag-uusap. Naiwan siyang nakasandal sa pader ng kanilang kwarto habang tinititigan ang kanilang anak na mahimbing na natutulog at dito niya napagtanto ang mga sinabi ng kaniyang kaibigan.

Inisip niya ang mga bagay na ikinagagalit niya sa kaniyang mister ay pawang pang sarili lamang niyang kaligayahan. Nais niyang umalis at pumunta sa kaarawan ng kaniyang mga kaibigan ngunit ayaw sumama ni Cedric na siyang sinimulan ng kaniyang galit hanggang sa pakiramdam niya ay nagbago ang lalaki at mas gusto na lang ang anak nila. Ngunit mas pumasok sa kaniya ngayon na kaya ganito ang kaniyang mister dahil sa pagod nito sa trabaho para mabuhay sila. Ngayon ay mas pinili niyang makinig sa kaibigan at mas kumalma rin ang isipan niya. 

Sa huli, ano’t ano man ang pinagdadaanan ng isang relasyon lagi sana nating tignan ang magagandang bagay na mayroon tayo at mas piliin nating magmahal kahit walang kapalit dahil may Diyos na nakakakita ng lahat ng sakripisyo para sa ating mga minamahal, para sa ating pamilya.