Inday TrendingInday Trending
Binalak ng Babae na Ipalaglag ang Anak Dahil Tinakbuhan Siya ng Boyfriend, Buti Nalang ay Biglang Dumating ang Mabait Niyang Bestfriend

Binalak ng Babae na Ipalaglag ang Anak Dahil Tinakbuhan Siya ng Boyfriend, Buti Nalang ay Biglang Dumating ang Mabait Niyang Bestfriend

Labing walong taong gulang si Kimberly nang magdalang-tao sa kanyang dalawang taon nang nobyo. Malaki ang problema niya dahil ayaw siya nitong panagutan.

“Masyado pa tayong bata. Hindi ko pa kayang maging ama diyan sa dinadala mo!” sigaw ng lalaki.

“Pero paano ito? Anong gagawin ko sa magiging anak natin?” lumuluhang tanong ni Kimberly.

“Ipalaglag mo na lamang iyan. Mas mabuti na iyon kaysa naman wala tayong ipagatas at ipalamon diyan,” seryosong sagot naman ng binata.

Hindi naman makapaniwala ang babae sa mga salitang binitawan ng kasintahan. Tunay ngang estudyante pa lamang sila at walang sapat na pera upang buhayin ang anak, subalit alam niyang mali na kumitil ng buhay.

Walang ibang matakbuhan si Kimberly kundi ang matalik na kaibigan niyang si Clark. Sa mga braso ng kaibigan ay ibinuhos ng dalaga ang mabigat na nararamdaman. Si Clark lamang ang makakauunawa sa sa pinagdaraanan niya ngayon.

“Anong plano mo sa magiging baby mo, Kim?” tanong ni Clark.

“Hindi ko alam. Gusto kasi ng boyfriend ko na ipalaglag ito. Doon malapit sa palengke ay may klinika daw na ilegal na nagtatanggal ng bata sa sinapupunan,” malungkot na tugon ni Kimberly.

“Pero hindi tama iyon. Biyaya iyan Kim! Hindi mo pwedeng kitilin na lamang ang buhay ng bata. Walang kasalanan iyan sa mundo,” nag-aalalang wika ng binata.

“Sobrang gulong-gulo na ako. Lagot ako sa mama at papa ko pag nalaman nila ito. Clark, natatakot na ako,” naluluhang saad naman ng dalaga.

Ilang araw siyang nag-isip at ilang gabi ding hindi nakatulog dahil sa kinakaharap na problema. Dumagdag pa ang nobyo niyang nahuli na naman na may ibang babae. Halos madurog ang puso niya sa sitwasyong kinalalagyan ngayon.

Pinili niyang hiwalayan na lamang ang kasintahan dahil ilang beses na itong ginagawa sa kanya. Ibinigay na niya lahat ng hiling ng lalaki, magtino lamang ito ngunit tila ba walang epekto iyon. Naiwanan lamang siya na mag-isa habang dala-dala ang batang hindi nila naiplano.

Wala na siya ibang mapagpipilian kundi ang ipalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Hangga’t hindi pa halata at hangga’t wala pang ibang nakakaalam ay kanya na lamang itong ipapatanggal.

Kinabukasan din ay nagpunta siya sa klinika kung saan ilegal na isinasagawa ang pagpapalaglag ng bata. Matindi ang takot na kanyang nadarama dahil bukod sa mali ay unang beses niya itong gagawin. Ito lamang din ang tanging solusyon na naiisip niya.

Ilang oras na siyang nakaupo doon. Mugtong-mugto na at namamaga ang kanyang mga mata dahil sa ilang oras na pag-iyak. Lalong tumitindi ang kaba niya dahil ilang oras na lamang ay sasalang na siya sa proseso ng aborsyon.

“Panginoon ko, patawarin Ninyo po ako. Ito lamang po ang solusyon na naiisip ko. Bigyan Ninyo po ako ng dahilan upang ihinto itong gagawin ko. Hirap na hirap na po ako..” taimtim na panalangin niya.

Maya-maya pa ay lumabas na ang nurse, “Ma’am Kimberly, kayo na po ang susunod. Maaari po bang mahiram ko muna ang inyong ID?” tanong ng nars.

Huminga ng malalim si Kimberly at saka hinanap ang ID niya. Sa kanyang paghugot ay nahulog naman ang isang card mula sa kanyang pitaka. Ito ay ang card na natanggap ng minsang magsimba siya kasama si Clark.

Sa isang bahagi ng calling card ay nakalimbag ang isang taludtod mula sa Bibliya na ganito ang sinasabi, “Huwag kang matakot, Ako ang iyong Diyos. Hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas. – Isaias 41:10”

Nang mabasa ito ni Kimberly ay bumuhos ang kanyang luha. Ramdam na ramdam niya ng mga oras na iyong na nangungusap sa kanya ang Diyos. Maya-maya pa ay biglang tumunog ang kanyang telepono.

“Kim, kumusta ka na? Nasaan ka? Hinahanap kita sa inyo pero wala ka naman doon,” nag-aalalang tanong ni Clark.

“B-bakit? May importante lamang akong nilakad,” tugon naman ng babae.

“Huwag mong sabihin na inituloy mo ang iminugkahi ng walanghiya mong ex?” galit na tanong naman ng kaibigang lalaki.

“Patawad..” iyan lamang ang tanging nasambit ng babae.

“Alam kong nahihirapan ka at alam kong masakit na lokohin ka ng dating nobyo mo, pero Kim mali ang gagawin mo. Huwag mong ituloy iyan! Parang awa mo na Kim,” pagmamakaawa ni Clark.

Ibinaba ng babae ang kanyang telepono at tumingin sa nurse. Habang pumapatak ang luha ay kanyang kinausap ito.

“Nurse, hindi ko na po itutuloy. Bubuhayin ko na lamang ang batang nasa sinapupunan ko,” madiing wika ni Kimberly.

Ngumiti na lamang at tumango sa kanya ang nurse. Kinuha niya ang bag niya at nagmamadaling lumabas ng klinika. Ipagtatapat na lamang niya sa kanyang magulang ang totoo at bubuhayin ang batang nasa sinapupunan.

Pagkabukas ng pintuan ay bumungad sa kanya ang hingal na hingal na matalik na kaibigang si Clark. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala at pagod galing sa pagtakbo.

“Ayos ka lamang ba? Itinuloy mo ba ha, Kim?” alalang-alala na tanong ng lalaki.

“Hindi.. hindi ko kayang kitilin ang buhay ng anak ko,” tugon naman ng dalaga.

Napangiti na lamang ang lalaki at saka niyakap ng mahigpit si Kimberly.

“Huwag kang mag-alala, tutulungan kitang buhayin ang magiging baby mo. Pananagutan kita para lumaki ang baby na may kinikilalang ama,” wika naman ng lalaki.

“A-ano bang sinasabi mo Clark? Naririnig mo ba ang sarili mo?” naguguluhang tanong ng dalaga.

“Hayaan mong ako ang kilalaning ama ng bata, Kim. Kung mararapatin mo sana, nais kong ako na lamang ang mag-alaga sa inyo ni baby. Pangako iingatan ko kayo,” nangingilid na luhang pahayag ng binata.

Sabay na umuwi si Kimberly at Clark sa bahay ng babae. Doon ay ipinagtapat nila na nagdadalang-tao ang dalaga. Ipinaliwanag ng binata na handa siyang pakasalan si Kimberly kapag sila ay nakatapos na. Handa din naman daw siya na managot sa mga magiging gastos para sa bata.

Noong una ay labis ang lungkot na nadama ng mga magulang ni Kimberly, ngunit pumayag din naman sila kalaunan. Mabait at masipag naman si Clark kaya hindi na sila nababahala sa magiging buhay ng anak na babae.

Mula sa pagiging matalik na magkaibigan ay nauwi naman sa pag-iibigan sina Clark at Kimberly. Bukas na puso pa rin niyang tinanggap at minahal ang babae ng buong-buo. Tulad ng pangako niya ay iningatan nga niya ito hanggang sa maisilang na ang sanggol.

Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal na rin ang dalawa. Si Clark ang kinilalang tunay na ama ng anak ni Kimberly at lubos naman ang kaligayahan na kanilang tinatamasa sa piling ng isa’t isa.

Mas lalong gumanda ang buhay ng babae at mas dobleng kaligayahan ang naihatid sa kanya ng maisilang na ang anak. Labis ang pasasalamat niya sa Diyos dahil alam niyang kinausap siya Nito sa pamamagitan ng isang card na nahulog mula sa kanyang pitaka.

Lubos ang kanyang pasasalamat dahil mayroon na siya mabait na anak at mapagmahal na asawa. Tama ang naging desisyon niyang buhayin ang baby, dahil ngayon ay napakasaya na ng kanyang buhay.

Advertisement