Inday TrendingInday Trending
Pinaghiwalay ng Distansya ang Magkasintahan; Matutulad na lang ba Sila sa Ibang Magkarelasyong Naghihiwalay Dahil Dito?

Pinaghiwalay ng Distansya ang Magkasintahan; Matutulad na lang ba Sila sa Ibang Magkarelasyong Naghihiwalay Dahil Dito?

Hindi matawarang lungkot ang nararamdaman ng dalagang si Hermosa ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan ngunit ni isang mensahe mula sa nobyo niyang nasa abroad, wala siyang natatanggap.

Mag-iisang taon na simula nang mangibang bansa ang kaniyang kasintahan upang doon magtrabaho. Hindi siya nagdalawang-isip na payagan ito dahil alam niyang ito lang ang inaasahan ng buong pamilya nito.

Natatakot man siya noon na baka matulad ang kanilang relasyon sa iba pang relasyong natatapos nang dahil sa distansya sa isa’t-isa ng dalawang magkasintahan, pinanghawakan niya ang mga pangako nito.

“Huwag kang mag-alala, mahal, magkakalayo lang tayo pero hinding-hindi ka mawawala sa puso ko. Wala akong ibang gagawin sa abroad kung hindi ang magtrabaho at magpayaman para mapakasalan na kita,” sabi nito sa kaniyang habang sila’y nasa daan papuntang airport.

“Pangako mo sa akin ‘yan, ha?” mangiyakngiyak niyang sabi rito. “Oo! Kahit sa kasalang bayan lang tayo ikasal, ayos na ayos lang sa akin!” sagot nito na ikinapagtaka niya.

“Bakit sa kasalang bayan lang? Akala ko ba magpapayaman ka roon? Ayaw mo ba nang magarbong kasal?” pang-uusisa niya.

“Aanuhin natin ang magarbong kasal kung pagkatapos no’n wala na tayong madukot na pera? Ibibili ko na lang ng bahay at lupa natin ang pera ko kaysa gastusin sa ganoong klaseng bagay!” paliwanag nito na labis niyang ikinangiti.

“Iba ka talaga! Aasahan ko ‘yan, ha! Magpayaman ka roon! Maghihintay naman ako rito!” tuwang-tuwa niyang wika saka ito mariing na niyakap.

Naging maayos naman ang unang buwan nila bilang magkasintahang pinaghiwalay ng distansya ngunit pagsapit ng ikalawang buwan nito sa abroad, dumalas na ang hindi nito pagtawag at pagpapadala ng mga mensahe na unti-unting dumurog sa puso niya.

“Mukhang matutulad nga talaga kami sa ibang magkasintahang pinaghiwalay ng distansya, ha? Sana pala hindi ko na lang siya hinayaang mag-abroad kung ganito lang pala ang mangyayari sa amin,” paglalabas niya ng sama ng loob sa kaniyang kaibigan habang sila’y nag-iinom.

“Nawawalan ka agad ng pag-asa, eh! Hindi pa naman nagsasabi sa’yo ang kasintahan mo na ayaw na niya sa’yo, nag-iisip ka agad nang gan’yan,” pangaral nito sa kaniya.

“Kailangan niya pa bang ipamukha sa akin na hindi na niya ako mahal? Ramdam ko naman na ‘yon. Kung mahal niya ako, hindi niya ako hahayaang mabaliw nang ganito kakaisip kung anong ginagawa niya roon,” katwiran niya pa saka bumuntong-hininga.

“Kung ako sa’yo, hihintayin ko ang pag-uwi niya. Roon ko siya kakausapin nang masinsinan at kung ayaw niya na talaga sa akin, hindi ko siya pipilitin. Tatanggapin ko lahat ‘yon dahil mahal ko siya,” payo pa nito dahilan para siya’y mapaisip at maiyak na lang sa balikat ng kaibigan.

Hanggang sa dumating na nga ang araw ng Pasko nang wala man lang siyang natatanggap na balita mula sa kasintahan niyang ito. Kung ang ibang tao ay aligaga sa pamamasko at pagbibigay ng regalo, siya’y malungkot na nakatanaw sa bintana habang iniisip kung mahal pa ba siya ng kaniyang kasintahan.

Maya maya, habang pinagmamasdan niya ang mga taong palakad-lakad sa kalye, napansin niya ang isang kulay pulang van na tumigil sa harapan ng kanilang bahay.

“Nand’yan po ba si Hermosa? May padala po sa kaniya mula abroad!” sigaw ng delivery boy dahilan para siya’y magmadaling lumabas at humarap dito.

Tumambad sa kaniya ang isang malaking kahon pagkalabas niya ng kanilang bahay.”Kanino po ito galing?” tanong niya.

“Buksan niyo nang malaman niyo, ma’am,” payo ng delivery boy habang siya’y kinukuhanan ng bidyo.

Pagkabukas niya nang kahon, tumambad sa kaniya ang binatang pinakamamahal niya. Nakaluhod ito at may hawak na singsing na agad niyang ikinapanghina.

“Pasensya ka na, marami akong kinuhang part-time job doon para makalikom ako ng pera bago mag-Pasko at mapakasalan ka. Hindi man kita nababalitaan, hindi nagbago ang pagmamahal ko sa’yo, mahal. Ngayong may pera na ako at bahay, pupwede mo na ba akong pakasalan?” mangiyakngiyak nitong sabi sa kaniya.

“Kung alam mo lang kung gaano mo ako binaliw araw-araw dahil sa hindi mo pagtawag at pagpapadala ng mensahe!” iyak niya.

“Ibig sabihin ba niyan, ayaw mo na akong pakasalan?” malungkot nitong tanong.

“Gusto ko s’yempre! Akin na ‘yan! Magpakasal na tayo agad at huwag na tayong maghiwalay pa ng landas!” sigaw niya rito na muli nitong ikinaiyak.

Katulad ng gusto niya, ilang araw lang ang lumipas, agad na silang nagpakasal. Simple man at kakaunti lang bisita, ang mahalaga sa kaniya ngayon ay kasama na niya muli ang kasintahang wala nang balak bumalik sa abroad dahil ito’y mayaman na.

“Dito na tayo sa ‘Pinas mas lalong magpapayaman, mahal,” sabi nito sa kaniya pagkatapos nilang ikasal.

“Suportado kita, asawa ko,” sagot niya na labis nitong ikinatuwa.

Ang lahat ng kinita nito sa abroad ay pinuhunan nila upang makapagpatayo ng isang grocery store at ito ang siyang pinagkuhanan nila ng lahat ng kanilang pangangailangan sa buhay bilang mag-asawa.

Advertisement