Feeling Hari ng Kalsada ang Kaskaserong Driver, Natauhan Siya nang Mabasa ang Sulat sa Kanya ng Kaibigang Pulis
Kaskas kung magmaneho ang taxi drayber na si Eugenio. Ito ay ang maling kanyang nakasanayan sa lumipas na ilang taon. Sa kagustuhang maagang makauwi at maka-boundary ay hataw siya kung magmaneho at tila ba hari ng kalsada pag hawak na ang manibela.
Dahil sa istilo ng pagmamaneho ay minsan na siyang nasangkot sa isang malalang aksidente. Madalas ay lagi siyang nahaharang at hinahabol ng mga pulis dahil sa dami ng violation niyang nagagawa.
Isang gabi habang siya ay buma-biyahe ay napansin niyang isang pang patrol na motorsiklo ang sumusunod sa kanya. Binilisan niya ang pagpapatakbo upang maiwasan ang humahabol na traffic enforcer, ngunit sa huli ay naabutan pa rin siya nito kaya’t napilitan siyang itigil na lamang ang sasakyan sa isang tabi.
“Badtrip naman! Paano ko na naman kaya lulusutan ito?” inis na bulong ni Eugenio sa sarili habang itinigil ang sasakyan sa tabi ng kalsada.
Bumaba ang traffic enforcer mula sa motor at nilapitan ang nakahintong taxi. Agad naman din na bumaba si Eugenio upang kausapin ang traffic enforcer.
“Sir, pasensya na talaga ha? Di ko kaagad kayo napansin eh. Ano po ba ang violation ko?” nagmamaang-maangan na tanong ni Eugenio.
Inalis ng traffic enforcer ang suot na helmet. Laking gulat naman ni Eugenio nang makita ang pamilyar na mukha ng pulis na nanghuli sa kanya. Ang traffic enforcer ay ang matalik na kaibigan pala ni Eugenio na si Rogelio.
Mula pagkabata ay malapit na ang dalawa sa isa’t isa. Tila ba tunay na magkapatid ang turingan nila noon. Halos hindi na nga mapaghiwalay ang dalawa, subalit nagbago ang lahat nang minsan mapa-barkada si Eugenio sa iba na masama ang naging impluwensiya sa kanya.
“Eugenio, akalain mo nga naman na ako pa ang nakahuli sayo,” nakangiting saad ni Rogelio, “Ayon dito sa record na hawak ko eh hindi ito ang unang beses na nagkaroon ka ng violation sa pagmamaneho ng sobrang bilis,” dagdag pa nito habang nakatingin sa hawak na papel.
“Rogelio, pare. Baka naman pwede nating pag-usapan ‘to? Nagloloko kasi itong kilometrahe ko eh. Kaya hindi ko namalayan na lagpas na pala ang takbo ko sa speed limit,” pagpapalusot naman ni Eugenio.
“Pasensya ka na Rogelio ha? Pero kasi malinaw na malinaw naman ang naging paglabag mo,” seryosong tugon naman ni Rogelio.
Napansin ni Eugenio na seryoso ang mukha ng dating matalik na kaibigan. Ramdam niya na hindi ito papayag na aregluhin na lamang ang sitwasyon.
“Pare, ang totoo kasi niyan eh naghahabol talaga ako ng oras ng byahe. Gusto ko kasi maka-boundary kaagad para makauwi ng maaga sa pamilya ko. Baka pwede naman na palampasin mo na muna ako ngayon,” pagdadahilan pa ng lalaki.
Lalo naman sumeryoso ang mukha ng pulis, “Maghintay ka na lang muna sa loob ng sasakyan at pag-iisipan ko,”seryosong sabi nito.
Habang nasa loob ng sasakyan ay agad na kinuha ni Eugenio ang lisensya at inihanda sakaling hindi siya makalusot sa huli ngayon. Makalipas naman ang ilang minuto ay kumatok sa bintana niya ang pulis.
Iniabot ni Rogelio sa taxi drayber ang isang nakatuping papel. Napakamot na lamang ng ulo si Eugenio dahil hindi siya nakalusot sa pulis na kilalang-kilala niya. Inabutan pa rin siya nito ng tiketa.
“Pambihira naman o. Gastos na naman ‘to,” sambit ng driver sa kanyang isipan.
Sinilip niya ang nakatuping papel at laking gulat niya na hindi ito tiketa sa nagawang violation bayolasyon kundi isang sulat mula sa pulis. Sa papel na ibinigay sa kanya ay nakasulat ang mga sumusunod:
August 8, 2018 – araw kung saan ay nakasagasa ka ng isang limang taong gulang na bata dahil sa sobrang bilis ng iyong pagmamaneho. Masyado kang nagmamadali na makakota sa boundary kaya’t hindi mo na napapansin ang mga tao na tumatawid at nakatayo sa iyong paligid.
Sobra ang takot sa iyong mga mata noong araw na iyon. Hindi ka makapaniwala dahil ikaw mismo at ang mabilis na pagpapatakbo mo ng sasakyan ang naging dahilan sa pagpanaw ng isang batang wala pang kamalayan sa mundo.
Nandoon ako ng mga oras na iyon, at tulad mo ay tumatangis din ako. Lubos akong nasaktan sa aking nasaksihan pero mas lalo akong nasaktan nang makita ko na ikaw, na dating matalik kong kaibigan ang nakasagasa sa pinakamamahal kong anak.
Nang mangyari ang insidente ay pinili kong iwasan ka munang makita. Ipinaubaya na namin sa batas ang mga mangyayari at ang magiging hatol sa’yo. Pinili namin na huwag na lamang ipaalam sa iyo na anak ko ang batang nabundol ng sasakyan mo.
Lumipas ang tatlong buwan at nakalaya ka dahil sa pagpipiyansa mo. Pinili ko na huwag ka nang sampahan pa ng mabigat na kaso, dahil hindi naman na din noon maibabalik ang buhay ng anak ko. Respeto na lamang din sa malalim na samahan natin noon.
Pero kahit ganoon ay labis ang sakit na nadarama ko, at mas lalo akong nasasaktan sa tuwing nababalitaan ko na nasasangkot ka sa paulit-ulit na bayolasyon. Sana naman ay may natutunan ka na sa napakasakit na pangyayari noon sa buhay natin.
Napatawad na kita sa kasalanang nagawa mo noon, pero tanging hiling ko lamang ay ang pagbabago sa kamaliang nakagawian mo. Isama mo ako at ang pamilya ko sa iyong mga panalangin, na tuluyang maghilom ang sugat na nagawa ng nakaraan. Nawa’y sa susunod na magtagpo ang landas natin ay hindi na muli sa ganitong paraan.
Dalangin ko ang kaligtasan mo at ng iyong pamilya. Huwag na huwag kang makakalimot sa Diyos katulad ng palagi mong paalala noong tayo ay mga bata pa.
Rogelio
Matapos mabasa ang sulat ay sinubukang habulin ni Eugenio si Rogelio, ngunit nang makababa na siya ng sasakyan ay nakaalis na ito. Nais sana niyang humingi ng tawad sa malaking kasalanan na nagawa niya noon,
Bumalik siya sa loob ng sasakyan at saka kinabig ang manibela. Bumalik siya upang hanapin ang kababata at kausapin ng puso sa puso. Natagpuan niya itong nakatayo sa may poste malapit sa lugar kung saan siya unang tumigil.
Mugtong-mugto ang mga mata ni Rogelio, bakas na lumuha ito ng matindi. Agad bumaba si Eugenio ng sasakyan at saka lumapit sa kababata.
“Alam kong mabigat ang kasalanan ko sa’yo at sa anak mo, pero nais ko pa rin na humingi ng kapatawaran sa pagkakamaling nagawa ko,” iyak ni Eugenio habang nakaluhod sa harapan ng kaibigan.
Unti-unti siyang tinulungan ng pulis na tumayo at saka marahang tinapik-tapik lamang ang balikat habang tumatango sa kanya. Matapos ang madamdaming tagpo ay bumalik na ng sasakyan ang driver.
Maingat siyang nagmaneho pauwi ng bahay. Habang hawak ang manibela ay nakaipit sa kanyang kamay ang liham na sinulat ng dating kaibigan. Patuloy ang pagtulo ng kanyang mga luha na nagsusumamo ng kapatawaran.
Mas naging maingat na magmula noon ang drayber sa pagmamaneho. Pilit niyang iniiwasan nang mangyari muli ang pagkakamaling nagawa. Patuloy pa rin niyang isinasama sa panalangin ang batang nawalan ng buhay dahil sa kanya, pati na rin ang buong pamilya nito.
Labis naman ang pasasalamat sa kanyang puso dahil nagawa pa rin siyang mapatawad ng kababata, bagama’t masakit, ay napili pa rin ni Rogelio na patawarin siya.