Batang Namamalimos para sa Online Class ay Mahuhuling Nagsisinungaling; Para Saan nga ba ang Pera ni Totoy?

Kahit na laganap ang pandemya sa bansa ay hindi pa rin napipigilang lumabas ng mga kabataang katulad ni Aaron sa lansangan para humingi ng pera.

“Nakamagkano ka na ngayon, Aaron?” tanong ni Jeremy isa pang palaboy sa daan.

“Wala pa nga akong isang daan, baka milo na naman ang ulamin namin ni lola nito,” sagot ng batang si Aaron na siyam na taong gulang.

“Ilagay natin pang online class, kita mo ‘yung mga bagong dayo rito sa atin? Ganun ang sinusulat nila saka sila kumakatok sa mga pinto ng sasakyan. Tara, gayahin na rin natin,” yaya ng kaniyang kaibigan.

Kahit natatakot ay ginaya ng dalawa ang bagong istilong nakikita nila sa palilimos. Kung dati ay nakaupo lamang sila sa tabi ng mga tindahan at pamilihan na malapit sa kanila at literal na namamalimos, ngayon ay may karatola na silang may nakasulat na “PANG ONLINE CLASS LANG PO” at ginaya nga ang nagkalat na kabataan na nanlilimos sa daan.

“Ayos din pala itong ganito, tingnan mo naka 250 pesos ako ngayon. Kahit papano ay may makakain na kami ni lola,” wika niya sa sarili habang masayang bitbit pauwi ang mga barya.

“Apo, Aaron! Nanlimos ka na naman ba? Hindi ba’t sinabi ko naman sa’yo na delikado ngayon sa labas at hindi ka pwedeng gumala kung saan-saan,” wika ni Lola Nene sa kaniya.

“Lola, tandaan niyo po na sabi sa TV parehas tayong hindi pwedeng lumabas kaya kung hindi ako gagawa ng paraan ay baka magutom tayo at tuluyang matigok,” sagot ni Aaron sa matanda.

Advertisement

“Itong batang ‘to, kung makapagsalita akala mo malaking tao ka na talaga. Siya, bukas ay huwag ka na muna lumabas at ako naman ang hahanap ng makakain natin,” sagot naman ni Lola Nene.

“Ano namang trabaho ang gagawin niyo, lola? Bawal kayong maglabada kasi matanda na kayo,” baling ni Aaron at tumayo ito sa harapan ng matanda.

“Ito talagang apo ko, ititinda ko itong mga ukay-ukay natin sa ilang kapitbahay. Malay mo magustuhan nila kahit na lima-limang piso, pwede na,” ani ng matanda.

“Hay naku, lola, ako na ho ang bahala sa inyo,” sagot ni Aaron at niyakap ang matanda.

Lumipas pa ang ilang araw at patuloy lamang sa panglilimos ang batang si Aaron at iba pa nyang kaibagan hanggang sa nakilala niya ang babaeng palagi siyang binibigyan ng bente pesos.

“O, pang online class ba talaga ‘yang binibilang mo, Aaron?” tanong ng dalagang babae na kakagaling lamang sa pamimili.

“Ate, ikaw pala ‘yan, bibigyan mo ba ako ulit ng bente ngayon?” tanong kaagad ng bata sabay ngiti sa babae.

“Naku, mukhang nasanay ka na sa bente ko! Sa totoo lang, hindi na kita bibigyan ng pera kasi bibigyan na kita ng telepono para hindi ka na mamalimos. Anong grade ka na ba? Gusto sana kita samahan sa nanay mo para ibigay ko sa kaniya ‘yung cellphone para sigurado akong sa pag-aaral mo lang gagamitin,” wika ng dalagita sabay pakita ng telepono sa bata.

Advertisement

Saglit na hindi nagsalita ang bata at yumuko lamang ito saka itinuloy ang pagbibilang ng barya niya sa latang dala-dala.

“Ayaw mo ba ng cellphone?” tanong muli ng babae.

“Ate, may sasabihin sana ako sa’yo pero baka magalit ka lang kaya ‘wag na,” sabi ni Aaron dito.

“Naku, parang alam ko na ‘yan, hindi naman talaga pang online class ‘yang mga pera mo at kaya ka nasa labas kasi sinasabi ng mga magulang mong mamalimos ka! Tama ba?” sagot ng dalaga saka umupo sa tabi niya.

“Hindi ate, mali ka. Sa totoo lang, hindi naman talaga pang online class ‘tong iniipon ko kasi ang 100 pesos dito pambili ng hapunan namin ni lola at ang matitira pang agahan naman at kung may sobra pa ay iniipon ko pambili ng cellphone ‘yung may internet,” sagot ng bata sa kaniya.

“Aanhin mo naman ang cellphone?” tanong muli ng babae.

“Para kay lola,” sagot ni Aaron sa kaniya.

“Kita mo na, pinanglilimos ka ng lola mo para lang magkatelepono siya e marami pang mas mahalagang bagay,” baling ng dalagita at pumitik pa ito sa mukha niya.

Advertisement

“Ate, hindi, hindi, mali ka! Para kay lola ‘yung cellphone kasi naawa na ako sa kaniyang maglako ng damit araw-araw sa mga kapitbahay namin at doon sa ibang barangay tapos ang nabebenta niya lang ay 50 pesos o ‘di kaya naman 100 tapos pagod na pagod pa siya. E may nakita ako sa palengke, ‘yung live selling. Nakaharap lang ‘yung babae sa camera tapos pa-mine lang ang sinasabi niya, noong nandoon ako nakabenta raw siya ng higit isang libo,” paliwanag ng bata sa kaniya na ikinagulat nya.

“Kaya gusto ko ng cellphone para mag live selling na lang kami ni lola, kaya kong gawin ‘yung ginagawa nung babae sa palengke para hindi na rin ako mamalimos,” dagdag pa nito.

Saglit na hindi nagsalita ang babae at tinitigan lamang siya. Kinalauna’y sinamahan ng babae si Aaron sa kaniyang lola at ibinigay ang cellphone niyang luma. Grabe ang iyak ng dalagang si Andrea dahil may ukay-ukay pala noon ang matanda at dahil sa pandemya ay tuluyan nang nagsara ang pwesto nila at wala na silang pinagkakakitaan kaya naman napilitang mamalimos ang batang si Aaron.

Tinupad ng dalaga ang hiling ni Aaron na makapag-live selling sila ng mga ukay-ukay na damit nila Lola Nene, tinulungan at pinaliwanagan niya ito kung paano ang mga dapat niyang gawin. Mahirap man ang naging proseso para matutunan ni Aaron ang lahat ng kailangan para sa kanilang bagong negosyo ay naging pursigido ito na lalo pang kinahangaan ng marami kaya naman simula noon ay mas umulan ang tulong sa dalawa. Laking pasasalamat ni Lola Nene at Aaron kay Andrea na siyang nagtiwala at tumulong sa kaniya.

Sa huli, naging inspirasyon ang kwento ni Aaron na hindi lahat ng namamalimos ay gumagawa lamang ng kwento at iginagasta ang pera sa wala dahil may mga katulad niyang malaki pa rin ang pangarap.