Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Labis na Kagustuhang Pumuti ng Babaeng Ito, Sumubok Siya ng Iba’t-ibang Produkto; Sa Huli Labis ang Kanyang Pagsisisi

Dahil sa Labis na Kagustuhang Pumuti ng Babaeng Ito, Sumubok Siya ng Iba’t-ibang Produkto; Sa Huli Labis ang Kanyang Pagsisisi

Gustong gusto ni Maya na makapunta at makapagtrabaho sa Maynila dahil doon daw ay may klorin ang tubig at paniguradong puputi siya. Sa probinsya raw kasi ay nakakaitim na ang tubig, nakakaitim pa ang hangin kaya naman pinangako niya sa sariling sa Maynila siya magtratrabaho.

“Ma, tingnan mo si Abbygail ang ganda ng kulay! Kutis porselana! ‘Pag sa Maynila talaga naliligo paniguradong puputi,” saad ni Maya sa inang si Alicia.

“Nako, anak! May kasama nang gamot ‘yang ganyang puti,” sagot naman ng kanyang ina.

“‘Wag ka mag-alala, mama! Mas maputi ako diyan ‘pag ako nakapunta na ng Maynila,” saad ni Maya sa ina at saka tumingin sa binta ng kanilang alas.

“At pinapangako ko! Magiging artista ako, mama!” dagdag pa ni Maya tsaka ito umikot-ikot na sa salas.

Maganda naman ang dalaga, matangkad at balingkinitan ang katawan kaya nga lang ay wala na itong ginawa kundi ang magpaganda dahil sa pangarap niyang makapag-artista.

Noong ika-18 niyang kaarawan ay humiling siya sa kaniyang kuya na regaluhan ng pera dahil nais niyang magpakabit ng braces sa ngipin at nagtagumpay naman ang dalaga dahil nakabit agad ang bakal sa kanyang mga ngipin.

Hangang sa siya ay nakapagkolehiyo at mas lumala pa ito. Dahil uso ang contact lenses sa mga kaeskwela ay hindi rin siya nagpahuli kahit nga sa palengke niya lang nabili ang kaniya ay sumabay din ito sa uso at lahat na yata ng angulo ng kaniyang mukha ay nakuhanan na ng dalaga.

Sunod naman ay nabalitaan niya ang sabon na sikat na sikat sa kanilang lugar, may kamahalan ito dahil isang set ang bentahan kaya tinipid ng dalaga ang kaniyang baon para lang mabili ang sabon at pamahid sa mukha.

Dali-dali niya itong ginamit at kinuskos sa mukha, pagkagising niya kina-umagahan ay namumula ang kaniyang kutis at tila ba nasunog na longganisa ang kinalabasan ng kaniyang itsura.

“Anak, bakit ganyan ang mukha mo?!” gulat na gulat na tanong ni Aling Alicia sa dalaga.

“Mama, ganito raw talaga ang epekto nito, sabi noong pinagbilhan ko. Magbabalat daw muna ang mukha ko, tapos saka pa lang puputi,” sagot ni Maya sa ina habang halatang-halata na hapding-hapdi siya sa kaniyang mukha.

“Diyos ko, anak! Baka naman mukha mo lang ang pumuti niyan at mag mukha kang nabuhusan ng mainit na tubig sa ginagawa mo,” saad ng kaniyang ina.

“E ganito rin yung mga kaklase ko, masakit daw talaga sa umpisa tapos pagkatapos ay kikinis na!” sagot ni Maya.

Hinayaan nalang ng ale ang anak dahil sobrang hibang nito sa pagpapaputi kahit pa nga nasunog na ang mukha ng dalaga.

Hangang sa lumipas ang tatlong buwan.

“Letche! Hindi naman pala totoo ito! Punyemas kang sabon ka! Sinunog mo lang ako lalo,” saad ng dalaga sabay tapon sa sabon.

Ngunit hindi doon natigil ang dalaga dahil kung ano-ano pang sabon ang kaniyang sinubok ngunit hindi parin naman pumupusyaw ang kaniyang balat. Hangang sa nakapagtapos na siya ng kolehiyo at nakapagtrabaho sa Maynila.

“Maya, kaunti na lang e sisingilin na kita ng mas malaki sa tubig ha? Grabe ka maligo!” saad ni Yannah ang ka dorm ng dalaga sa Makati.

“Tsaka isa pa, kaunting ligpit naman sa mga sabon mo sa banyo! Ang dumi na tingnan,” dagdag pa nito.

“Hehe! Sige po ate, pasensya na po,” nakangiting sagot ng dalaga. Simula nang magtrabaho si Maya sa Maynila ay wala na itong inatupag kundi ang magpaputi.

Bumili ito ng ibat-ibang lotion, sabon, toner at kung ano-ano pang pamahid. Tatlo o apat na beses din ito kung maligo araw-araw at parating nakasuot ng long sleeves para daw manuot ang lotion sa balat niya at pumuti siya kaagad.

Lumipas ang isang taon at sobrang liit lang ng pinagbago ng kaniyang kulay, labis niya itong ikinadismaya dahil akala niya ay tubig lang sa Maynila ang kailangan niya at ilang pampaganda ngunit nasubukan niya na halos lahat ng produkto at nagmumukha lamang siyang mantikang naglalakad dahil sa kintab nang sunog ng kaniyang mukha.

“Hindi pwede ito! ‘Yong mga kapitbahay namin sa probinsya noong umuwi ako ay magaganda, makikinis at mapuputi na. Nasubukan ko na lahat pwera lang sayo! K*ngina mag-glu-gluta na ako!” saad niya sa sarili habang binabasa ang isang post sa Facebook tungkol sa turok ng gluta na mas mura kesa sa mga pinapagawa ng mga artista.

Isang libo bawat turok at puputi na raw siya agad sa loob ng isang linggo. Kaya naman agad na pinatos ng dalaga kahit nga wala na siyang na-iipon sa kaniyang sahod at kaunti nalang ang napapadala niya sa probinsya.

“Kuya, effective yan ha? Baka naman mamaya e peke ‘yan,” saad ni Maya sa lalaking magtuturok sa kaniya ng gluta.

“Class A ito mam, wag ka mag-alala. Tsaka parehas lang ang epekto nito sa mga ginagamit ng artista. Ang pinagkaibihan lang e mas mahal ‘yon dahil binabayaran na nila yung mismong tatak ng magtuturok,” pang-uuto pa ni kuya sa babae.

“Tama ka nga naman. O siya, sige simulan na natin ito! hehe,” baling muli ng dalaga.

Pagkaturok sa kaniya ng gamot ay para bang mahapdi itong dumaloy sa kaniyang ugat ngunit normal lang daw iyon. Masayang-masaya si Maya na umuwi sa kaniyang dorm at kinuhanan pa niya ang sarili para sa before and after glutathione post niya.

Pagkagising ng dalaga ay tila mainit ang kaniyang pakiramdam ngunit pumasok muna siya sa trabaho tsaka nagpaturok muli bago umuwi ng bahay.

“Kuya, normal lang ba na parang mainit po siya?” tanong ni Maya sa lalaki.

“Naku ma’am, iba-iba po kasi epekto sa mga customer ko pero baka ‘yan na po ang sensyales na kumakalat na ang gamot sa dugo niyo,” sagot sa kaniya ng lalaki.

Isip-isip ng dalaga ay ayos lang dahil pagkatapos naman nito ay isa na siyang maputing Maya.

Sa pangalawang araw ay hindi na matiis ni Maya ang init na nararamdaman dahil para na siyang nilalagnat sa loob, mainit na mainit din ang likuran niya kaya naman sinilip niya ito.

“Ate Yannah! Tulong! Dalhin mo ako sa ospital!” sigaw ng dalaga sa banyo. Pagtingin ni Maya sa kaniyang likuran ay sunog ito at nagtutuklapan ang balat, napapansin din niyang namumula na ang kaniyang mga braso at nagsisimula na rin itong mabalatan. Humahagulgol sa iyak ang dalaga.

“Dahil nabanggit niyo po na nagpaturok kayo ng gluta, mukhang iyon po ang naging sanhi ng matinding pagkasunog ng inyong balat. Isa po iyan sa nagiging resulta ng mga pekeng glutathion, tinatawag po iyang toxic epidermal necrolysis. Sa madaling sabi, naimpeksyon po ang balat niyo at dahil dumaan ito sa inyong ugat kaya naging mabilis ang epekto,” paliwanag ng doktor kay Maya.

Walang nagawa ang dalaga kundi ang umiyak, umutang pa siya sa katrabaho para lang makapagpagamot. Hinanap din niya ang lalaking nagturok sa kaniya ngunit hindi na niya ito mahagilap pa.

Pagkatapos niyang magamot ay natakot na si Maya na sumubok ng kahit na anong produkto. Magmula noon ay sinimulan niya na lamang tanggapin at mahalin ang sariling kutis. Napagtanto niya rin na hindi nakakabawas ng kanyang kagandahan ang kanyang pagiging morena.

Advertisement