Inday TrendingInday Trending
Bagong Cellphone ang Naisip na Iregalo ng Nanay sa Kaniyang Dalagitang Anak na Magtatapos sa Hayskul; Makatulong Kaya o Pagsisisihan Niya?

Bagong Cellphone ang Naisip na Iregalo ng Nanay sa Kaniyang Dalagitang Anak na Magtatapos sa Hayskul; Makatulong Kaya o Pagsisisihan Niya?

Malapit nang matapos sa hayskul ang anak na si Cecille kaya naman iniisip ni Aling Chienna kung ano ang magandang iregalo sa kaniyang anak.

“Alam ko na, dahil mag-aaral na siya sa kolehiyo, sa palagay ko, ito na ang tamang pagkakataon upang mabilhan ko na siya ng bagong cellphone,” nasabi ni Aling Chienna sa kaniyang sarili.

“Tiyak na matutuwa si Cecille kapag nakita niya ang cellphone na ito,” bulong ni Aling Chienna nang kunin at bilhin na niya ang cellphone para sa kaniyang unica hija.

Mabuti na lamang at talagang nakapaghanda at nakapag-ipon si Aling Chienna para sa pambili ng regalo ni Cecille. Ipinatong niya ito sa itaas ng kanilang refrigerator.

At dumating na nga ang pinakahihintay na araw ng pagtatapos ni Cecille. Mangiyak-ngiyak si Aling Chienna nang sabitan na niya ng tatlong medalya ang anak: isang Best in English, isang Best in Math, at isang With Honors.

Pagkatapos ng seremonya at pagkuha ng litrato, agad na silang umuwi. Masasarap na pagkain ang inihain sa kanilang mesa na pawang paborito ni Cecille.

“Anak, regalo ko sa iyo,” at iniabot ni Aling Chienna ang kahon na naglalaman ng cellphone.

“Wow! May cellphone na ako! Salamat, ‘Nay! Malaking bagay po ito sa aking pag-aaral,” niyakap ni Cecille ang kaniyang ina. Hinalikan pa ito sa pisngi.

Simula noong gabing iyon, palagi nang nakatutok sa selpon si Cecille. Kahit bakasyon, malimit sila kung makapag-usap ng nanay niya. Palagi niya kasing ka-text ang espesyal na kaibigang si Malcolm na nakilala niya nang i-add siya nito bilang friend sa social media.

Minsan, narinig ni Aling Chienna na kausap ni Cecille ang kaibigan nitong si Dahlia.

“Magkikita na kami ni Malcolm bukas. Kinakabahan ako. Saka kinikilig,” wika ni Cecille.

Nang marinig ang sinabi ng anak, tinawag niya ito kunwari para kakain na.

Kaagad namang nagpaalam si Cecille sa kaibigan upang bumaba na. Mahigpit kasi si Aling Chienna pagdating sa pagkain. Ayaw nitong pinaghihintay ang grasya.

“Ano yung narinig kong makikipagkita ka sa hindi mo kakilala? Ganoon ka ba kakampante na mabuting tao ‘yan, eh sa social media mo pa lamang nakilala?” untag ni Aling Chienna sa anak.

“Kaya nga po magkikita kami ‘Nay para magkakilala kaming dalawa. Hirap naman sa inyo minsan na nga lang ako lumabas marami pa akong maririnig,” sabi ni Cecille bago padabog na pumasok sa kuwarto niya.

Nagulat si Aling Chienna sa inasal ng anak. Dati-rati ay ni hindi ito magawa na sagutin siya nang ganoon. Nagtimpi na lamang ang matanda at ipinagpatuloy ang pagliligpit ng kanilang kinainan.

Kinabukasan, pagkagising ni Aling Chienna ay wala na ang anak sa tabi niya. Inisip niya na lamang na umalis na siguro iyon at sana’y mag-iingat siya. Hindi man lamang nagpaalam sa kaniya.

Mga bandang tanghali, sa kasagsagan ng paglalaba ni Aling Chienna, nagulat siya nang biglang dumating si Cecille na tigmak ng luha ang mga mata.

“Diyos ko Cecille, bakit ganyan ang hitsura mo? Bakit ka umiiyak? Ano’ng nangyari sa iyo?”

“Nay… bigla pong umalis ‘yung kausap ko, yung katagpo ko po sana,” sumisigok-sigok na sumbong ng dalagita.

“Paanong umalis kaagad? Hindi ka sinipot o hindi ka nagustuhan? Naku, anak, huwag mo nang pagtiyagaan ‘yan. Hayaan mo na ‘yan! Marami ka pang ibang makikilalang lalaki diyan, ang mahalaga ay mag-aral kang mabuti sa kolehiyo. Kapag nakatapos ka na, mas marami pang mga lalaki ang magkakagusto sa iyo.”

“Hindi po, ‘Nay. Dala-dala niya po yung bag ko. Nag-uusap kami nang maihi ako. Sabi ko pabantay ng bag at nagpunta ako sa palikuran. Pagbalik ko, wala na siya. Dinala niya ang bag ko, at kasama po doon ang cellphone na bigay ninyo sa akin.”

Kasama ngang nanakaw ang bagong cellphone na pinag-ipunan at binigay ng nanay niya sa kanya.

“Hayaan mo na anak, ang mahalaga ay ligtas ka at hindi ka ginawan nang masama,” wika ni Aling Chienna. Sinamahan na lamang siya nito na maipa-blotter sa barangay at pulisya ang mga nangyari. Naka-deactivate na rin ang social media account nito na naging daan upang magkakilala sila.

Lubos ang kaniyang pagsisisi na hindi siya nakinig sa kaniyang ina. Napagtanto niya na kailangang pahalagahan ang mga pinaghihirapan ng mga magulang at laging susundin ang kanilang mga payo, lalo na kung makabubuti naman ito.

Advertisement