Iniwan Siya ng Ina sa Mall at Hindi na Muling Binalikan; Nakakawasak ng Puso Pala ang Totoong Dahilan

“Mama, saan po tayo pupunta? Bakit binibihisan niyo po ako ng magandang damit?” Inosenteng tanong ng limang taong gulang na si Sarah.

“Ha? Ah, may lakad kasi tayo anak, pupunta kasi tayo sa magandang lugar. Gusto mo ba iyon?” Nakangiting tanong ni Elsa ang ina ni Sarah.

“Talaga po mama?” Hindi makapaniwalang sambit ni Sarah.

“Opo, kaya dapat maganda ang baby ko,” anito habang pinupusod ang buhok ng anak.

“Sarah, dalhin mo ang paborito mong toys, iyong bigay ni mama sa’yo no’ng nag-birthday ka,” dugtong ni Elsa.

“Bakit po mama? Balak ko kasing iwanan siya rito sa bahay. Pero kasi sabi ninyo dadalhin ko si Barbie, kaya dadalhin ko na lang po.”

Agad namang ngumiti si Elsa saka kinurot sa ilong ang limang taong gulang na anak. “Very good. Masunurin talaga ang baby ko.”

Lumipas ang ilang oras ay nasa mall na nga silang mag-ina. Masayang-masaya si Sarah, sa wakas naipasyal na naman siya ng kaniyang ina.

Advertisement

“Sarah, dito ka lang muna ah. Pupunta muna si mama sa banda roon,” kausap ni Elsa sa anak.

“Po? Bakit hindi niyo na lang ako isama, mama?”

Umiling si Elsa saka malungkot na ngumiti. “Bawal kasi ang bata roon, anak.” Pagdadahilan niya. “Ito anak oh, huwag na huwag mong wawalain ang sobreng ito ah. Kahit anong mangyari, Sarah, hinding-hindi mo bibitawan at iwawaglit ang sobreng ibinigay ni mama. Maliwanag ba, anak?” Mariing bilin ni Elsa.

Walang magawang tumango si Sarah. “Opo, mama. Basta mama, balikan niyo ako kaagad ah. Hihintayin po kita rito mama,” aniya saka yumakap sa ina.

“Mahal na mahal ka ni mama, Sarah, huwag na huwag mong kakalimutan iyan,” umiiyak na wika ni Elsa, saka iniwan si Sarah. Makalipas ang labing tatlong taon.

Iyon na ang huling beses na nakita ni Sarah ang inang si Elsa. Ang pangako nitong babalikan siya’y hindi nito nagawang tuparin, sa dahilang hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan kung bakit.

Nang mapansin ni Sarah na ilang oras nang hindi bumabalik ang ina ay nagsimula na siyang mag-alala. Nagsimula na siyang umiyak at humingi ng tulong sa mga taong dumadaan.

Isang babae ang nahingan niya ng tulong na siyang umampon sa kaniya dahil hindi na talaga muling nagpakita pa ang kaniyang ina.

Advertisement

“Sarah, ngayong nasa tamang edad ka na’y baka gusto mong malaman kung nasaan na ang tunay mong mama?” Tanong ni Veronica, ang kaniyang adopted mother.

“Ang totoo po talaga ay hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin kung bakit niya ako iniwan doon. Pero minsan naiisip ko pa rin po ma, kung karapat-dapat ko pa rin bang alamin ang totoo niyang dahilan? Maayos naman ang buhay ko sa piling ninyo ni papa at alam kong mahal na mahal niyo ako na parang tunay niyong anak,” ani Sarah sabay yakap sa ina.

“Pero isa iyon sa magpapakumpleto sa pagkatao mo, Sarah. Ang malaman kung ano nga ba talaga ang totoong nangyari sa tunay mong ina.” Malungkot na wika ni Veronica.Binuksan ni Sarah ang sobreng naglalaman ng isang pirasong papel, may nakasulat na Address at pangalan ng isang babaeng pamilyar sa kaniyang pandinig ang pangalan.

May kalakip rin na pera ang laman ng sobre at isang maiksing sulat na nagsasabing; Mahal na mahal ka ni Mama Elsa, anak. Babalikan ka ni mama, pangako.

Upang sundin ang ibinigay na payo ng kaniyang adopted mother na si Veronica, nagdesisyon si Sarah na puntahan ang address na nakasulat sa sobreng iniwan ng kaniyang mama sa kaniya labing tatlong taon na ang nakakalipas, upang hanapin si Emelia De Jesus.Nang marating ang probinsya ng Quezon, hindi naman siya nahirapang hanapin si Emelia De Jesus. Alkade kasi ang babae sa naturang lugar.

“Salamat sa Diyos at sa wakas ay natupad na rin ang matagal ko nang ipinagdarasal, hija.” Masayang bungad ng Alkalde sa kaniya. “Kay tagal ko nang hinihiling na sana man lang bago niya ako kunin ay pagtagpuin niya muna tayong dalawa. Marami akong dapat ipaliwanag sa’yo tungkol sa kapatid kong si Elsa, na siyang nanay mo,” ani Emelia.

“A-ano-ano po ba ang dapat kong malaman?” Nanginginig na tanong ni Sarah.

“Ang totoo Sarah, ay naglayas noon si ate dahil lagi siyang binubugb*og ng nanay namin. Dahilan upang mapadpad siya ng Manila. Mula noon ay wala na kaming naging balita pa sa kaniya.

Advertisement

Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang siyang tumawag sa’kin labing tatlong taon na rin ang nakakalipas. Tumawag siya upang aminin sa’kin na may malubha siyang sakit at malapit na siyang mam*tay.

Dala ng takot at awa ay agad kong sinabi sa ate na bumalik na lang dito sa probinsya at doon na magpagaling. Pumayag ang ate at ipinagpaalam kung maaari kang isama dahil walang mapag-iiwanan sa’yo.

Ngunit hindi pumayag ang mama namin, kaya walang nagawa si ate. Iniwan ka niya at walang ibang hiniling na sana mabubuting tao ang kukupkop sa’yo.

Lumaban ang mama mo Sarah, ninais niyang gumaling upang mabalikan ka at muling kunin. Ngunit talagang traydor ang kaniyang sakit at makalipas lamang ang anim na buwan ay binawian na rin si ate ng buhay.

Sinubukan kong ipahanap ka ngunit bigo ako. Ang tanging pinanghawakan ko lang ay iyong sinabi ni Ate Elsa, na darating ang araw at uuwi ka rito upang hanapin ako at heto nga’t narito ka sa harapan ko. Kaya walang paglagyan ang sayang naramdaman ko, Sarah,” napakahabang paliwanag ni Emelia, habang hindi mapigilan ang luhang nag-unahan nang dumaloy.

Hindi napansin ni Sarah na hilam na rin pala sa luha ang kaniyang buong mukha. Hindi niya alam na may malubhang sakit ang kaniyang Mama Elsa noon.

“Patawarin mo ang mama mo, hija. Hindi niya rin ginustong iwan ka. Ngunit kinailangan niyang gawin iyon upang labanan sana ang kaniyang sakit. Kaso nabigo siya anak,” tumatangis na wika ni Emelia.

“Saan po nakahimlay ang mama, Tiya Emelia?”

Advertisement

Agad namang sinamahan ni Emelia si Sarah kung saan nakahimlay ang labì ni Elsa.

“Mama, kumusta ka na po d’yan? Sorry po ah, kung ngayon lang kita nadalaw. Hayaan niyo mama hangga’t kaya ko ay palagi na kitang dadalawin rito,” umiiyak na pakikipag-usap ni Sarah sa puntod ng kaniyang ina.

“Mama, sorry din kung ngayon ko lang inalam ang buong katotohanan. Sorry kung nagtanim ako ng galit sa’yo. Sorry kung hindi ko man lang pinansin noon na may nararamdaman ka pa lang masakit sa katawan mo. Sorry po mama,” tuluyan nang humagulhol si Sarah.

“Mahal na mahal rin po kita, mama. Hindi niyo man po nagawang balikan ako noon gaya ng ipinangako niyo. Ngayong alam ko na ang lahat ay saka ko na-realize na ni minsan hindi niyo pala talaga ako iniwan,” dugtong ni Sarah. Minsan saka lang natin maiintindihan ang isang bagay kapag narinig na natin ang kabilang kwento. Laging may dalawang istorya ang bawat pangyayari.

Ngayong tuluyan nang nalaman ni Sarah ang totoo ay naramdaman niyang gumaan ang bigat na noon pa man ay dala-dala niya sa kaniyang puso.Tama ang kaniyang adopted mother na si Veronica, ang kwentong ito ang tuluyang magpapakumpleto sa pagkatao niya.