Inday TrendingInday Trending
Hindi Pinapakilala ng Babae ang Ama ng Batang Kaniyang Dinadala sa mga Kaibigan, May Mabigat na Dahilan Pala Ito

Hindi Pinapakilala ng Babae ang Ama ng Batang Kaniyang Dinadala sa mga Kaibigan, May Mabigat na Dahilan Pala Ito

“Naku! Usong-uso na talaga ngayon ang mga babaeng nagpapabuntis kahit ‘di pa kasal, nabalitaan niyo ba si Catherine? Buntis daw,” saad ng isang babae sa banyo.

“Naku di ko napapansin, tingnan ko nga mamaya ang tyan ni ate girl. Pero teka, sinong jowa?” tanong ng isa nitong kasama.

“Wala naman akong nakikitang jowa nun,” baling muli ng babae at nagtawanan ang dalawa. Lingid sa kanilang kaalaman ay nasa banyo rin si Catherine ng mga oras na iyon. Wala siyang lakas ng loob na lumabas at sugurin ang mga babae dahil baka makasama sa kaniya at sa batang dinadala. Hinaplos na lamang niya ang kaniyang tiyan at palihim na umiyak.

“Wag kang mag-alala baby, nandito lang si mama. ‘Wag ka makinig sa kanila,” bulong ng babae sa kaniyang isipan na hiling niya’y makarating rin sa batang kanyang nasa sinapupunan.

Matagal nang nagtratrabaho si Catherine sa opisinang pinapasukan at sikat sa kanila ang mga babaeng naanakan at mga kabit kaya sinumpa niya sa sarili niyang hindi siya mapapabilang sa mga iyon.

“Uy Catherine, sabihin mo na kasi sino bang jowa mo? Tiga-dito lang ba sa office natin?” tanong sa kaniya ni Bobby, isa sa mga kaibigan ng dalaga.

“Ikaw parang ‘di mo kami totoong kaibigan, bakit napaka-malihim mo dyan sa pagbubuntis mo e hindi ka naman namin iinsultuhin!” sigaw pa ni Jennifer, ang pinakamalapit sa dalaga.

“Huwag na kayong excited, basta sasabihin ko rin sa inyo ‘pag handa na ako,” baling ni Catherine sa mga kaibigan.

Halos limang taon na rin na walang karelasyon si Catherine, pero nabanggit naman nito sa mga kaibigan na may mga nanliligaw sa kaniya, ngunit wala siyang nabanggit na may nobyo na pala ito dahil nabuntis na nga ang babae.

“Teka, kahit clue lang. Kilala ba namin ito?” muling tanong ni Bobby.

“Naku naman! Basta nga! Kayo naman akala ko ba true friends kayo e ini-istress niyo lang kami ni baby oh,” sagot ni Catherine sabay hawak sa kaniyang tiyan. Mag tatatlong buwan na ang tiyan nito at nakikita na rin ang paglaki ng babae.

“Last na ito Catherine, alam na ba yan ng mga magulang mo?” seryosong tanong ni Jennifer. Hindi na nakasagot pa ang babae dahil napaluha na ito. Hindi pa rin kasi niya napapaalam sa mga magulang na buntis na siya, nasa probinsya kasi ang mga ito at mag-isa lamang na naninirahan ang babae dito sa Maynila simula noong nag-aral ng kolehiyo hanggang sa ngayon na ito ay nagtratrabaho.

“Kita mo na! May mali e, kasi kung wala sinabi mo na agad yan sa kanila!” wika ni Jennifer sa kaibigan at niyakap na lamang si Catherine para hindi na ito sumagot pa.

Simula noon ay tinigilan muna nila ang pangungulit sa kaibigan dahil baka makasama sa bata at nag-iintay na lang sila minsan ng magandang tyempo at naisisingit ang usapan kahit pa nga pabiro.

“Hello baby, kami ang mga the best ninangs mo! Sipa ka nga dali!” saad ni Bobby sa tyan ni Catherine habang hawak niya ito, anim na buwan na ang sangol at sumisipa na rin ito.

“Wala tulog pa siya, hindi pa siya active. Bigyan mo daw ang nanay ng maraming tsokolate para sumipa siya,” masayang sagot ni Catherine dito.

Naramdaman nila agad na good mood ang kaibigan kaya dali-daling tumayo si Jennifer at nagdala ng isang maliit na tsokolate at binigay iyon sa babae.

“Ito na ang mabilis mong ninang na maganda,” saad ni Jennifer.

“Mahaba-haba pa ang lunch break natin. Kumusta ka naman Catherine, mahal naming kaibigan?” tanong agad ni Bobby.

“Bumibili na ba kayo ni hubby mo ng mga damit?” nakangiting tanong ni Jennifer.

“Alam niyo bang may napanuod ako sa youtube tungkol sa panganganak, nakakatakot!” sagot ni Catherine sa dalawa. Akala nila ay magsasabi na ang kaibigan ngunit bigo parin silang malaman ang kasagutan tungkol sa misteryo ng lalaki. Kaya naman ginamitan na nila ito ng ibang paraan.

“Uy Jennifer baka naman magalit sa’tin si Catherine sa gagawin nating ‘to,” saad ni Bobby habang pinipigilan ang kaibigan. Sinusundan kasi nila ang babae sa pag-uwi dahil may umuugong na chismis na may kakitaan daw ang kaibigan tuwing pagtapos ng trabaho.

“Alam mo Bobby, yang si Catherine e parang kapatid ko na yan. Sa tagal ng pinagsamahan naming at ngayon lang yan naglihim sa’kin. Gusto ko lang naman malaman kung bakit e, mamaya dehado na pala siya e wala man lang siyang karesbak,” baling ni Jennifer sa kaibigan.

Hangang sa nakita na nga nila si Catherine at ang lalaking katagpuan nito. Agad na hinawakan ng lalaki ang tyan ng kaibigan ngunit napansin nilang nakayuko lang ang babae at tila hindi ito masaya. May inabot lang ang lalaki at umalis na rin, nakita nila ang mukha at sabay na nagsalita ang magkaibigan, “OH MY GOSH.”

Pumasok sa isang coffee shop ang dalawa at doon nakatulala lang, si Bobby na ang unang bumasag sa kanilang katahimikan.

“Ngayon alam ko na kung bakit ayaw niya sabihin,” wika ni Bobby.

“Kailangan nating sabihin na alam na natin. Sabihin na lang nating nakita natin sila nung lalaki at kailangan natin siyang mapa-amin kung paanong naganap ang relasyon ng dalawa,” pahayag ni Jennifer at sabay silang tumango sa isa’t-isa.

Kinaumagahan, saktong pagpatak ng alasingko ng hapon ay agad na tumayo ang dalawa sa mesa ni Catherine.

“Kidnap time! Sa amin ka muna ngayong uwian,” nakangiting pahayag ni Bobby habang winawagayway niya ang mga tsokolateng hawak.

“Naku ito na naman ang mga ninang mo baby, mukhang may pagtsitsismisan tayong bago,” sagot ni Catherine. Gawain kasi nilang magkakaibigan ang magpaiwan sa opisina para doon pag-usapan ang bagong mainit na topic sa opisina, minsan pa nga ay ini-istalk pa nila ang mga Facebook ng ibang nakakabwisit nilang katrabaho.

Pinag-isipang mabuti ni Jennifer kung paano sasabihin kay Catherine na hindi makaka-apekto sa bata.

“Catherine, hindi ka na namin tatanungin pa tungkol sa daddy ni baby. Nakita namin kayo kahapon at hindi mo kailangan magpaliwanag dahil mahal ka namin at tanggap ka namin. Nandito pa rin kami para sayo at hindi ka namin iiwan,” diretsong pahayag ni Jennifer. Napalunok ng laway si Bobby dahil hindi naman ganon ang napag-usapan nila.

“Aantayin naming ikaw mismo ang magkwento, pero ngayon gusto ko lang sabihin sa’yo na hindi ka namin kinakahiya at mahal ka parin namin! Lalo na si baby! Hindi ka nag-iisa dahil andito kami!” dagdag pa ni Jennifer at niyakap ang kaibigan. Yumakap na rin agad si Bobby kahit pa nga kinakabahan pa rin ito sa ginawa ni Jennifer.

“Sabi niya sa’kin ay matagal na raw silang hiwalay, at hindi sila kasal. Inistalk ko na rin ang mga Facebook nila at tinanong ko rin naman ang ilan niyang kaibigan at sinabing hiwalay na nga raw sila ng babae. Kaya nagulat na lang akong nalaman kong nagtrabaho lang pala sa ibang bansa at hindi ako ang una niyang niloko,” biglang bumuhos ang luha ng babae.

“Ayoko maging kabit at ayoko rin makigulo o magpa-ako ng responsibilidad sa kaniya. Ngunit nakiusap siyang kahit yung bata lang daw. Mali ba akong bigyan siya ng karapatan sa anak niya?” tanong ni Catherine habang umiiyak ang dalaga.

“Wag ka na umiyak, baka maka-apekto yan kay baby,” saad ni Bobby.

“Hindi mo kailangang magpaliwanag sa’min. Basta maayos ka, yun lang ang importante sa’min,” baling ni Jennifer sa kaibigan at muling nagyakap ang tatlo.

Si James ang tatay ng batang dinadala ni Catherine, matinik ito sa babae at kahit sila ang alam ay hiwalay na ang lalaki ngunit mabilis na nakarating sa kanila noong nakarang buwan ang tsismis na hindi naman talaga hiwalay at kasal pa nga ito. Kaya naman kahit gusto nilang awayin ang kaibigan ay mas pinili na lang nilang suportahan iyon.

Pinalaki ni Catherine mag-isa ang bata kasama ng kaniyang mga kaibigan na kinuha niyang ninang, at laking tuwa niyang hindi siya itinakwil ng kaniyang mga magulang. Sa huli, nagkamali man siya sa pag-ibig, naging bobo at kahiya-hiya man sa mata ng ibang tao, sinisigurado naman niya na magiging isa siyang mabuting ina.

Advertisement