Inday TrendingInday Trending
Nahulog ang Loob ng Barker na Ito sa Magandang Suking Pasahero; Magkakalakas-Loob Kaya Siyang Ligawan Ito?

Nahulog ang Loob ng Barker na Ito sa Magandang Suking Pasahero; Magkakalakas-Loob Kaya Siyang Ligawan Ito?

Sa wakas, nagkatrabaho na rin ang matagal nang nakatambay na si Kael. Ipinagmalaki niya sa kaniyang pamangkin ang trabaho niya.

“Humahalik sa mga palad ko ang mga naging pangulo at bayani ng Pilipinas. Kapag nahulaan mo ang trabaho ko, bibilhan kita ng paborito mong pagkain na spaghetti at chicken,” saad ni Kael sa kaniyang pamangkin.

Kaya naman napasubo siya nang sa kaniyang pag-uwi mula sa trabaho, tumpak ang hula ng kaniyang pamangkin.

Isa siyang barker o tagatawag ng mga pasahero para sa mga sasakyan. Mas mainam kaysa naman sa patambay-tambay lamang siya, hindi ba?

Masasabing masaya naman si Kael sa kaniyang bagong trabaho. Marami na rin siyang nakilala. Matanda, karamihan. Mga laging prayoridad. Mga estudyanteng kalog. Nakikipagbolahan pa sa kaniya kung minsan. Hindi rin niya maiwasang hindi mapatingin sa ilang mga magagandang pasahero, lalo na kung mabait at magalang.

Dito niya nakilala ang unang babaeng nagpatibok ng puso niya. Si Lailanie.

Estudyante si Lailanie sa isang prestihiyosong pamantasan sa Maynila. Balingkinitan ang pangangatawan. Morena, mabango, mahaba ang buhok, at nasa ikatlong taon ng pag-aaral sa kolehiyo sa kursong Psychology.

Kaya lang, s’yempre, inatake siya kaagad ng katorpehan. Alam naman niyang sa mga kagaya niyang itinuturing na mababang antas ang kaniyang trabaho, tiyak na pagtataasan lamang siya ng kilay ng lahat kapag tinangka niyang ligawan ang isang kagaya ni Lailanie.

Ang totoo niyan, ni hindi naman niya tinanong ang pangalan at kurso nito. Salamat na lamang sa ID na laging nakasabit sa leeg nito kapag pumapasok ng paaralan. Buti na lamang at marunong siyang bumasa; salamat sa mga guro niya noong hayskul. Hanggang hayskul lamang dahil hindi naman siya nakatuntong sa kolehiyo, kagaya ni Lailanie.

Hindi nagtagal at nagkalakas-loob si Kael na kausapin si Lailanie. Kinakausap niya ang dalaga kapag may pagkakataon. Madalas niyang nakakatabi ay babae. Siya yata ang barker kaya siya ang masusunod kung saan dapat pumuwesto ang mga pasahero sa loob ng jeep. Baka madagit pa ng iba, aba’y makabubuting bantayan na niya, sa loob-loob niya.

Sa tuwing makikita niya si Lailanie, agad siyang humaharap sa side mirror ng jeep at aayusin ang kaniyang buhok, na sa totoo lamang ay walang kasuklay-suklay. Naisip niya, mukha na nga siyang ‘tukmol’, hindi pa ba siya mag-aayos ng sarili?

Araw-araw inaabangan ni Kael si Lailanie. At masasabi niyang kaya rin niya natiis ang trabahong ito ay dahil sa kaniya.

Akala niya ay lubusan na niyang nabantayan si Lailanie.

Hindi pala siya nakasisigurong walang lalaking tatabi rito sa paaralan.

Sa pagpapasakay ng mga pasahero sa jeep, siya ang masusunod. Pero pagbaba nito sa jeep, hindi na niya kontrolado ito.

Napag-alaman niyang may nobyo na pala si Lailanie.

Bumagsak ang kaniyang mga balikat nang malaman ito.

“’Tol, sa tingin mo ba, ang isang kagaya mo ay papatulan ng babae? Sa mundong ito, ang mga kagaya natin, hindi pinipili…ano bang mapapala nila sa atin?” sabi sa kaniya ng kasamahang barker.

“Bakit, tao rin naman tayo ah… pare-pareho lang naman tayong kumakain, natutulog, umiihi, umuutot, dumudumi… magkakapantay naman tayong lahat.”

“Tama ka naman ‘tol, pero kung ikaw nga ang lumagay sa sitwasyon. Halimbawang magka-anak ka, inalagaan mo, ibinigay mo ang lahat para mapabuti ang buhay, tapos liligawan ng isang kagaya natin na hindi pa nga yata kayang bumuhay ng pamilya, papayag ka ba?”

Naisip ni Kael, may punto naman ang kasamahan.

Bakit nga ba hindi niya ipinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo?

Kasi inunahan siya ng pagbabarkada. Nahirati siya sa pagbubulakbol.

Pagkaraan ng apat na buwang pakikisama sa iba’t ibang lahi ng mga pasahero, napagdesisyunan niyang itigil na ang pagbabarker. Pakiramdam niya ay walang malinaw na pupuntahan ang kaniyang ginagawa. Mabuti pa ang mga jeep. Alam kung saan ang terminal at pabalik. Siya, walang katiyakan ang ginagawa niya. Gayunman, nagpapasalamat pa rin siya dahil nagkaroon siya ng pagkakataong lumubog at makinig sa angal ng sikmura ng kapwa mahirap. Sa amoy ng patang katawan ng lansangan. Sa malagkit na pawis sa maghapong pagkakabilad sa tindi ng init at biglang buhos ng ulan.

At lumipas ang apat na taon…

Pinahulaan ni Kael sa kaniyang pamangkin ang magiging bago niyang trabaho, matapos ang apat na taong pag-aaral at pagtatapos sa kolehiyo.

“Obvious naman Tito, ang natapos mo sa kolehiyo ay Nursing kaya magiging nurse ka!” sabi ng kaniyang pamangkin na malaki na pala at hindi na niya mabobola.

Masayang-masaya si Kael para sa kaniyang sarili. Isa na siyang nurse ngayon at kung mabibigyan siya ng pagkakataon, nais niyang pasalamatan ang naging inspirasyon niya upang mas mapabuti pa niya ang sarili at maabot ang kaniyang mga pangarap.

Si Lailanie. Si Lailanie na may asawa’t mga anak na.

Salamat dahil sa kabilang banda ay naipamukha sa kaniya ang isang malaking katotohanan ng buhay, kaya heto siya ngayon, may tinatahak. May direksyon na.

Advertisement