Halos Ibigay Niya na ang Lahat sa Kaniyang mga Kapatid; Mayroon ba Siyang Maaasahan Kapag Siya na ang Nangailangan?

Napabuntong hininga na lamang si Lassie nang makita ang mensahe ng kaniyang kapatid na si Alexa. 

“Ate, malapit na ang birthday ni Yumi, baka pwede naman magpadala ka ng kahit pang-cake lang.”

Namroblema si Leticia dahil sapat lamang ang budget niya para sa linggo na iyon. Ngunit ayaw niya din naman na magtampo ang kaniyang kapatid at ang kaniyang pamangkin. 

Kaya naman kahit nag-aalangan ay pinadalhan niya ang kapatid ng isang libo.

Konsolasyon niya na lamang ang masiglang boses ng kaniyang kapatid nang tumawag ito sa kaniya.

“Ate! Nakuha ko na ‘yung pinadala mo! Naku, maraming salamat ate, ha. Siguradong matutuwa si Yumi sa cake na ibibili namin sa kaniya!” tuwang-tuwang wika ng kaniyang nakababatang kapatid. 

“Walang anuman, Alex. Basta sendan mo ako ng maraming picture, ha?” wika niya sa kapatid.

“Oo naman, ate. Sayang kung malapit ka nga lang dito ay imbitado ka, eh,” sagot naman nito.

Advertisement

Ilang sandali lamang ay nagpaalam na ang kaniyang kapatid. 

Napabuga na lamang ng hangin si Leticia. Mukhang ngang kakailanganin niyang ipagpaliban ang pagpapakonsulta niya sa doktor.

Napapitlag siya sa muling pagtunog ng kaniyang cellphone. Isang mensahe naman mula sa kanilang bunsong kapatid na si Alma ang nakita niya.

“Ate, may mapapahiram ka ba sa akin kahit magkano lang? Nawalan kasi ng trabaho si Ramil kaya walang-wala rin kami ngayon.”

Sinipat ni Leticia ang laman ng kaniyang wallet. 

Nanlumo siya nang bilangin ang perang natira sa kaniya.

Kulang kulang dalawang libo na lamang ang naiwan doon, at pambili niya sana iyon ng gamot para sa kaniyang presyon lalo pa’t hindi siya makakadalaw sa doktor.

Nagtipa siya ng mensahe sa kaniyang kapatid. 

Advertisement

“Naku, Alma, hindi ba pwedeng sa ibang kakilala ka na muna manghiram? Pambili ko na lamang kasi ng gamot ang natitira kong pera. Kapapadala ko lang din kasi sa Ate Alexa mo kani-kanina lang,” maingat na pagtanggi niya sa kapatid.

Noong huling beses kasi na hindi niya ito napagbigyan ay ilang araw siya nitong hindi kinibo.

Ilang sandali ang lumipas bago siya nakatanggap ng sagot mula sa kapatid.

Kagaya ng inaasahan, naramdaman niya mula sa mensahe nito ang tila pagtatampo nito sa isa nilang kapatid.

“Lagi na lang si Ate Alexa ang napapagbigyan mo, ate. Paano naman kaming nangangailangan din?” puno ng hinanakit na sagot nito.

Agad na naalarma si Leticia. Ayaw niya kasi na nakakasamaang loob niya ang sinuman sa mga kapatid. Wala na kasi silang magulang, at alam niya na siya lamang ang sandigan ng pamilya ng mga kapatid niyang maituturing din na isang kahig, isang tuka.

Pikit matang pinadalhan niya ng isang libo ang nagtatampong kapatid.

“Bahala na,” usal niya nang iilang pirasong gamot lamang ang mabili para sa sarili.

Advertisement

Lumipas ang mga araw at patuloy na nagtrabaho bilang isang kasambahay si Leticia.

Wala naman siyang asawa at mga anak kung kaya’t halos lahat ng kaniyang sweldo ay napupunta sa kaniyang mga kapatid. Nagtitira lamang siya ng kaunti para sa kaniyang panggastos.  

Tiniis na lamang niya ang masamang pakiramdam, sa kadahilanan na wala siyang pampa-check up sa doktor at ayaw niya din naman lumiban sa trabaho dahil ayaw niya makaltasan ang kaniyang sweldo. 

Isang araw ay abala sa pagluluto si Leticia nang makaramdam siya nang mainding pagsakit ng ulo.

Sa tindi ng kirot ay tuluyan na siyang napaupo at sa nandidilim na paningin ay nakita niya na natatarantang dumalo sa kaniya ang kapwa niya kasambahay na si Melba. 

Ang nag-aalalang mukha nito ang kaniyang nakita bago siya tuluyang nilamon ng dilim. 

Dahan dahang iminulat ni Leticia ang kaniyang mga mata. Mabilis siyang napapikit muli nang masilaw sa liwanag na nagmumula sa puting ilaw.

Napagtanto ni Leticia na nasa ospital pala siya.

Advertisement

“Diyos ko! Mabuti naman at gising ka na!” narinig niyang sigaw ng babae na nakilala niyang si Melba, ang kaniyang katrabaho at kaibigan. 

“Ano’ng nangyari?” naguguluhang tanong niya dito.

“Halos magdadalawang linggo ka nang walang malay!” pagbabalita nito.

Nanlaki ang mata ni Leticia sa sinabi ng kaibigan.

“Naku! Malamang nag-aalala na ang mga kapatid ko!”

Una niyang tinawagan ang bunsong kapatid.

“Alma, pasensiya na at–”

Hindi pa man niya natatapos ang sinasabi ay bulyaw na ng nakababatang kapatid ang nagpasakit sa kaniyang tainga.

Advertisement

“Ate, ano ka ba naman? Ilang araw na kaming parang tangang naghihintay sa padala mo, naghihintay lang pala kami sa wala!” Galit na sigaw ng kapatid.

Napamulagat si Leticia sa sinabi nito.

“Alexa, nagkasakit kasi ako, at ilang linggo akong naratay sa ospital,” mahinahong pagpapaliwanag niya sa kapatid.

Bahagya itong kumalma ngunit bakas pa rin ang inis sa boses nito.

“Sana sinabi mo ate, para hindi naman kami naghihintay sa wala! Wala na akong load, ate, ibababa ko na ‘to!” Agad itong nawala sa kabilang linya bago pa man muling makapagsalita si Leticia.

Hindi naman napigilan ni Leticia ang mapaiyak. Hindi man lamang nito naisipang kumustahin ang kalagayan niya.

Sunod niyang tinawagan ang kapatid na si Alexa.

Bakas sa tinig nito ang pag-aalala ng ibalita niya dito na naratay siya sa ospital ng dalawang linggo.

Advertisement

Ngunit nang mapag-usapan nila ang bayarin sa ospital ay tila hinahabol ng multo sa bilis ang pagpapaalam nito. Marami pa raw itong kailangan asikasuhin para sa kaarawan ng anak na idadaos kinabukasan.

Mapakla na napangiti si Leticia. Ang mga taong ginawa siyang sandigan ay tila naglaho na parang bula nang oras na siya naman ang mangailangan.

Kaya naman mas lalong tinapangan ni Leticia ang kaniyang loob. Napagtanto niya na wala siyang ibang kakampi kundi ang kaniyang sarili. 

Matapos ang ilang buwan na pagtatrabaho ay nabayaran niya din ang kaniyang utang sa ospital.  

Tuluyan na din siyang naka-rekober mula sa kaniyang sakit kaya naman bumalik na ang lahat sa normal.

Madalas pa din siyang tumulong sa kaniyang mga kapatid sa abot ng kaniyang makakaya ngunit may isang bagay na nagbago.

Lagi niya nang inaalala na kailangan niya munang alagaan ang kaniyang sarili kung nais niyang alagaan ang iba.