Hindi Mabuti ang Trato ng Isang Ina sa Bunsong Anak; Hindi Pala Maibabalik ng Paborito Niyang Anak ang Pagtingin na Naibigay Niya Nang Tumanda Siya

“Ma, maraming salamat po dito sa donut na uwi n’yo. Itsura pa lang mukhang masarap na,” saad ni Camille sa kaniyang inang si Esther.

“Ibalik mo nga ‘yang donut na ‘yan sa ref!” galit na tugon ng ina.

“Dalawa po ang donut na nasa ref, ma, hindi po ba kami tag-isa ni Kuya Emman?” tanong ng dalagita.

“Dalawa nga lang ‘yan. Binili ko talaga ‘yan para sa kuya mo para kapag uwi niya galing eskwela ay may miryenda siya. Kung nagugutom ka ay may kanin at ulam pa sa kusina,. Iyon ang kainin mo!” giit ni Esther.

Nalungkot si Camille sa sinabi ng ina.

Bata pa lamang ay halata na sa inang si Esther na ang panganay na anak na si Emman ang paborito nito. Lubusan kasi ang hawig nito sa namayapang ama ng binata na talagang minahal ng ginang. Samantalang si Camille ay bunga lamang daw ng pagkakamali nang pagsamantalahan ng isang kumpare ang kahinaan ni Esther noong panahon ng kaniyang kalungkutan.

Kaya ganoon na lamang kung ilapit ni Camille ang kaniyang loob sa ina. Ngunit kahit ano man ang kaniyang gawin ay ramdam niya ang ibang pagtrato sa kaniya ng ina. Nalulungkot siya sa tuwing nakikita niya kung gaano kamahal ni Esther ang panganay na si Emman.

Lahat ng kailangan ni Emman ay basta na lamang ibinibigay ng inang si Esther samantalang kailangan pang paghirapan ni Camille ang sa kaniya. Sa tuwing kaarawan nga nila ay ipinagpapansit lamang ang dalaga samantalang magarbong pagdiriwang ang kay Emman.

Advertisement

“Ma, kailangan ko ng bagong sapatos na pang-basketball. Lahat ng mga kabarkada ko ay iisa lang ang tatak ng sapatos nila. Gusto ko din no’n. Kahit may kamahalan ‘yun ay matibay naman,” sambit ni Emman sa ina.

“O siya, magbihis ka at pupunta tayo ngayon sa mall para bumili,” tugon ni Esther sa anak.

“Ma, magbibihis na rin po ba ako?” tanong ni Camille na tila nasasabik sa pag-alis nilang mag-anak.

“Dito ka na lang. Hintayin mo kami ng kuya mo na makauwi. Saglit lang naman kami. Pumasok ka sa silid mo at gumawa ng takdang aralin,” utos ng ina.

“Ngunit gusto ko rin po kasing bumili ng bagong sapatos,” wika ng dalagita.

“Hindi pa naman sira ang binili ko sa’yo, ah. Bakit kailangan mo pa ng bagong sapatos. Ilan ba ang mga paa mo?” inis na pahayag ng ina. 

Napayuko na lamang si Camille sabay pasok sa kaniyang silid. Doon ay hindi na niya naiwasan pa ang pagtulo ng kaniyang mga luha.

“Anak din naman niya ako kahit hindi mabuting tao ang tatay ko tulad ng sinasabi niya. Pero bakit hindi niya ako magawang mahalin?” tanong niya sa sarili.

Advertisement

Makalipas ang ilan taon ay nag-iba na ang buhay ng magkapatid. Dahil sa palaging naglalakwatsa ay hindi nakatapos sa pag-aaral si Emman. Sayang lamang sapagkat sa pribadong unibersidad pa siya pinag-aral ng ina. Hanggang ngayon ay wala pa rin itong trabaho at nakaasa pa rin kay Esther.

Samantala, si Camille ay naging iskolar sa isang primyadong unibersidad, nakapagtapos nang may karangalan at ngayon ay isa nang sikolohista. Mula nang magkolehiyo ay pinabayaan na ni Esther ang anak sa kung ano ang gusto nitong gawin sa buhay.

Dahil tumatanda na rin si Esther ay unti-unti na itong nagkasakit hanggang sa maaga na siyang nagretiro sa kaniyang trabaho. Ang perang nakuha niya sa pagreretiro ay inubos ni Emman sa kaniyang bisyo. 

“Ang sabi mo ay magtatayo ka ng negosyo, Emman, kaya ko pinahiram ang lahat ng ito sa’yo. Paano ‘yan? Hindi ko na alam kung saan tayo kukuha ng panggastos. Marami pa naman akong gamot na kailangan dahil sa sakit ko,” wika ng ina.

“Basta gagawa ako ng paraan. Kaya ako minamalas kasi ang dami niyong dada. Wala kayong tiwala sa akin. Ayan tuloy!” paninisi pa ni Emman.

Dahil hindi na nga nakakainom ng gamot si Esther ay unti-unti nang lumala ang kaniyang kalagayan. Samantalang walang pakialam si Emman sa nangyayari sa ina.

Nang mabalitaan ito ni Camille ay agad niyang pinuntahan ang ina.

“Ma, bakit po hindi niyo sinabi sa akin ang kalagayan niyo?” malungkot na tanong ni Camille.

Advertisement

“Kuya, bakit hindi mo naman inaalagaan si mama? Bakit hindi mo siya ipinagamot? Tingnan mo ang lagay niya ngayon,” wika pa ng dalaga sa kapatid. 

“Wala ngang pera! Saka bakit sa akin mo siya iaasa, may pamilya na ako. Hindi ko nga alam kung saan ako kukuha ng ipapanustos sa pamilya ko gusto mo pa, ako pa rin umintindi sa pangangailangan ni mama! Pesteng buhay ‘to!” galit na sambit ni Emman. 

“Kung gusto mo kunin mo na lang ‘yan, tutal pabigat na lang din naman sa akin si mama, e!” dagdag pa nito.

Lubusang ikinalungkot ni Esther ang narinig na pahayag ng panganay na anak. Sobrang inis naman ang naramdaman ni Camille sa kaniyang Kuya Emman.

“Matapos gawin lahat para sa’yo ni mama ay ganiyan lang ang igaganti mo ngayong wala na siyang pakinabang? Anong klase kang anak? Sige, kukunin ko si mama. Ako na ang bahala sa kaniya!” sambit ng dalaga.

Iniuwi ni Camille ang ina at doon ibinigay ang lahat ng kaniyang pangangailangan. Madalas din niya itong samahan sa espesiyalista upang mapagamot ito. Dahil sa mga ginagawang ito ni Camille ay napagtanto ni Esther na mali ang lahat ng kaniyang ginawang pagtrato sa anak.

Habang nililinisan ng siya ng katawan ni Camille ay hindi na naiwasan pa ni Esther na lumuha.

“Patawarin mo ako, anak, sa lahat ng mga nagawa ko sa’yo noon. Ibinuntong ko sa’yo ang pagkakamali ng iyong ama at nakalimutan kong sa akin ka rin nanggaling. Ikaw ang aking bunso,” tuloy sa pag-iyak ang ina. 

Advertisement

“Wala po ‘yon, ma. Naiintindihan ko po kayo,” nakangiting tugon ni Camille.

“Maraming salamat, anak. Maraming salamat dahil sa lahat ng pagkukulang ko ay nagagawa mo pa rin akong mahalin bilang iyong ina. Noon sa tingin ko ay isa ka lamang bunga ng pagkakamali, ngunit ako pala ang nagkamali. Ako pala ang hindi karapat-dapat na maging ina mo. Dahil sobrang bait mo at mapagmahal. Sana ay bigyan pa ako ng Diyos ng kalakasan para maipadama ko sa’yo ang pagmamahal ng isang ina na hindi mo nakuha sa akin noon,” saad pa ni Esther.

Niyakap na lamang ni Camille ang ina.

“Wala na po akong mahihiling pa, ma. Ang gusto ko lang naman po sa buhay ko ay ang tawagin niyo akong anak,” wika nang dalaga. 

Mula noon ay naging maayos na ang pagtitinginan ng dalawa. Sa pangangalaga ni Camille ay unti-unting bumuti ang kalagayan ni Esther. Nang tuluyan itong lumakas ay pinunan niya ang lahat ng taong siya ay nagkulang nilang isang ina.