Inday TrendingInday Trending
Bugbugerong Pulis

Bugbugerong Pulis

Maraming taon nang pulis si Arman. Hindi na nga tumaas ang kaniyang ranggo dahil parang kuntento na siya sa kinalalagyan niya ngayon. Nawala na ang ningning ng dedikasyon sa kaniyang mga mata na kitang-kita noon. Basta sumusweldo ay ayos na sa kaniya.

Mayroon siyang tatlong anak. Ang panganay ay si Mina na 16 taong gulang, sinundan ni Mark na 12 taong gulang at ang bunso ay si Melanie, 9 taong gulang. Ang misis niya ay isang simpleng maybahay.

“Kumusta ang kaso ni Sanchez?” untag kay Arman ng chief. Napatigil sa pagta-type si Arman. “Iniimbestigahan ko pa, sir.”

“May lead ka na ba?” kunot noong wika ng chief. “Wala pa ho, eh. Ang tanging impormasyong meron ako ay ang tatak na letter ‘X’ sa kamay ng biktima,” sagot ni Arman.

Napabuntong-hininga ang matanda. “Ilang linggo na iyan. Nagtatanong na rin ang pamilya. Sana naman Arman ay ayusin mo ang trabaho mo,” paalala ng chief sa lalaki.

Napaupo ang naiinis na si Arman. Nakakairita kasi. Sa totoo lang ay kaya wala siyang nakakalap na ebidensiya ay dahil hindi naman talaga siya naghahanap. Tamad na tamad siyang gawin ang trabaho.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang matagpuang walang buhay ang dalagang si Karen Sanchez. Pinagsamantalahan ito at nag-iwan pa ng bakas na ‘X’ sa kamay nito ang suspek. Hiniwa iyon gamit ang kutsilyo.

Dinampot ni Arman ang kaniyang sumbrero at lumabas.

“Saan ka pupunta?” tanong ng isa sa mga kasama niya. “Maghahanap ng mahuhuli,” iritableng sagot ni Arman.

Totoo iyon. Ang mahalaga naman ay may maiharap siya sa boss niya, ‘di ba? Para tumahimik na ito sa katatalak.

Pumunta si Arman sa barangay kung saan nangyari ang insidente at humingi ng kopya ng CCTV. Pero pag minamalas nga naman, sira pala ang mga camera roon.

Naglakad-lakad ang lalaki hanggang sa matanaw niya ang isang binatang namumulot ng kalakal. Hindi na nagdalawang-isip si Arman. Hinaltak niya ang braso nito.

“Sir, bakit ho…” Hindi na nakatapos pa sa sasabihin ang binata dahil sinikmuraan na ito ni Arman.

“Ikaw ang may kagagawan ano? Tarantado ka!” wika ni Arman.

Napuno ng takot ang mata ng binata. Nalaglag ang isang sakong kalakal na hawak nito.

“Saan ho, sir? Hindi ko alam ang sinasabi niyo!” depensa ng binata.

“Kuya!” napalingon silang pareho sa pitong taong gulang na batang babae na nagsalita.

“Halika! Sasama ka sa akin!” Kinaladkad ni Arman ang binatang walang nagawa. Naiwang umiiyak ang batang babae at humahabol sa kanilang sasakyan.

Sa halip na bitbitin sa presinto ay dinala ni Arman ang lalaki sa liblib na lugar. Siniguro niyang walang ibang taong makakakita. Doon ay pinukpok niya ito ng baril sa ulo. Dahil sa lakas ay kitang-kita niyang tumulo ang dugo sa noo nito. Sinundan niya iyon ng maraming suntok sa mukha hanggang mamaga na ang pisngi nito.

Nangangatog ang lalaki at walang ibang ginawa kung ‘di ang umiyak.

“Sir, nangangalakal lang ho ako. Hindi ko ho alam ang sinasabi niyo,” nanghihinang wika ng binata.

Pinaulanan muli ito ni Arman ng suntok. “Anong pangalan mo?” Hindi sumagot ang binata dahil halos mawalan na ito ng malay sa tinamong bugbog.

“Sabi ko ano ang pangalan mo?” ulit ni Arman. Sinampal niya ito nang pagkalakas-lakas. “Benji ho,” wala sa ulirat na wika ng binata.

Hinawakan ni Arman ang dalawang pisngi nito at itinapat sa kaniyang mukha.

“Makinig kang mabuti, Benji. Dadalhin kita sa presinto at aayon ka lang sa lahat ng sasabihin ko. Kapag pumalpak ka ay hindi mo na makikita iyong batang babae kanina. Nagkakaintindihan tayo?” banta ni Arman sa binata.

Dahil sa walang magawa at sa takot na rin sa kung ano ang maaaring mangyari sa kapatid ay pumayag na lang ang binata.

Binitbit ni Arman ang binata sa presinto at iniharap sa boss niya. Gulat na gulat pa ang matanda dahil dis-oras na ng gabi. Napuri ng chief si Arman dahil nagpuyat pa talaga ito para lang mahuli ang may sala.

Malaki ang ngiti na umuwi si Arman sa kanilang bahay. Hindi pa sarado ang kaso pero masaya siya dahil kahit paano ay bumango na ang pangalan niya sa presinto.

Hindi pa man rin siya nakakakatok sa kanilang pinto ay bumukas na iyon at iniluwa ang lumuluha niyang misis.

“Si Mina, nawawala si Mina!” hagulgol ng asawa ni Arman. “Ano?” gulat na tanong ng lalaki.

“Nag-text kanina na mga alas siyete na raw makakauwi dahil may group project pero hanggang ngayon wala pa! Naka-off na ang selpon. Diyos ko po,” nanlulumong sabi ng misis ng lalaki.

Nawala ang lahat ng pagod sa katawan ni Arman. Binalot siya ng matinding takot. Agad siyang tumawag sa presinto upang magpatulong na hanapin ang kaniyang anak. Ilang oras silang nagpaikot-ikot pero wala ang dalaga.

Napapitlag si Arman nang tumunog ang kaniyang radyo. “Nandito kami sa kabilang barangay. May dalagang natagpuan na walang saplot.”

Nanginginig ang buong kalamnan ni Arman nung nagtungo siya roon.

“Diyos ko, ito na ba ang karma ko? Bakit kailangang ang anak ko ang magbayad sa lahat ng katarant*duhan ko?” bulong ni Arman sa kaniyang isip. Wala na siyang pakialam sa mga nakakakita. Basta na lang tumulo ang kaniyang luha hanggang sa maging hagulgol na iyon.

“Panginoon, nagsisisi na po ako,” paulit-ulit na sabi ni Arman. Ni hindi niya magawang makababa sa sasakyan nila dahil nanlalambot ang kaniyang tuhod. Hindi niya kakayanin kapag may nangyaring masama sa kaniyang anak.

“Pare, halika na,” naaawang wika ng isang kasamahan ng lalaki.

“Di ko kaya, pre,” tugon ni Arman.

“Papa!”

Ganoon na lang ang pagkabuhay ng dugo sa katawan ni Arman nang paglingon niya ay bumungad sa kaniya ang umiiyak na anak.

“Mina!” Tinakbo ni Arman ang anak at niyakap. Nakabalabal rito ang isang kumot na ibinigay ng mga taga-barangay.

“Naglalakad po ako pauwi kasi walang masakyan. May lalaki pong naka-motor na tumabi sa akin at tinutukan ako ng kutsilyo. Wala akong nagawa kung ‘di sumama po. Baliw po siya, papa,” umiiyak na sabi ng dalaga. Ipinakita pa ni Mina ang kaniyang kamay na may tatak na ‘X’.

Nagpatuloy ito sa pagsasalita. “Buti na lang po bago niya nagawa ang balak niya sa akin ay nasabuyan ko siya ng buhangin sa mata. Tapos nagtatakbo po ako hanggang kaya ko. Nakita po ako ng dalawang tanod.”

Niyapos ni Arman nang pagkahigpit-higpit ang anak.

“Ako ang bahala, anak. Patawarin mo si papa,” wika ng lalaki sa anak.

Iniuwi ni Arman ang anak at dumiretso siya sa presinto. Tinawagan niya ang kaniyang chief at inamin niya ang lahat ng kaniyang mga kasalanan. Pinalaya rin ang inosenteng binatang ginamit niya para lang iligtas ang kaniyang sarili. Para makabawi ay nangako si Arman na aabut-abutan niya ito ng tulong at ang kapatid nito.

Samantala ay itinuloy ni Arman ang pag-iimbestiga hanggang sa mahuli niya ang salarin. Dati pa palang hinahanap ang suspek kaugnay ng isa pang kasong kinasasangkutan nito at nag-iba lang ito ng trip ngayon.

Doon na-realize ni Arman na mas masarap pala sa pakiramdam kapag totoo ang papuri. Kapag alam na pinaghirapan. Nangako siya na magiging matapat na siya sa kaniyang sinumpaang tungkulin. Gagawin niya rin ang lahat upang mapanatiling ligtas ang paligid hindi lang para sa mga mamamayan kung ‘di lalo na para sa kaniyang pamilya.

Advertisement