Binalak na Paghigantihan ng Lalaki ang Nobyang Nanloko sa Kaniya; Maisakatuparan Kaya Niya Ito?
“A-ano?!”
Parang malakas na bomba na sumabog sa tainga ni Efraim ang narinig na balita sa kausap niya sa selpon kaya agad niya yong binitawan at napahagulgol.
“B-Bakit…bakit Gennie? Bakit mo iyon nagawa sa akin?” tanong niya sa sarili habang walang patid ang daloy ng masaganang luha sa mga mata.
Walang kasing sakit ang natuklasan niya, ang kasintahan niyang kasalukuyang nagtatrabaho bilang flight stewardess sa Amerika ay may ibang karelasyon. Nagpakasal sa ibang lalaki ang nobya niya. Ipinagpalit siya nito sa isang Pilipino rin.
“Bakiittt!”
Sabik pa naman siya pagbabalik ng nobya sa Pilipinas. May balak na kasi silang magpakasal. Nakaplano na ang lahat tapos malalaman lang niya na hindi na pala iyon matutuloy. Sa kasamaang palad ay inagaw ng kung sinong mang-aagaw pusong lalaki ang babaeng minamahal niya.
“Sampung taon. Sampung taon pala akong umasa sa wala, pare,” wika niya sa matalik niyang kaibigan na si Jeff.
“Anong balak mo ngayon, pare?” tanong nito.
“Hindi puwedeng ako lang ang nasaktan. Gaganti ako, pare. Gaganti ako,” sagot niya sa nagngangalit na tono.
“Pero paano mo naman iyon gagawin? Nasa malayo siya, narito ka sa Pilipinas? Huwag mo nang gawin iyan, kalimutan mo na lamang ang babaeng iyon,” payo ng kaibigan.
“Ano? Sa lagay ba ay ganoon na lang iyon? Hindi ako papayag na na maging masaya siya samantalang ako ay nagdurusa. Magbabayad si Gennie sa panloloko niya sa akin, isinusumpa ko iyan,” sabi pa ni Efraim sa kausap.
Mula nang malaman ang tungkol sa kasintahan, nilamon ang sistema niya ng pangyayaring iyon. Nabalda pati ang propesyong pinagbubuhusan niya dati ng panahon. Ang sinumpaang niyang propesyon, ang pagiging manggagamot ay unti-unti na niyang napapabayaan.
“Jackie, pag may pasyenteng dumating, sabihin mong wala ako ha?” aniya.
“Opo, doc,” sagot naman ng assistant niyang nars.
May mga kaibigan din nagpapayo, nagpapaalala sa kaniya na mag-move on na at kalimutan na ang nangyari ngunit ang lahat ng iyon ay binabalewala lang niya.
“Makinig ka naman sa amin, marami pang babae riyan, pare,” sabi ng isa sa mga malalapit niyang kaibigan.
“Natalo ka na, lalo ka lang nagpapakalugmok sa ginagawa mong iyan sa buhay mo,” wika pa ng isa.
Partikular na nagbibigay sa kaniya ng unsolicited advice ay ang mga kaibigan at kakilalang walang ibang bukambibig kundi ipasa-Diyos na lang ang nangyari.
“Ganoon na lang ba lagi? Bakit siya ba, naisip niya ang Diyos nang walanghiyain niya ako?” aniya sa galit na tono.
“Hindi ka matatahimik hangga’t hindi mo kinakalimutan ang nangyari. Wala na tayong magagawa roon, ang mahalaga ay ayusin mo ang sarili mo, bumangon ka dahil hindi natatapos sa pagkabigo ang buhay mo,” payo ng matalik niyang kaibigan na si Jeff.
“Matatahimk lang ako kapag nakaganti na ako,” tugon niya.
Napapailing na lang ang kaibigan niya sa tinuran niya.
Isang araw, mula sa kung sino, nakatanggap siya ng balitang umuwi na ang dating kasintahan mula sa Amerika kasama ang napangasawa nito.
“Heto ang address, puntahan mo para mapatunayan mong hindi ako nagsisinungaling,” wika ng kausap niya sa selpon.
Umayon pa ang pangyayari sa kaniya dahil ang address na ibinigay sa kaniya ay di kalayuan sa ospital na pinapasukan niya. Tama nga ang tumawag sa kaniya, naroon nga si Gennie. Nakita niya ito na nasa labas ng gate.
“Kung gayon ay narito ka na pala. Isinusuong mo lang ang sarili mo sa paghihiganti ko, Gennie,” bulong niya sa isip.
Nang malaman na nagbalik na ang dating kasintahan, umisip siya ng mga hakbang at plano sa unti-unting pagwasak sa buhay ng nagtaksil na nobya.
“Maglulupasay ka sa harap ng Diyos sa gagawin ko sa iyo, pero hindi ko dudungisan ang mga kamay ko sa isang talipandas na tulad mo,” galit na galit na sambit niya sa sarili.
Gaganti siya sa paraang alam niyang malinis.
Ngunit isang araw, umamba ang pagkakataon para maisakatuparan ang kaniyang balak. ‘Di inasahang naaksidente ang sinasakyang kotse ng asawa ni Gennie. Naganap iyon ‘di kalayuan sa pinapasukan niyang ospital. Siya ang naka-assign na tumingin at magsagawa ng operasyon sa lalaki. Pagkakataon na niya upang gantihan ito.
“Ipagluluksa mo ang araw na ito, Gennie,” aniya.
Habang isinasagawa niya ang operasyon sa lalaking umagaw sa babaeng minahal niya noon ay nagsusumigaw sa puso niya ang paghihiganti. Oras na, may pagkakataon na siya ngunit dinaig pa rin siya ng kaniyang konsensiya. Tinalo siya ng katotohanang hinding-hindi niya pala magagawang kum*t*l ng buhay.
Nang matapos ang operasyon ay pinuntahan niya sa Gennie.
“He’s okay now, Gennie,” aniya.
Nagulat pa ang babae nang makita siya. Hindi nito inasahan na siya ang nagsagawa ng operasyon sa asawa nito.
“E-Efraim…”
Sa mga sandaling iyon ay hindi na napigilan ni Gennie na mapahagulgol.
“Hindi ko inakala na ikaw pa ang magliligtas sa kaniya. Kanina, naisip ko na kabawasan din ng kasalanan ko sa iyo sakaling mam*t*y man siya. Mabubunutan na ako ng tinik sa dibdib,” wika ng babae.
At sinabi nito ang buong katotohanan…
“Tinuluyan mo na lang sana siya. Makaganti man lang ako sa kaapihang dinanas ko sa piling niya. Malupit si Jolas, palagi niya akong sinasaktan pag nalalasing siya. Pinagsisisihan ko na nagpakasal ako sa kaniya at tinalikuran kita noon. Ginulo niya ang buhay ko, natin,” bunyag ni Gennie.
Sa nalaman ni Efraim ay napagtanto niya na tama ang desisyon niya na huwag nang maghiganti. Ang paghihigantihan pala niya ay nasira rin pala ang buhay na gaya niya.
“Buntot mo, hila mo. Ginusto mo iyan, harapin mo. Pero sa akin ay pinapatawad na kita, Gennie. Hindi pa rin pinahintulutan ng Diyos na isakatuparan ko ang paghihiganti sa iyo. Ngayon natin ipagpasa-Diyos ang lahat,” sabi niya sa dating nobya.
Humingi din ng tawad si Gennie sa lahat ng ginawa nito sa kaniya. Nang makaalis ang babae ay nabunutan na rin siya ng tinik sa dibdib, oras na para kalimutan na ang masakit na nangyari at ipagpatuloy ang buhay.
“Kinalabit pa rin ng Panginoon ang katinuan ko upang hindi matuloy ang binabalak ko. Salamat po, o Diyos ko,” sambit pa ni Efraim sa isip.
Sa mga desisyon natin sa buhay ay palagi pa ring nakagabay ang Panginoon, palagi pa rin tayong iniaakay sa tamang landas. Nasa atin na lang kung susundin natin o hindi.