Nanghihinayang Siyang Bilhan ng Regalo ang Mayamang Anak; Hindi na nga ba Nito Kailangan ang Regalong Mula sa Kaniya?
Simula nang magkaroon ng magandang trabaho ang panganay na anak ni Kaloy at kumita ng perang mas malaki pa kaysa sa kinikita niya bilang isang inhinyero, hindi na niya ito kailanman binigyan ng regalo sa kahit anong okasyon lalo na tuwing Pasko.
Napapansin man niya ang inggit sa mukha nito tuwing sabay-sabay na nagbubukas ng regalong binigay niya ang tatlo niya pang nakababatang anak, palagi niyang sinasabi sa sarili, “Tiyak na mas mayaman na sa akin ang anak kong ito, bakit kailangan ko pa siyang bigyan? Lahat na nga yata ng bagay na gugustuhin niya sa mundo, maaari na niyang mabili,” dahilan para hindi niya na talaga ito bigyan pa ng regalo.
Pinipilit man siya ng kaniyang asawa na bilhan ito kahit isang simpleng regalo kagaya ng relo o bag ngayong nalalapit na ang Pasko, hindi niya ito pinakikinggan.
“Tingin mo ba magugustuhan ng panganay mo ang ganoong regalo? Ang dami-dami na niyang nabiling relo at bag! Kung saan-saang bansa pa iyon galing!” katwiran niya rito habang sila’y namimili sa mall.
“Malay mo naman, ‘di ba? Mas maigi na maparamdam mo sa kaniyang kahit may pera na siya, naiisip mo pa rin siya sa pamamagitan ng simpleng regalo ngayong Pasko,” paliwanag naman nito na ikinailing niya maigi.
“Naku, hindi na, ang perang igagastos ko sa kaniya, gagastusin ko na lang pangbili ng regalo ng iba pa nating mga anak na mas nangangailangan,” sagot niya pa saka agad na nagpunta sa damitan upang ibili ang iba pa nilang mga anak.
Ilang araw pa ang lumipas, sumapit na nga ang araw ng Noche Buena. Hapon pa lang, tinulungan na niya ang kaniyang asawa sa paghahanda ng mga pagsasaluhan nilang pagkain. Hindi niya na rin makubli ang kasabikang nararamdaman niya sa pagbibigay ng regalo sa kaniyang tatlong mga anak na walang kamuwang-muwang sa ganda ng mga damit na napili niya.
“Mahal, siguradong matutuwa ang mga anak mo kapag nakita nilang may bago na naman silang damit ngayong Pasko!” bulong niya sa asawang nagluluto na ng sauce ng spaghetti.
“Sinabi mo pa. Kahit nga kendi lang ang ibigay mo sa mga ‘yan, matutuwa na sila. Ang ikinapag-aalala ko, ang panganay mo. Baka magtampo ‘yon sa’yo,” sabi nito na ikinainis niya.
“Ito ka na naman, eh. Ang tagal-tagal ko nang hindi binibigyan ng regalo ‘yang panganay mo hindi naman umaangal. Alam niya na kasing mas marami na siyang pera kaysa sa akin!” tugon niya saka agad na umalis sa tabi nito dahil sa inis.
Maya maya pa, pumatak na ang alas dose ng gabi. Masaya silang nagbatian ng “Maligayang Pasko” at nagyakapan. Pagkatapos noon, isa-isa na niyang iniabot sa kaniyang mga nakababatang anak ang mga pinamili niyang regalo.
“Teka, teka, bago niyo buksan ang mga regalo niyo, mag-picture muna tayo!” sabi niya sa mga anak saka agad naman nagsipuntahan ang mga ito sa kaniyang likuran. Ngunit, pagkatingin niya sa repleksyon nila sa kaniyang selpon, wala roon ang panganay niyang anak, “Sandali, nasaan na ang kuya niyo?” tanong niya sa mga ito.
“Nakita kong lumabas, eh, sundan mo nga,” utos ng asawa niya na agad niyang ginawa.
Natagpuan niya ang anak niyang ito sa kanilang bakuran. Tahimik lang itong nakatingin sa buwan at agad na napabalikwas nang maramdaman ang pagdating niya.
“Bakit ka narito, anak? Nagkakasiyahan kami roon, bigla ka namang umalis!” sermon niya rito.
“Babalik naman po ako roon, papa, kapag kakain na tayo,” tipid nitong sagot.
“Ayaw mo bang makitang nagbubukas ng regalo ang mga kapatid mo?” tanong niya rito.
“Gusto po, kaso kasi parang dinudurog ang puso ko. Ilang taon na akong walang natatanggap na regalo mula sa inyo,” sabi pa nito na ikinalaki ng mata niya.
“Anak, mas malaki naman kasi ang kinikita mo kaysa sa akin kaya…” hindi niya nito pinatapos ang sinasabi niya at malakas na bumuntong-hininga.
“Anak mo rin naman po ako, papa. Hindi naman porque may trabaho na ako, hindi ko na kailangang maramdaman na espesyal ako sa’yo. Kung pwede nga lang na makipagpalit ako ng buhay sa mga kapatid ko, gagawin ko dahil sa kagustuhan kong makatanggap ng regalo ngayong Pasko. Ayoko na magkaroon ng maraming pera kung hindi ako makakatanggap ng regalo mula sa’yo kagaya nila,” sambit nito sa gitna ng mga hikbi na labis na dumurog sa puso niya.
Wala siyang ibang nasabi rito kung hindi, “Patawad, anak,” saka niya ito mariing na niyakap. Hinikayat niya itong bumalik na sa loob ng kanilang bahay at nang kakain na sila, iniabot niya rito ang pinakaiingatan niyang singsing na ginto.
“Hindi ko alam kung ano pa ang kulang sa’yo, anak, pero sana magustuhan mo ito. Patawarin mo ako, ha? Hindi ko lubos akalaing nasasaktan kita nang ganoon,” sabi niya rito na muli nitong ikinaiyak na labis namang ikinatuwa ng kaniyang asawa at iba pang mga anak.
Simula noon, hindi na siya nanghinayang na bigyan ng regalo ang anak niyang ito. Napagtanto niyang maaaring mas marami nga itong pera kaysa sa kaniya pero kailangan pa rin nito ang kalinga at pagmamahal ng isang ama.