Inday TrendingInday Trending
Matamis na Oo ang Isinagot ng Dalaga sa Kaniyang Nobyo Kaya Naman Naghanda na Sila Para sa Kasal; Bakit Tila Nagbalik sa Realidad ang Dalaga?

Matamis na Oo ang Isinagot ng Dalaga sa Kaniyang Nobyo Kaya Naman Naghanda na Sila Para sa Kasal; Bakit Tila Nagbalik sa Realidad ang Dalaga?

“Ang singsing na ito ay tanda ng aking pagmamahal at mga pangako, hindi kita iiwan, poprotektahan kita at aalagaan habang buhay. Magiging tapat sa’yo at laging ikaw lamang. Mahal na mahal kita.”

Mga katagang sinambit ng binata bago nito isuot ang singsing sa kanyang kapareha. Kasabay na ipinikit ni Alondra ang kanyang mga mata at dinadama ang bawat katagang kanyang narinig at naalala ang kanilang nakaraan.

“Mahal, tingin ka na dito para makuhanan na kita, ang ganda pa naman ng tanawin,” masayang pahayag ni Tristan.

Agad namang tumingin si Alondra sa camera at ngumiti. Masayang kinukuhanan ng binata ang dalaga, minsa’y kapag may nakikita silang turista rin sa lugar ay napapakiusapan nila itong kuhanan sila nang magkasama.

Nasa Boracay ngayon ang dalawa upang ipagdiwang ang kanilang ika-7 na anibersaryo. Lingid sa kaalaman ni Alondra ay nakapagplano na rin ang kanyang nobyo na mag-propose dito para sa bagong yugto ng kanilang relasyon. Hiningi na ang kamay ng dalaga sa kanyang mga magulang at wala itong pagtutol at taos pusong tinanggap ang binata.

Naka-ayos na ang lahat, napagpasyahan ni Tristan na gawin ang proposal sa tabing-dagat. Nang mga oras na iyon walang kaide-ideya si Alondra, ang alam lamang niya ay kakain sila sa mga oras na iyon. Habang papalapit sa lugar, piniringan ng binata ang dalaga.

“Anong pakulo ‘to at kailangan mo pang takpan ang mata ko?” pahayag ni Alondra.

“May sorpresa ako sa’yo, mahal. Kapag bilang kong tatlo alisin mo na ang piring mo.”

Masayang pahayag ng binata. “Isa, dalawa, tatlo.”

Pagkaalis ng piring sa mga mata ni Alondra ay kasabay ng pagtugtog ng kanilang paboritong kanta. Napalibutan ng mga palamuti ang paligid, namangha ito sa kanyang nakita. Hanggang sa dumapo na ang kanyang tingin sa lalaking nakaluhod sa kanyang harapan.

“Happy 7th Anniversary Mahal, salamat at napagtiyagaan mo ang isang tulad ko. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na nandito ka sa piling ko. Tulad ng lagi kong sinasabi sa’yo, walang magbabago kahit pumuti na pareho ang buhok natin. Mahal na mahal kita! Handa na ‘kong tahakin ang bagong yugto sa buhay ko ngkasama ka, hahayaan mo ba kong makasama ka?” lintanya ni Tristan.

Napuno ng kasiyahan ang puso ni Alondra. Sa labis na kaligayahan, hindi niya mapigilan ang kanyang mga luha. Umiiyak na tumango ang dalaga at ibinigay ang kaniyang kamay.

“Handa ako, basta ikaw ang kasama ko sa pagtahak sa bagong yugto.”

Pagkasuot ng singsing, agad na dinaluhan ng matamis na halik ni Tristan ang babaeng kaniyang pakakasalan. Naging masaya ang mga sumunod na araw na pananatili nila sa Boracay. Alaala na mababaon nila hanggang pagtanda.

Masayang inanunsiyo ng dalawa ang kanilang nalalapit na kasal sa kanilang malalapit na kaibigan, masaya ang mga ito para sa kanila. Naging abala ang dalawa sa pag-aasikaso sa kanilang kasal hanggang sa dumating na ang tinakdang panahon.

Kinakabahan na nag-aabang ang dalaga sa loob ng sasakyan naghihintay na lamang ito ng anunsiyo para sa kanyang paglabas. Hanggang sa kumatok na ang kanyang ina sa pagdating ng kaniyang sasakyang maghahatid sa kaniya sa simbahan. Agad na lumabas si Alondra at mangiyak-iyak na naglalakad hindi ito makapaniwala.

Pagmulat ng mga mata ni Amanda, bumalik ito sa realidad. Masigabong palakpakan ang namamayani sa buong paligid, masasayang mukha ng mga taong dumalo sa kasal. Napangiti ang dalaga sa kaniyang pagbabalik-tanaw at pagpatak ng luha sa kanyang mga mata.

Hindi pala siya ang ikinasal. Masyadong naglakbay ang kaniyang diwa.

Kung nabuhay lamang sana si Tristan. Sana ay matagal na silang mag-asawa.

Nakatulala lamang na tinitignan ni Alondra ang kaibigang ikinasal na suot ang kaniyang trahe de boda Matapos batiin ni Alondra ang bagong kasal at makakain sa reception, umalis agad siya upang puntahan ang kanyang minamahal na si Tristan—sa puntod nito. Limang taon na ang lumipas simula nang maganap ang malagim na trahedya.

Hanggang ngayon, sariwa pa rin sa alaala ni Alondra ang lahat, ang dapat na masayang araw ng kanilang buhay ni Tristan ay naging isa sa mga pinakamalungkot na araw nito.

Papunta na sana sa simbahan si Tristan ngunit hindi na ito nakaabot dahil sinalpok ito ng isang bus at traktora. Pumagitna ang sasakyan ni Tristan sa dalawang higanteng sasakyan.

Gumuho ang mundo ni Alondra nang marinig ang balita. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap, mawawala ang taong mahal niya.

Kailangang tanggapin ang realidad na ang lahat ay bahagi na lamang ng matatamis na alaala. Hindi ito sa haba ng panahong pinagsamahan kasama ang mahal mo, kundi sa kalidad ng pagsasama na pinagsaluhan habang buhay pa sila.

Ngunit ganoon nga talaga… alam niya sa puso niya na kahit wala na si Tristan, mananatili itong buhay sa kaniyang isip at puso, at makakilala man siya ng ibang lalaki, hinding-hindi ito mawawala dahil may espasyo na ito sa kaniyang buhay.

Advertisement