Isang Kahilingan ang Dapat Niyang Tuparin Para sa Anak; Matutupad Niya Kaya Kung Kapos Siya at Sumabay pa ang mga Bayarin

“Sherly, anong gusto mong regalo ni papa sa kaarawan mo? Dalawang araw na lang ‘nak oh, birthday mo na,” masayang kausap ni Ben sa anim na taong anak.

“Doon po sa peyborit kong fastfood, papa,” walang paligoy-ligoy na sagot ni Sherly.

“Sige kakain tayo doon sa birthday mo, anak,” wika ni Ben saka niyakap ang anak.

Silang dalawa na lang ni Sherly ang magkasama mula noong lumayas ang kaniyang asawang si Lyn at sumama sa ibang lalaki. Apat na taon na ang nakakalipas.

Hindi na nakayanan ni Lyn ang kahirapan sa piling niya kaya naghanap ito ng lalaking mas kayang ibigay ang luho nito. Hindi na rin pinigil ni Ben si Lyn.

Kung hindi na nga talaga ito masaya sa piling niya. Bakit pa niya ito pipigilan? Hinayaan na lamang niya ito kung saan ito mas magiging masaya.

Mula noon ay sinikap ni Ben na buhaying mag-isa ang anak na si Sherly. Madalas ay kasa-kasama niya ang anak kapag pumapasok siya sa trabaho, dahil wala naman siyang maipag-iiwanan rito.

Laking pasasamalat din niya dahil hindi mapili ang anak sa pagkain. Kung ano ang nasa hapag kainan ay kinakain nito. Kaya ngayong kaarawan nito ay nais naman niyang pakainin si Sherly ng masarap.

Advertisement

Mabilis na lumipas ang araw at kaarawan na nga ni Sherly.

“Papa, kakain po ba tayo sa peyborit ko?” Tanong ng inosenteng si Sherly sa ama.

Alanganing ngumiti si Ben saka tumango. “Opo. Mamaya kapag tapos na ang trabaho ni papa ay pupunta tayo roon at kakain ng masarap,” aniya.

Kahit ang totoo ay nag-aalangan siyang kumain ng mahal ngayon dahil nagsabay-sabay ang kaniyang mga bayarin.

“Yeah hey! Thank you papa,” masayang talon-talon ni Sherly.

Hahanapan na lang niya ng paraan. Basta ang mahalaga ay makakain si Sherly mamaya ng gusto nito.

Uwian na nila Ben at inabot na rin ng kaniyang amo ang kaniyang sahod sa loob ng kalahating buwan.

“Sir, pwede po bang huwag niyo munang bawasan ang utang ko? Kaarawan po kasi ng anak ko ngayon, sir. Gusto ko lang sanang pakainin si Sherly kahit sa simpleng kainan lang. Basta ang mahalaga ay maidaos namin ang kaarawan niya,” pakiusap ni Ben.

Advertisement

“Gano’n ba Ben?” Alanganing wika ni Jerry ang amo ni Ben. “Kaso Ben, naibawas na ni misis ang utang mo bago pa man niya iniabot iyan sa’kin.”

Agad namang lumungkot ang mukha ni Ben sa sinabi ni Jerry. Tinignan niya ang ibinigay nitong sahod. Isang libo na lang yon at kailangan pa niyang bayaran ang kuryente at tubig nila. Ano na lang ang matitira sa kaniya?

“Sige, boss. Salamat po,” walang magawang wika ni Ben at akmang aalis na kasama ang anak ng tawagin ni Jerry.

“Ben, pasensiya ka na ah. Ito oh,” abot nito ng limang daan. “Pandagdag ng handa sa anak mo,” anito saka nilingon si Sherly. “Happy birthday, Sherly. Ilang taon ka na?”

“Six na po,” sagot naman ni Sherly na may ngiti sa labi.

“Magpakabait ka ah,” bilin ni Jerry na agad namang tinanguan ni Sherly.

“Salamat po dito, boss. Malaking bagay na po ito,” mangiyak-ngiyak na wika ni Ben.

“Sige na. Mag-celebrate na kayo ng anak mo,” nakangiting ani Jerry sa kanila.

Advertisement

Gaya ng ipinangako ni Ben sa anak ay dinala nga niya si Sherly sa gusto nitong kainan at umorder ng pagkain na para lamang dito.

“Bakit walang para sa’yo, papa?” Takang tanong ni Sherly sa ama.

“Busog pa ako, anak. Sige na kumain ka na, huwag mo na akong alalahanin,” aniya at matamis na nginitian ang anak.

“Salo na lang po tayo papa,” wika ni Sherly saka itinulak ang pinggan palapit sa ama. “Hindi magiging masaya ang birthday ko kapag ako lang ang kakain nito. Marami naman po ito papa kaya salo na lang tayo,” ani Sherly saka nginitian ang ama.

Mangiyak-ngiyak na nginitian ni Ben ang anak. Bata pa si Sherly ngunit ramdam ni Ben na nauunawaan na siya nito. Mahirap lang siya ngunit ginagawa niya ang lahat upang mabuhay at mapasaya si Sherly.

Si Sherly ang buhay niya at ito ang dahilan kung bakit nagsisikap siya ngayon. Gusto niyang ibigay sa anak ang buhay na karapatdapat dito. Ngumiti si Ben saka tumango at sinimulang saluhan si Sherly.

“Masarap ‘no, papa?” Nakangiting tanong ni Sherly.

Agad namang tumango si Ben at matamis na ngumiti. Hinihiling na sana huwag nang matapos ang araw na ito.

Advertisement

Bilang isang magulang ay handa tayong magsakripisyo para sa mga anak natin. Hindi baleng wala sa’tin basta mayroon sila. Ganoon kahalaga ang mga anak sa mga magulang.