Inday TrendingInday Trending
Anniversary Nila Pero Nahuli Niyang May Ibang Tinatawagan ang Mister, Iyak Siya sa Matinding Ginawa Nito

Anniversary Nila Pero Nahuli Niyang May Ibang Tinatawagan ang Mister, Iyak Siya sa Matinding Ginawa Nito

Noong unang taon ng pagsasama ay tila ba pulot-pukyutan sa tamis ang pagmamahalan ng mag-asawang Victor at Isabel. Halos hindi sila mapaghiwalay at parati lamang nasa bisig ng isa’t isa. Araw-araw ay para bang selebrasyon ng araw ng mga puso.

Karamihan ng tao ay naiinggit sa kanilang relasyon dahil ang lahat sa kanila ay perpekto na. Parehas silang may ipon, nakapagpundar na ng bahay at lupa, at mayroon na ding sariling sasakyan.

Ilang taon pa ang lumipas subalit hindi pa rin sila nabibiyayaan ng kahit isang supling. Ang tila ba relasyon nilang sintamis ng pulot ay unti-unti nang tumatabang at dahan-dahang nagiging isang mapait na kapeng barako.

Kung anong ikinatamis ng pagsasama noon ay siya namang ikinatabang ng mga nangyayari ngayon. Halos araw-araw na silang nag-aaway at hindi nagkakaintindihan. Walang gustong magpatalo kaya’t ang simpleng away ay nagiging malala.

“Ano ba naman ‘tong ulam na ito? Hotdog at itlog na nga lang ang lulutuin mo, sunog pa!” reklamo ni Victor sa luto ng asawa.

“O bakit hindi ikaw ang magluto aber? Reklamo ka ng reklamo diyan, ikaw nga itong walang nagagawang matino dito,” galit na sagot naman ni Isabel.

“Sinasabihan lang kita dahil parang uling na ang kinakain ko. Lagi na lamang nagiging masama ang opinyon na ibinibigay ko sa’yo,” wika naman ng lalaki.

“Puro reklamo ka kasi! Akala mo naman kung sinong napakagaling na magluto. Bwisit!” sigaw ng babae habang nagdadabog.

Naging malamig din ang mga gabi nila. Ang noo’y halos araw-araw na maiinit na tagpo tuwing gabi ay nauwi sa talikurang pagtulog na lamang. Lahat ay nag-iba na sa kanila. Minsan ay napapahiling na lamang si Isabel na sana ay bumalik ang kanilang relasyon tulad ng dati.

Dalawang araw bago ang kanilang ika-anim na anibersaryo ay narinig ni Isabel na may kausap sa telepono ang asawa. Hindi siya mapalagay sa kaiisip kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang kanyang narinig.

“Oo. Magkita na lamang tayo. Magpapaalam ako sa kanya na may trabaho ako, pero magkita na lamang tayo sa baba ng opisina ko ha?” mahinang bulong ng lalaki sa telepono.

Napasimangot naman ang babae habang nakikinig sa sinasabi ng mister, “Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking ito. Nakuhang pang magkaroon ng kabit,” mahinang bulong ng babae sa sarili.

Nakaharap siya sa malaking salamin habang tinitignan ang itsura. Medyo tumaba siya ng kaunti, nagkaroon ng mga itim sa ilalim ng mata, may kaunting pamumutla sa kanyang mukha at hindi na nga siya kasing ganda tulad ng dati.

Naisip niya na baka kaya ayaw na sa kanya ng asawa ay dahil hindi na siya maganda. Napaiyak na lamang siya habang kinakaawan ang sarili. At mas lalo siyang naiyak nang maalala ang sinabi ng asawa.

“Baka mag-overtime ako sa work sa anniversary natin ha? Di ako makakauwi kaagad. Wag mo na akong hintayin. Babawi na lamang ako sa susunod,” malamig na saad ng lalaki.

“Okay.” iyan lamang ang tanging naisagot niya.

Sa araw ng ika-anim nilang anibersaryo ay maagang gumising si Isabel. Madali siyang naligo at sumulat ng isang liham. Nang mapansin na parang gising na ang asawa ay dali-dali naman siyang nagtago sa ilalim ng kama.

Hinanap siya ni Victor ngunit nanatiling nakatago sa ilalim ng kama ang babae. Hanggang sa madurog ang puso niya ng marinig ang reaksyon ng asawa sa liham na kanyang iniwan.

Victor,

Alam kong hindi na kaaya-aya ang aking hitsura. Alam kong hindi na ako kasing ganda noong una tayong magkita, pero nais kong malaman mo na ikaw lamang ang lalaking minahal ko at ang tanging lalaking mamahalin ko.

Napansin ko na iba ang ikinikilos mo nitong mga nagdaang-araw, kaya napunta ako sa konklusyon na mayroon ka nang iba. Lumayas na ako ng bahay upang bigyan ka na ng kalayaan. Sana ay maging masaya kayong dalawa.

Nawa ay mapatawad mo ako sa mga araw-araw na pagbubunganga ko. Sana ay mapasaya ka ng sobra-sobra ng bagong babae mo.

Nagmamahal,

Isabel

Matapos mabasa ang sulat ay kinuha ni Victor ang telepono at tumawag.

“Hello honey! Lumayas na ang magaling kong asawa. Puwede na tayong magsama ng masaya. Sa wakas ay malaya na ako!” masiglang niyang sabi sa kausap.

Napatakip naman ng bibig si Isabel habang lumuluha sa ilalim ng kama. Pinipigilan niya na makagawa ng kahit anong ingay kahit na sakit na sakit na ang kalooban.

“O sige. Pumunta ka na dito ngayon. Magpakasaya tayo dahil wala na ang bwisit at bungangera kong misis!” narinig pa ni Isabel na sabi ng mister.

Naligo si Victor sa banyo na nasa kanilang kwarto. Bahagyang sumilip si Isabel at nakitang nakabihis ng maganda habang naliligo sa mamahaling pabango. Magkahalong inis at lungkot naman ang nadama ng babae dahil pinaghandaan talaga ng lalaki ang pakikipagkita sa kabit.

Muling bumalik sa may sulok ng ilalim ng kama si Isabel at saka hinintay na makaalis ng kwarto ang asawa bago tuluyang lumabas muli sa pagtatago. Nang masiguro na nakaalis na si Victor ay dali-dali siyang lumabas at nagpagpag ng sarili.

Napansin niyang may tumigil na sasakyan sa kanilang tapat. Marahil ito na ang babae ng kanyang mister. Nagpatunog siya ng mga daliri, senyales na naghahanda na siya sa malaking away.

Handa na sana siyang makipagbakbakan sa kabit nang mapansin niyang may sulat sa likod ng liham na kanyang iniwan sa asawa. Kinuha niya ito at dahan-dahang binasa.

Dear Isabel,

Gusto ko lang malaman mo na lubos kong ikinaligaya ang sulat na iyong ginawa. Hindi dahil totoo lahat ng paratang mo kundi nalaman ko kung gaano mo talaga ako kamahal.

Nais ko lang din na malaman mo na nakikita ko ang paa mo na galaw ng galaw mula sa ilalim ng kama at kanina ko pa gustong humalakhak dahil sa mga pinaggagagawa mo. Huwag ka nang praning diyan at magbihis ka na para sa anniversary date natin!

Nang mabasa ko ang sulat at malaman na nariyan ka lamang sa ilalim ay kunwari akong tumawag para lalo kang inisin. Pero huwag kang mag-alala dahil wala din akong ibang babaeng mamahalin bukod sayo.

Napansin ko rin na nakikinig ka sa akin noong may kausap ako sa telepono. Kaya’t matapos ang tawag ay nagpanggap pa rin akong may kausap at sinadyang iparinig sa’yo lahat ng iyon upang hindi mo malaman ang hinanda kong surpresa para sa araw na ito.

Kahit na halos araw-araw ay paulanan mo ako ng sermon ay gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita at hinding-hindi kita ipagpapalit o iiwan para sa iba. Bilisan mo nang magbihis! Nag-iintay lamang ako dito sa baba.

Nagmamahal,

Pinakapogi mong asawa, Victor

Napaluha naman si Isabel habang nakangiti nang mabasa ang liham ng lalaki. Mabilis ulit siyang naligo at nagsuot ng napakagandang damit. Nag-ayos siya ng mukha ang muling nasilayan ang dating ganda na panandalian lamang nagkubli.

Manghang-mangha naman ang asawang si Victor nang makita ang maybahay na kumikinang sa ganda. Masaya nilang ipinagdiwang at sinalubong ang anibersaryo. Kumain sila sa paboritong restaurant at nanood ng sine.

Naging mainit din naman ang kanilang gabi at tila ba nabalik ang koneksyon na panandaliang nawala. Magdamag na gumawa ng pag-ibig ang lalaki sa kanyang asawa.

Makalipas ang dalawang buwan ay isang magandang balita ang kanilang natanggap. Nagdadalang tao na si Isabel sa una nilang supling. Labis na kaligayahan ang kanilang naramdaman dahil magkakaroon na sila ng munting anghel sa pamilya.

May mga araw pa rin na nagbubunganga si Isabel, ngunit tinatawanan na lamang ito ni Victor at nilawakan pa ang pang-unawa sa misis. Sobrang mahal na mahal niya ang babae at ang kanilang magiging anak na nalalapit nang sumilay sa mundo.

Advertisement