Ipinagpapalit ng Babae ang Kasintahan sa Tuwing Nangingibang Bansa; Nang Napatunayan ng Lalaki ang Pag-Ibig ay Huli na Pala ang Lahat
“Ano ba kasi ang kailangan ko pang gawin para sagutin mo na ako?” mensahe ni Francis kay Rina na nasa silid-aralan at pilit itinatago ang kaniyang selpon.
Hindi na sumagot sa mensahe ang dalaga dahil natatakot siyang baka mahuli siya ng kaniyang guro na kasalukuyang nagtuturo. Maya-maya ay tumunog ang kaniyang selpon at tinatawagan na siya ni Francis. Tinanggalan niya ng tunog ang telepono dahil baka malintikan siya sa guro kapag siya ay nakitang hindi nagkikinig.
Ngunit hindi tinantanan ni Francis ang dalaga.
“Iistorbohin kita nang iistorbohin hanggang sabihin mo sa akin kung anong p’wede kong gawin para sagutin mo na ako,” mensahe muli ng binata.
Napatingin si Rina sa orasan. Dalawang minuto na lamang ay matatapos na ang kanilang klase.
“Sige, kapag narito ka sa tapat ng eskwelahan sa loob ng dalawang minuto ay sasagutin na kita,” sagot ni Rina.
“Hinding-hindi niya ‘yan magagawa sapagkat isang oras mahigit ang biyahe papunta dito sa eskwelahan mula sa lugar nila,” sambit ng dalaga sa sarili.
Tumawag si Francis kay Rina. Sa pagkakataong ito ay sinagot na ng dalaga ang selpon dahil tapos na ang klase.
Advertisement“Ang kulit mo, Francis. Muntik pa akong mahuli ng guro namin! Ano ba kasi?” naiinis na sambit ng dalaga.
“Gusto ko lang malaman mo na ngayon na ang araw na sasagutin mo na ako at wala nang mas sasaya pa sa akin!” sambit ng binata.
“Anong ibig mong sabihin? Nakalipas na ang dalawang minuto at wala ka naman sa tapat ng eskwelahan namin,” saad ni Rina.
“Wala nga ba, Rina?” sagot ni Francis. Nanlaki ang mga mata ng dalaga at dali-daling nagtatakbo palabas ng eskwela. Doon ay agad niyang nakita ang binata.
“P-paanong–?” pagtataka ng dalaga.
“Kanina pa ako dito! Ayan ha, sa’yo na mismo nanggaling. Simula ngayon ay tayo na!” masayang sambit ng binata.
Wala nang nagawa pa si Rina. Sa totoo lang kasi sa pitong buwan na panliligaw sa kaniya ni Francis ay talagang may nararamdaman na siya dito. Hindi lang niya masagot ang binata dahil gusto pa niyang mapatunayan kung tunay nga ang pagtingin nito sa kaniya.
Walang ginawa si Francis kung hindi araw-araw patunayan sa dalaga na simula pa ng araw na naglapat ang kanilang mga mata nang magkabanggaan sa mall at magkapalit ng mga telepono ay alam niyang nakita na niya ang babaeng para sa kaniya. Naging masaya ang relasyon ng dalawa. Lalo pang pinatuyan ni Francis kung gaano niya kamahal si Rina.
AdvertisementDahil limang taon ang agwat ng kanilang edad ay magtatapos pa lang ng hayskul ang dalaga ay nakapagtapos na ng kolehiyo si Francis. Mataas ang pangarap nito at nais niyang kumuha ng masteral sa ibang bansa. Ngunit tutol dito si Rina.
“Masyadong malayo ang Amerika, Francis,” sambit ng dalaga.
“Sandali lang naman iyon, Rina. Saka sa tuwing bakasyon ay uuwi naman ako. Pangako!” tugon ng nobyo.
Dahil na rin sa ayaw nang palagpasin ni Francis ang oportunidad na ito pra sa kanilang kinabukasan ay lumipad patungong ibang bansa ang binata.
Halos araw-araw kung tawagan ni Francis ang kasintahan ngunit sa paglipas ng mga araw ay hindi na niya ito sinasagot. Nang magkabakasyon ang binata at agad siyang umuwi ng Pilipinas ngunit nanlumo siya sa nadatnan na may ibang kasintahan na pala ang dalaga.
“Hindi ko kaya na malayo ka. Tuwing kailangan kita ay wala ka,” pahayag ni Rina.
“Ginagawa ko ito, Rina, para sa atin,” sambit ni Francis.
“Ayoko na, Francis. Masaya na ako sa bago kong karelasyon. Pabayaan mo na ako,” pagtatapos ng dalaga.
AdvertisementMasakit man sa binata ay hinayaan na niya si Rina sa kaniyang kagustuhan. Ngunit hindi niya tuluyang iniwan ang dalaga. Naging isang mabuti siyang kaibigan para rito.
Sa tuwing may pagkakataong umuwi ng bansa ay ginagawa ito ni Francis at agad siyang nakikipagkita sa dalaga. Doon ay natuklasan niyang may iba na naman itong kasintahan dahil ang naunang naging nobyo nito niloko siya.
Ngunit sa pagkakataong ito ay nakatagpo naman si Rina ng isang lalaking seloso at mapanakit.
“Hindi ko nga alam, Francis, bakit ko hinahayaan na gawin niya ito sa akin. Pero alam ko mahal niya ako,” tugon ng dalaga.
Sa dami ng naging karelasyon ni Rina ay laging nariyan ang binata sa kaniyang tabi upang maging sandigan niya. Malayo man ay lagi niya itong nakakausap sa telepono. Unti-unti nang napapagtanto ni Rina na iba talaga si Francis.
Kaya ganoon na lamang ang saya ng dalaga nang mapabalitaang pauwi na ng Pilipinas ang binata. Ngunit laking gulat niya nang makita si Francis na sakay ng isang wheel chair at tila nanghihina.
“Matagal na akong may sakit, Rina. Unang uwi ko pa lang dito sa Pilipinas ay alam ko na. Ngunit hindi ko na lang sinabi sa’yo. Nang sinabi mo sa akin na masakit sa iyo sa tuwing iniiwan kita ay napagtanto ko na, iiwan lang kita kaya pababayaan na lang kita sa iba. Ngunit hindi ko nais na mapunta ka lang sa lalaking mananakit sa’yo,” pahayag ng binata.
“Ayokong bumalik ka sa akin dahil lang sa naaawa ka. Iba ang awa sa pagmamahal,” dagdag pa ng binata.
AdvertisementAlam ni Rina na sa pagkakataon na iyon ay siya naman ang kailangan ni Francis. Hanggang kaya niya ay nagpupunta siya sa ospital upang bantayan ito at alagaan. Madalas pagkatapos ng kaniyang klase ay tumutuloy na siya sa ospital upang makadalaw sa binata.
Isang umaga, habang nasa klase ay lumilipad ang isip ni Rina. Naisip niya ang lahat ng ginawa sa kaniya ng binata para patunayan ang pag-ibig nito kahit pa sa mga pagkakataon na ipinagpalit niya ito. Habang inaalala niya ang kanilang mga pinagsamahan ay hindi na napigilan pa ni Rina ang sarili.
“Mahal ko siya. Sa tagal nang panahon na naghahanap ako ng paglalaanan ng pagmamahal ay siya lang pala talaga ang laman ng puso ko!” sambit nito sa sarili.
Dahil sa kaniyang napagtatuan ay agad niyang binitbit ang kaniyang bag at dali-daling umalis sa klase upang magtungo sa ospital. Sa pagkakataong ito ay sasabihin na niya sa binata ang tunay niyang nararamdaman.
Ngunit pagdating niya ay nadatnan niya ang mga magulang ng binata na nag-iiyakan.
“Wala na si Francis, iha. Nahuli ka ng dalawang minuto,” sambit ng ina ng binata.
Halos napaluhod na lamang si Rina sa kaniyang narinig. Walang humpay ang kaniyang pagluha. Hindi niya akalain na sa ganito pala hahantong ang lahat. Lubusan ang pagsisisi ng dalaga sapagkat kahit ano ang gawin niya ngayon ay hindi na maririnig ng minamahal ang kaniyang tunay na nararamdaman para rito.