Inday TrendingInday Trending
Malaki ang Pasasalamat ng Ulilang Ito sa Kaniyang Matalik na Kaibigan na Nagbigay sa Kaniya ng Kasiyahan sa Panahon ng Kalungkutan; Sino Nga Ba Siya?

Malaki ang Pasasalamat ng Ulilang Ito sa Kaniyang Matalik na Kaibigan na Nagbigay sa Kaniya ng Kasiyahan sa Panahon ng Kalungkutan; Sino Nga Ba Siya?

Ulilang-lubos na si Luis dahil sumakabilang-buhay ang kaniyang ina. Ang kaniyang ama naman, sumunod dito isang taon lamang ang nakalilipas, sa pagtatapos ng babang-luksa.

Kaya naman, ang tiyuhin ni Luis ang nagpalaki at nag-aruga sa kanya. Kasama niyang lumaki ang asong pinangalanan nilang Buchokok.

“Ikaw na ang aking pinakamatalik na kaibigan, Buchokok! Huwag mo akong iiwanan ha,” sabi ni Luis sa kaniyang alagang aso. Tila naintindihan naman siya nito.

Matalino si Luis, gayundin ang alaga. Mula noong tuta pa lamang ito hanggang umabot ng dalawang taon, si Luis ang lagi niyang kalaro.

Kahit saan sila magpunta ay kilala na ng mga tao si Buchokok. Hindi basta-basta tumatahol o umaangil ang aso, lalo na kung sa palagay niya ay mabait naman ang taong hahawak sa kaniya.

Subalit, habang lumilipas ang panahon at nasa ikaapat na taon na si Luis sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo, wala na siyang oras para sa alaga. Marami na rin siyang bagong kaibigan at nagkaroon pa ng kasintahan.

Nalungkot si Buchockok sa mga pagbabago sa buhay ng taong tinuturing niyang matalik na kaibigan. Lagi na lamang itong nakahiga habang pinagmamasdan ang kaniyang amo, na dati-rati ay kusang lumalapit sa kaniya, hinahaplos-haplos ang kaniyang ulo, tiyan, likod, buntot, at baba.

Nakapagkatapos ng kolehiyo si Luis ngunit ibang-iba na ito lalo na noong nakapagtrabaho at nakapagpatayo na ng sarili niyang bahay.

Palagi ring umaalis ng bahay si Luis, at minsan ay hindi pa umuuwi. Napabayaan niya nang husto si Buchokok. Nagkakasya na lamang ang aso sa mga tira-tirang pagkain na naiiwan sa pagkainan nito. Kung saan-saan na rin ito umiihi at dumudumi dahil hindi na inilalabas ni Luis.

Isang araw, umuwi nang lasing si Luis. Ngunit hindi sinasadyang maapakan nito ang ihi ni Buchokok na naging dahilan para madulas ito. Nangudngod pa ang mukha niya sa dumi nito.

Galit na galit si Luis sa kaniyang alaga.

“Nakakainis ka namang aso ka! Akala ko ba aso ka bakit baboy ka? Alis ka nga rito sa tabi ko!” lasing na lasing si Luis. Sinapok niya ang mukha ni Buchokok na sabik na sabik pa namang salubungin ang amo; kumakawag ang buntot nito.

Nagtampo ang kawawang aso. Kinabukasan, pagkagising ni Luis, wala si Buchokok sa bahay nila. Hinanap niya kung saan-saan. Bumalik na rin siya sa dating nilang bahay ngunit wala ang aso doon.

Habang nagmamaneho si Luis palabas ng baryo, doon sumagi sa isip niya na ibang-iba na talaga ang buhay niya. Naalala niya ang mga panahong makapaglaro lang sila ni Buchokok ay masaya na siya.

Napagtanto niyang umasenso nga siya at naghanap ng mga kaibigan na tao, subalit napabayaan naman niya ang unang matalik na kaibigan niya, na siyang nagpapawala ng kaniyang mga agam-agam, pagkabalisa, at kalungkutan, sa tuwing naaalala niyang mag-isa na lamang siya sa buhay.

Hindi naiwasan ni Luis na mapaluha. Hindi niya makakayang mawala nang ganoon na lamang si Buchokok. Mas naiiyak pa siya sa pagkawala nito kaysa sa paghihiwalay nila ng kasintahan niya, kaya siya nagpakalasing.

Hinalughog na ni Luis ang mga posibleng puntahan ni Buchokok ngunit ni buntot nito ay hindi niya nakita. Wala ring nakitang pagala-galang aso ang kanilang mga kapitbahay, at mga taong napagtanungan niya.

“Kapag nakita naman ninyo si Buchokok sabihan kaagad ninyo ako,” pakiusap ni Luis sa mga kakilalang maaaring makakita sa kaniyang alaga.

Malungkot na umuwi si Luis sa kaniyang bahay. Parang nakikita niya si Buchokok na mga sandaling iyon ay palakad-lakad sa loob ng bahay.

Napagtanto niya na lubos niyang napag-iwanan ang tanging nandoon palagi sa tabi niya bukod sa tito niya. Bigla niyang naalala ang kanilang likod-bahay kung saan madalas silang maglaro ni Buchokok.

Ganoon na lamang ang kasiyahan niya nang makita ang kaniyang alaga na maahimbing na natutulog sa isang sulok. Hindi naman pala naglayas ang kaniyang alaga!

Agad na nilapitan ni Luis si Buchokok at mahigpit na niyakap ito.

“Pasensya ka na Buchokok kung nasapak ko yata ang mukha mo kagabi. Hindi ko naman sinasadya. Pinag-alala mo naman ako nang husto. Akala ko naman tuluyan ka nang nawala,” wika ni Luis sa kaniyang matalik na kaibigan.

Hindi tao.

Kundi aso. Aso na alam niyaang hinding-hindi siya iiwan kahit na ipagtabuyan pa niya.

Simula noon, palagi na muling naglalaro ang mag-amo. Bumabalik na rin sila sa mga dati nilang pinupuntahan at masaya silang namuhay.

Advertisement