Iniisip Niyang may Ibang Babae na ang Kaniyang Asawa; Ngunit mas Higit na Kasuklam-suklam pa Pala ang Kaniyang Matutuklasan

“Magtapat ka nga sa’kin Andrew, may ibang babae ka ba ha?!” Asik na wika ni Jia sa asawa.

“Wala nga, Jia! Bakit ba ang kulit-kulit mo?! Paulit-ulit ko na lang sinasabi sa’yong wala akong ibang babae,” galit ring sagot ni Andrew.

“Kung gano’n bakit ganiyan ang pakikitungo mo sa’kin?”

“Pagod lang ako sa opisina, Jia. Bakit ba nahihirapan kang intindihin ang bagay na iyon?” Mahinahon ang wika ni Andrew, ngunit naroon pa rin ang pinipigilang inis.

“Kung ano man ang problema, pwede mo namang sabihin sa’kin ‘di ba? Asawa mo ako, Andrew, at hindi tauhan. Kaya kung ano man iyang dinadala mong problem—”

“Wala akong problema, Jia. Pagod lang ako.” Putol ni Andrew sa sasabihin pa sana ni Jia.

Ilang linggo na ring ganito ang kaniyang asawa. Darating sa bahay na mainit ang ulo at ayaw siyang kausap. Kaya minsan naghihinala na siyang may ibang babae ito kaya ganito ang pakikitungo sa kaniya.

Ngunit minsan din ay naiisip niyang baka nga pagod lamang ito sa maghapong pamamahala sa kumpanya nila.

Advertisement

“Ate, meron pong sulat na dumating,” wika ni Bebe ang katulong nila sabay abot ng sobre sa kaniya.

“Ano ‘to?” Takang kausap ni Jia sa sarili saka binuklat ang laman ng sobre at binasa.

Sulat iyon galing sa bangko, notice sa utang nilang matagal nang hindi nababayaran. Kailan pa sila nangutang sa bangko?

Nakasaad roon na malapit nang mahila ang kumpanya nila, kung hindi pa rin nila maibabalik ang perang nahiram.

Kinagabihan pagkarating ni Andrew ay agad niya itong kinausap tungkol sa natanggap niyang sulat.

“Bakit dito sa bahay ito pinadala…” naiinis na wika ni Andrew.

“Ano ang ibig sabihin niyan, Andrew?” Pinipilit ni Jia na pakalmahin ang sarili, kahit na ang totoo ay nais na niyang sumabog sa galit.

“Wala ito, Ji—”

Advertisement

“Sagutin mo ako nang maayos, Andrew! Ano ang ibig sabihin niyan? Paano ka nagkautang ng ganyan kalaki sa bangko at paanong nangyaring pati ang kumpanyang pinaghirapan nating dalawa ay malapit nang malugi?” Galit na niyang singhal.

Hindi malaman ni Andew kung ano ang gagawin at ano ang sasabihin sa asawang si Jia.

“Naalala mo ba noong sinabi kong mag-iinvest ako sa bagong business,” nahihirapang panimula ni Andrew. “Umutang ako no’n sa bangko ng limang milyon upang i-invest sa negosyong iyon.

Naisip kong mababawi ko rin naman agad ang halagang inutang ko at sobra-sobra pa ang balik sa’kin. Kaso gumuho ang mundo ko no’ng hindi na nagpakita pa ang investor na pinagkatiwalaan ko sa pera, Jia,” mangiyak-ngiyak na paliwanag ni Andrew.

“Na scam ako at wala akong nagawa. Nagpatulong na ako sa mga pulis ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila makita si Kris. Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ako naniwala sa payo mong huwag akong mag-invest sa kaniya dahil malabo naman iyong offer niya. Binilang ko agad ang maaani ko wala pa man akong naitatanim.” Umiiyak na wika ni Andrew sapo-sapo ang ulo.

“Tapos?” ani Jia.

Kailangan niyang marinig ang lahat ng paliwanag ni Andrew upang mas maintindihan ang lahat.

“Dahil sa depresyon ko doon sa limang milyon. Mas naging agresibo ako sa kumpanya natin. Gusto kong doon bawiin ang nawalang pera. Ngunit imbes na umunlad ay mas lalo akong nahulog, Jia.

Advertisement

Naniningil na ang Bangko at hindi ko na alam kung saan ko kukunin ang perang maipambabayad, kaya ang pera ng kumpanya ang pinagkukuhanan ko, hanggang sa mas nalubog ako sa utang sa hindi malamang dahilan,” humahagulhol na wika ni Andrew.

Sa nakalipas na ilang buwan ay ngayon pa lamang nagawang magsalita ni Andrew sa bigat na dinadala sa sariling kapalpakan. Umiiyak na rin si Jia dahil sa mga pinaghalong emosyon, inis at awa sa asawa.

“Alam mo bang sa t’wing malamig ang trato mo sa’kin ay napapaisip akong baka hindi mo na ako mahal kaya ka nagkakaganyan? Iniisip kong baka dapat na kitang iwanan dahil hindi na kita kilala.

Ngunit lagi ko namang ipinapaalala sa sarili kong may binitawan akong pangako noong ikinasal tayo at maliban pa roon ay ayokong magkaroon ng wasak na pamilya ang mga anak natin.” Tumatangis na wika ni Jia. “Ano pang silbi ko sa buhay mo Andrew kung hindi mo naman pala iniisip na ako ang katuwang mo sa buhay.”

“I’m sorry Jia,” nakaluhod na wika ni Andrew.

“Ang sakit-sakit isipin, Andrew na balewala lang ang opinyon ko para sa’yo. Pero alam mo ‘yong mas masakit?” Humihikbing sambit ni Jia. “Mas masakit iyong hindi kita kayang iwan, kahit alam naman nating karapat-dapat ka nang iwanan. Kasi nangako ako e. Nangako akong mamahalin kita sa saya at sa lungkot. Sa hirap man o sa ginhawa. Pipiliin pa rin kita kahit hindi ka na kapili-pili, Andrew,” humagulhol na wika ni Jia.

Tumayo si Andrew upang yakapin ang asawa. “Mahal na mahal kita Jia, patawarin mo ako kung hindi ako nagtiwala sa’yo. I’m sorry.”

Simula sa gabing iyon ay napagkasunduan nilang mag-asawa na magtutulungan ulit sa pagpapatakbo sa kumpanya nila.

Advertisement

Personal na pumunta si Jia sa bangko at nakiusap na bigyan sila ng isang taon pang palugit at ibabalik nila ang na utang na limang milyon. Pumayag naman ang bangko, bilang last chance.

Mula noong si Jia na at si Andrew ang namahala sa negosyo nila ay muling naging maayos ang financial status nito. Napaghati-hati ni Jia nang maayos ang kinikita ng kumpanya. Dahan-dahan na rin nilang naibabalik ang limang milyon na nautang noon ni Andrew sa Banko.

Minsan sa sobrang pagmamahal mo sa isang tao kaya kahit ayaw natin ay sinusunod natin ang gusto nila, gaya na lang ni Jia, na sinunod ang sinabi noon ni Andrew na manatili sa bahay upang alagaan ang mga anak nila.

Ngunit dapat niyo ring malaman na hindi lang kayo mag-asawa, magkaagapay at magkasangga rin kayo sa buhay. Hindi naman pwedeng kasama mo lang ang asawa mo sa saya at iiwan kapag mahirap na ang sitwasyon.

Ibigay ang buong tiwala sa asawa o partner niyo sa buhay. Sino ba naman ang dapat na magtulungan kung ‘di kayo lang.