Walang Tigil sa Pag-aanak ang Ginang na Ito, Natauhan Siya nang Sabay-sabay Sumuka ang Kaniyang Labing-isang Anak

“Diyos ko naman, Kaye! Buntis ka na naman? Hindi ka ba naaawa sa mga anak mo? Labing isa na ang anak mo, nagpabuntis ka pa ulit!” bulyaw ni Aling Rowena sa kaniyang anak, isang araw nang dalawin niya ito.

“Mama, masaya ang maraming anak. Saka, bakit ka ba nagagalit d’yan? Eh, ni piso nga, hindi ka nagbibigay sa akin. Kung makapagsalita ka, para bang ikaw ang nahihirapan magpalaki,” sagot ni Kaye sa kaniyang ina dahilan upang manggalaiti ito sa kaniya.

“Sumusobra ka na, ha?” sambit nito saka siya sinabunutan, “Pinagsasabihan lang kita, dahil kapag nagsilakihan ang mga ‘yan at sabay-sabay nang nag-aaral, baka magb*gti ka na lang sa hirap na daranasin mo!” dagdag pa nito saka naupo sa kaniyang tabi habang hinihingal-hingal dahil sa pananabunot sa kaniya. 

“E ‘di magbibig*ti na lang nga ako pag nangyari ‘yon,” biro niya dahilan upang sabunutan ulit siya nito, nagtawanan naman ang mga anak niyang nakasaksi nito. 

“Puro ka kalokohan! Kaya nagkandaloko-loko na rin ang buhay mo, eh! Trenta’y uno anyos ka pa lang, dose na ang anak mo! Pambihira ka!” sambit pa nito saka siya tinapik-tapik sa braso.

“Hayaan mo na ako, mama, pamilya ko naman ‘to, saka may trabaho naman ang asawa ko. Ang importante, masaya kami at nakakakain ng tatlong beses sa isang araw,” paliwanag niya dahilan upang mapabuntong hininga na lang ang kaniyang ina. Pinahawak niya ang bunso niya rito’t nagsimula nang magluto ng kanilang kakainin. 

Trese anyos si Kaye nang isilang niya ang panganay niyang anak. Doon pa lang, labis nang nag-alala ang kaniyang ina para sa buhay na kaniyang tatahakin. Labis man siyang pagsabihan at pangaralan nito, pasok sa tainga, labas sa kabila ang kaniyang ginagawa dahilan upang sumuko na ito sa kaniya.

Sa katunayan pa nga, muli siya nitong pinasok sa eskwelahan matapos niyang manganak. Ngunit imbis na mag-aral at magbagong buhay, muli na naman siyang nabuntis ng kaniyang nobyo na akala ng kaniyang ina ay hiniwalayan na niya.

Advertisement

Pilit man siyang ihiwalay ng kaniyang ina rito, pilit naman siyang bumabalik. Kung hindi siya uuwing bugbog sarado, uuwi siyang nagdadalantao dahilan upang labis na manlumo ang kaniyang ina. 

Sa kabutihang palad, nagsawa siya sa buhay na mayroon siya sa naturang binatang iyon. Nakipaghiwalay siya rito nang tangkain nitong kitil*n ang kanilang mga anak. ‘Ika niya, “Hindi ko kayang makasama habambuhay ang baliw na tulad niya.” 

Ngunit ilang buwan lang ang lumipas, muli na naman siyang nakahanap ng nobyo at muli na namang nabuntis. Ang lalaking ito na ang napagdesisyunan niyang pakasalanan hanggang sa umabot na sa labing isa ang kaniyang anak.

Kaya ganoon na lang ang pagkainis ng kaniyang ina nang malamang muli na naman siyang nagdadalantao. Bukod sa isang taong gulang palang ang bunso niyang anak, panglabing-dalawa na ang pinagbubuntis niya ngayon. Ngunit katulad dati, hindi niya pa rin pinakinggan ang ina. 

Noong araw na ‘yon, matapos niyang magluto, agad na niyang hinainan ang kaniyang mga anak at dahil nga sakto lang para sa kanila ang pagkain, minabuti na ng kaniyang ina na hindi makisalo. Tumulong na lang ito sa pagpapakain sa mga maliliit niyang anak.

Ngunit ilang oras lang ang lumipas matapos nilang pakainin ang mga bata, isa-isa nang nagsisukahan ang mga ito dahilan upang labis silang matarantang mag-ina.

Agad silang humingi nang tulong upang madala sa ospital ang kaniyang mga anak at doon na nga nila nalamang nalason ang mga ito sa pagkaing kinain.

“Anak naman, bakit hindi ka naman nag-iingat sa mga pinapakain mo sa anak mo?” kamot-ulong tanong ng kaniyang ina.

Advertisement

“Hindi ko naman alam, mama, mura lang binenta sa akin ‘yong baboy na ‘yon, eh, akala ko nakatipid na ako,” hikbi niya habang pinagmamasdan ang mga anak niyang nanghihina.

Nagkanda-utang utang sila upang mapagamot lang ang kaniyang mga anak. Doble-kayod ang kaniyang asawa upang mabayaran ang kanilang mga pagkakautang. Tumulong na rin ang kaniyang ina sa kanilang gastusin, nagtinda ito ng mga meryenda sa harapan ng kanilang bahay at ilang buwan lang ang lumipas, tuluyan na silang nakabayad sa pagkakautang. 

Doon na napagtanto ni Kaye na simula pa lang nang gusot na pinasok niya, binalaan na siya ng kaniyang ina sa kahihinatnan ng buhay niya at ngayong naghihirap na siya, laking pagsisisi niya kung bakit hindi niya ito pinakinggan.

“Wala na tayong magagawa, anak, hindi mo naman pwedeng ibalik sa sinapupunan mo ang mga bata. Ang gawin mo ngayon, maging matatag ka para sa kanila. Huwag mong hayaang matulad sa’yo ang mga anak mo at makakaasa kang habang nabubuhay ako, andito lang ako sa tabi mo,” nakangiting sambit ng kaniyang ina dahilan upang mapahagulgol na lang siya.