Isang Pilantropo ang Nagbigay ng mga Hiling ng Sampung Piling Mag-aaral sa Isang Pampublikong Paaralan; Nagulat Siya sa Ginawa ng Isa sa Kanila
Mahirap lamang ang pamilya ng batang si Boyet. Isang barker sa sakayan ng dyip ang ama niyang si Mang Rico habang labandera naman ang ina niyang si Aling Tina. May isa siyang nakababatang kapatid na si Ming.
Dahil sa hirap ng buhay, kadalasan ay pumupunta ng paaralan ang magkapatid na walang laman ang tiyan at bulsa. Subalit, sa kabila ng hirap ng kanilang pamumuhay, parehong pursigidong makatapos ng pag-aaral ang magkapatid.
“Paglaki ko, magiging doktor ako. Ako na ang gagamot kina Tatay at Nanay,” laging sinasabi ni Boyet sa klase.
Isang araw, may isang grupo ng mga pilantropo ang pumunta sa paaralan nina Boyet. Sa pakikipagtulungan ng mga gurong tagapayo, pumili sila ng sampung bata na dadalhin nila sa mall at ipagbibili ng mga gusto nito.
Isa si Boyet sa mga napili ng mga pilantropo. Dinala ang sampung mag-aaral sa pinakamagandang shopping mall sa bayan. Sa totoo lamang ay hindi pa nakakapunta roon si Boyet dahil madalang lamang silang magtungo sa bayan. Isa pa, wala naman silang perang pambili ng mga kung ano-anong bagay sa mall.
Iisa lamang ang direksyon na tinahak ng siyam na mga ka-eskwela ni Boyet: ang mga laruan.
Bawat isa sa kanila ay masayang namili ng laruan maliban kay Boyet. Napansin ng isa sa mga pilantropo na si Mr. De Leon na mukhang malungkot si Boyet. Tinanong niya ang bata na agad namang sumagot kahit kitang-kita na nahihiya ito.
“Masama ba ang pakiramdam mo, Boyet? Bakit hindi ka kumuha ng mga laruan?” untag ni Mr. De Leon.
Umiling-iling naman si Boyet. “Hindi po kasi iyan ang gusto ko, sir.”
“May iba ka bang gusto?”
“Gusto ko po sanang ibili si Tatay ng bagong sandalyas niya at ibili naman ang Nanay ko ng blusa,” sagot ni Boyet.
Sinamahan at tinulungan ni Mr. De Leon si Boyet na mamili ng sandalyas at mga damit para sa mga magulang niya. Alam naman daw niya ang sukat nila. Minsan raw kasi ay hinihiram niya ang sandalyas ng kaniyang Tatay kahit medyo malaki ito para sa kaniya. Siya naman daw ang tagatupi ng mga damit sa bahay kaya alam niya ang sukat ng damit at paboritong kulay ng kaniyang Nana,
“Eh, ikaw? Anong gusto mo para sa sarili mo? Bilhin natin. Bili tayo ng mga laruan,” yaya ni Mr. De Leon kay Boyet.
Pumunta sila sa estante ng mga laruan at agad namang nakapili si Boyet ng isang set ng mga laruang hayup-hayupan. Tinanong siya ni Mr. De Leon kung bakit iyon lamang ang kinuha niya.
“O, bakit isa lang ‘yan? Ang daming laruan, pili ka pa. May kapatid ka? Pumili ka rin ng para sa kanya,” sabi ng pilantropo.
“Opo, may bunsong kapatid po ako, si Ming. Para sa kaniya po ito. Okay na po ito, ang mahalaga po makita kong masaya sina Tatay, Nanay, at Ming po mamaya. Sabik na po akong makita ang reaksyon nila,” saad ni Boyet.
Hindi naman makapaniwala si Mr. De Leon sa napakabuting puso ni Boyet. Ngayon lamang siya naka-engkuwentro ng isang batang kagaya nito, na may malawak na pag-iisip at malasakit para sa kaniyang pamilya.
Pag-uwi nila, patagong nilagyan ni Mr. De Leon ng malaking halaga ng pera ang plastik na nilagyan ng mga damit, sandalyas at laruan na ipinamili nila. Nais niyang mas maging maligaya si Boyet at ang pamilya niya sa darating na Pasko.
Bukod doon, may naisip pa siya. Agad siyang nakipag-ugnayan sa mga guro ni Boyet at nagpatulong sa kanila upang makausap ang mga magulang nito.
Samantala, masayang-masaya naman ang Tatay, Nanay, at si Ming nang matanggap na nila ang pasalubong sa kanila ni Boyet. Halos maiyak din sila sa malaking halaga ng pera na ibinigay sa kanila ni Mr. De Leon.
Ngunit kinabahan sila nang makatanggap sila ng isang sulat mula sa gurong tagapayo ni Boyet. Pinapatawag daw sila sa tanggapan ng punungguro.
Hindi naman nila maisip kung bakit. May ginawa bang kalokohan ang panganay na anak?
Halos maiyak sila nang pormal na sabihin ni Mr. De Leon, sa pamamagitan ng punungguro, na gusto niyang pag-aralin si Boyet hanggang sa makatapos ito ng pag-aaral sa kolehiyo.
Pinuri rin sila ng ginoo dahil sa magandang pagpapalaki nila sa bata. Pinuri naman sila ng punungguro at ng gurong tagapayo dahil sa dedikasyon sa pag-aaral ni Boyet, na nilangkapan naman ng mabuting pag-uugali.