Nagmamalaki ang Isang Pamilya dahil sa mga Luhong Natatamasa; Lubusang Kahihiyan ang Kanilang Mararanasan Nang Malaman ang Ilegal na Gawain

“Humahaba na naman ang mga leeg ng mga kapitbahay natin sa kakatanghod sa bago nating gamit!” sinigurado ni Mang Melchor na maririnig ng mga kapitbahay ang kaniyang sinabi sa lakas ng kaniyang boses.

“Nagsisitulo na naman ang laway ng mga ‘yan panigurado. Paano ay hindi pa sila nakakakita ng ganitong kalaking telebisyon!” saad pa ni Aling Rodora.

“Tama kayo, ‘nay! Tiyak kong hindi na naman makakatulog sa inggit ang mga kapitbahay natin!” natatawang sambit pa ng anak nilang si Jess.

“Tara na nga at pabayaan mo na lang na magsitanawan sila sa atin. Kahit anong gawin ng mga iyan ay hindi sila makakabili ng ganitong kalaking telebisyon!” pagmamayabang pa ni Mang Melchor.

Nasa Japan ang panganay na anak nila Mang Melchor at Aling Rodora na si Mia bilang isang entertainer doon. Siya ang nagbibigay ng mga panustos ng kaniyang pamilya. Kahit na magipit at hindi na makakain ang mga ito ay mas nais pa nilang sundin ang kanilang mga kapritsyo at bumili ng mga bagong kagamitan.

Nang sumunod na buwan ay nainitan daw si Aling Rodora kaya agad-agad silang bumili ng aircon.

“Salamat naman at nagka aircon na tayo. Hindi na ako mahihirapan sa kakapaypay. Napakainit ng buga ng bentilador natin dahil sa init ng panahon!” wika ng ginang habang ikinakabit ng kaniyang asawa ang aircon sa kanilang tahanan.

“Wow, Rodora, talagang nakakariwasa ka na sa buhay at nag-e-aircon ka pa ngayon!” saad ng isang kapitbahay.

Advertisement

“Siyempre! Kaya namin bumili ng aircon, e. Hindi katulad ninyo na puro bentilador lang ang gamit!” pagmamalaki nito. 

“Napakayabang mo naman, Rodora. Binati ko lang ang bagong aircon niyo kung anu-ano na ang sinabi mo!” naiinis na tugon ng kapitbahay.

Nang sumunod namang buwan ay nagpadala ulit ang panganay na anak.

“Sige na, Melchor. Ibili na natin ng bagong set ng karaoke ‘yan. May nakita ako malakas ang tunog at pwede ka pang mag bidyoke!” giit ni Aling Rodora.

“Pero inilalaan natin ito sa handa sa kaarawan ni Jess sa katapusan. Mariing sinabi ni Mia na ipaghanda daw ang kapatid niya,” pahayag ng ginoo. 

“Pabayaan mo na ‘yang si Jess! Saka sino-sino ba ang dadalo sa kaarawan niyan, tayo-tayo rin. Papakainin mo lang ‘yang mga kapitbahay natin! Mas mainam na lang na tayo ang makinabang,” saad pa ng ginang. 

“At saka kung gusto talaga ni Mia na ipaghanda ang kapatid niya ay magpapadala ulit ‘yon. Sasabihin ko lang na binili natin ng bidyoke! Maiintindihan niya ‘yan!” dagdag pa nito.

Wala nang nagawa pa si Mang Melchor kung hindi sumunod sa asawa.

Advertisement

Halos mabingi na ang mga kapitbahay nila Aling Rodora sa lakas ng patugtog nila ng kanilang karaoke. Isabay mo pa ang hindi kagandahang boses ng ginang sa tuwing ito ay walang humpay sa pagkanta.

“Baka maaari mo namang hinaan ang pagbibidyoke mo, Rodora. May natutulog na sanggol dito kasi sa amin,” pakiusap ng isang ginang.

“Naku, ang sabihin mo ay naiinggit ka lang sa bagong karaoke namin at sa ganda ng boses ko!” tugon ni Aling Rodora.

“Hindi ko nais na makipagbidyoke sa’yo. Ang sinasabi ko ay baka maaari mong hinaan dahil nakakabulahi na ang ingay niyan,” saad pa ng kapitbahay.

“Walang makakapagpahina sa akin ng bagong karaoke ko. Mga inggitera. Lumayas ka nga dito sa harapan ko!” saad naman ng ginang.

“Napakayabang mo akala mo kung sinong magandang boses!” sambit pa ng ginang na inis na inis sa inasal sa kaniya ni Aling Rodora.

Patuloy sa pagmamayabang ang mag-anak hanggang sa isang araw ay bigla na lamang may nagtungo sa kanilang lugar na mga tauhan ng nagbibigay ng kuryente at mga pulis. May report daw kasi sa tanggapan na may ilegal na koneksyon ng kuryente sa kanilang lugar. 

Nagtipon-tipon ang mga magkakapitbahay sa pag-uusyoso habang sila Aling Rodora at kaniyang pamilya ay abala sa pagbibidyoke.

Advertisement

Huminto sa tapat ng bahay ng mag-anak ang mga awtoridad. Napatigil naman ang kantahan ng pamilya nang mawalan sila ng kuryente. Nang lumabas sila ng bahay ay nagulat sila sa kanilang nakita.

“Napatunayan na ilegal po ang koneksyon ng inyong kuryente. Kailangan niyo pong sumama sa amin sa himpilan. Sampung taon na po kayong nagnanakaw ng kuryente!” sambit ng tauhan ng taga-supply ng kuryente.

Mariing itinanggi ito ng mag-anak ngunit wala silang kawala. Bukod sa wala na silang kuryente ay pinagmumulta pa sila ng isang milyong piso katumbas ng lahat ng mga kagamitang de kuryente nila sa bahay at sa dami ng taon na hindi sila nagbabayad.

Halos manghiram sila ng mukha sa aso nang sa harap ng lahat ng kapitbahay ay dinampot sila ng mga awtoridad. Patuloy ang pagtatawanan ng mga ito sapagkat kahit kailan ay hindi na magagamit pa ng mag-anak ang mga pinagmamayabang na kagamitan dahil wala na silang kuryente.