
Ate Ko, Kasambahay Ko
Tinatamad na humikab si Madelene. Walang kakuwenta-kuwenta ang palabas sa TV. Minsan na nga lang siyang umuwi sa Pinas ay puro ganito pa ang mapapanood niya.
“Ate! Ate Choleng!” sigaw ng babae.
Dali-dali namang lumapit ang panganay niyang kapatid. Kwarenta anyos na ang ale habang siya naman ay 25 years old. Dalawa lang silang magkapatid at malayo ang agwat nila dahil magkaiba sila ng ama. Dalawang beses nag-asawa ang nanay niya.
“Iabot mo nga ‘yang remote, ate. Ililipat ko. Walang kalatuy-latoy, eh,” wika ni Madelene. Ininguso pa ang remote control na kung tutuusin ay abot kamay niya naman.
Imbes na magreklamo ay pinahid ni Choleng ang sabon sa kamay nito. Abala kasi ito sa paglalaba ng damit ng kapatid. “Ayan na, ne,” masuyong sabi ng babae bago ito tumalikod at bumalik sa pagtatrabaho.
Maaga silang naulila sa magulang kaya si Ate Choleng na ang tumayong ama at ina ng dalaga. Maliit pa lang si Madelene noon. Hindi nakapag-aral ang ginang dahil kinailangang magtrabaho.
Kaya lang ngayong asensado na si Madelene ay halos gawin naman niyang katulong ang kapatid. Ni hindi na nito naisip na utang niyang ang lahat sa babae kung ano ang mayroon siya ngayon. Kahit na simpleng tsokolate para sa anak ng kapatid kapag uuwi ito galing ibang bansa ay ‘di man lang nito maibigay. Bago mag-abot ng pera ang dalaga ay kailangan muna itong pagsilbihan ng kapatid. Tulad ngayon.
“I think we should visit BGC. Balita ko parang New York rin, buhay na buhay sa gabi. Everyone is so busy,” suhestyon ni Martina, kaibigan ni Madelene. Inimbita ito ng dalaga upang kumain ng hapunan sa kanila.
Bago pa nakasagot ang dalaga ay napasulyap ito sa ulam. Halos paubos na iyon.
“Ate!” sigaw ni Madelene.
Lumabas naman si Ate Choleng mula sa kusina. Tagaktak ang pawis nito dahil naghahalo ito ng ube halaya na ni-request nila. Hindi kasi puwedeng iwan iyon dahil masusunog ang ilalim. Kailangang laging hinahalo.
“Wala ng laman itong ulam. Paki sandukan muna kami. Ate, naman, eh, kailangan pa kasing tinatawag. Next time dapat may kusa ka,” sermon pa ni Madelene. Kung makipag-usap ay parang hindi nakatatandang kapatid ang inuutusan.
Tahimik lang naman na nakamasid sa kanila ang siyam na taong gulang na si Charlotte, anak ito ni Ate Choleng. Naguguluhan ang bata kung bakit ‘kapatid’ ang pakilala ng mama niya sa babaeng ito pero parang kasambahay lang naman ang ina kung itrato nito.
Ni hindi nga sila nakakakain sa hapagkainan kasabay ang babae, eh. Doon lang dapat sila sa kusina. Kapag sinusubok ng nanay niyang makipagkuwentuhan dito ay iniirapan ito ni Madelene. Minsan niya na ring naringgan ito at ang kaibigan na pinagtatawanan ang nanay niya dahil ‘di ito marunong mag-Ingles.
“Ito na ang ulam,” sabi ni Ate Choleng. Pero marahil ay dahil na rin sa matinding pagod dahil sa maghapong pagtatrabaho ay nanlambot ang kamay ng babae at dumulas ang isang tasang kare-kare.
“What the hell!” galit na wika ni Madelene. “Pasensya na! Di ko rin alam kung bakit ko nabitawan. Pasmado kasi ako. Pasensya na talaga,” paulit-ulit na sabi ng ginang.
Sa sobrang asar naman ni Madelene ay bigla niyang nasampal ang kapatid. Ang t*nga-t*nga kasi nito, bw*sit! “Alam mo ba na mas mahal pa kaysa sa’yo ang damit ko?”
Nangangatog ang ginang dahil sa pagkapahiya. Gumuhit rin ang sakit sa kaniyang dibdib. ‘Di niya akalaing kaya siyang ganituhin ng nakababatang kapatid na halos pag-alayan niya ng buhay noon.
“Huwag niyo naman pong sigawan si nanay…” sabat ni Charlotte pero tinapunan ito ng mapanganib na tingin ni Madelene.
“Tumahimik kang bata ka, ha. Palibhasa walang nagtuturo sa’yo ng magandang asal. Nakikisali ka sa usapan ng may usapan!” wika ni Madelene. Bigla niya pang hinila ang buhok ng bata kaya napaiyak ito.
“Bata lang ‘yan, Madelene. Bakit mo naman sinaktan ang anak ko?” hindi makapaniwalang sabi ni Ate Choleng.
“O, bakit? Totoo naman, ah. Ano ang gagawin mo? Aawayin mo ko? Eh, ‘di hindi kayo lumamon mag-ina kung ‘di dahil sa pinasusweldo ko sa’yo! Totoo naman ang sinabi ko. At isumpa mo sa bato, ‘yang batang ‘yan paglaki wala ring mararating. Mana sa’yo!” sigaw ni Madelene.
Iyon lang at inakay na palabas ni Ate Choleng ang anak. Tama na ang masasakit na salitang narinig niya mula sa kapatid.
Makalipas ang maraming taon.
Bumaba ng tricycle si Madelene. Hirap na hirap niyang binuhat ang mga maleta. Inabutan niya ng dalawang dolyar ang driver. Diyos ko, iyon na lang ang perang hawak niya. Bahala na.
Mayroon siyang naging nobyo sa U.S., si Clint. Malapit na sana silang magpakasal pero nagloko siya. Nagkaroon siya ng kabit rito sa Pilipinas. Ang masama pa ay hindi niya itinigil ang relasyon niya kay Clint. Patuloy niyang niloloko ang biyudo para magatasan ito.
Nang sapat na ang kaniyang pera ay binalak niyang papuntahin ang kabit sa Amerika upang doon ito pakasalan. Sila ang magsasama. Pero ‘di natuloy ang happy ever after dahil nabuking sila ni Clint at ipina-deport siya. Kaya heto siya ngayon, walang wala. Ni wala siyang naitabi dahil naubos niya kakabisyo at party. Sa edad niyang 37 ay sira na ang buhay niya.
Marahan siyang kumatok sa pinto ng lumang bahay. Ilang sandali lang naman ay bumukas iyon.
“Nariyan ba si Ate Choleng?” tanong ni Madelene.
Na-estatwa naman sa kinatatayuan ang ngayo’y dalaga nang si Charlotte. Hindi niya malilimutan ang mukha ng babaeng ito.
“Anong kailangan mo sa kaniya?” matigas na wika ni Charlotte.
Tumungo si Madelene at nang muling tumingin ay nanggigilid na ang luha. “Nagkamali ako.” Iyon lang ang sinabi ng babae at humagulgol na ito.
Kahit na malaki ang galit ni Charlotte rito ay ‘di niya pa rin naman natiis. Bukod doon ay bukambibig pa rin ito ng kaniyang ina. Inakay niya ang ginang sa loob at iniharap sa kaniyang Nanay Choleng. Nagliwanag ang mata ng matanda nang makita ang kapatid.
“Alam kong babalik ka,” saad ni Ate Choleng.
Lumuhod si Madelene sa harap ng kaniyang ate at doon ay paulit-ulit na humingi ng tawad. “Sorry, ate. Naging makasarili ako. Sorry kung lumaki ang ulo ko at nalimutan kita.”
Yakap lang naman ang iginanti ng matanda. Matagal na nitong napatawad ang kapatid.
Tumingala si Madelene at humarap sa pamangkin.
“Sorry rin, Charlotte, sa lahat ng mga sinabi ko. Nabulagan ako noon. Patawarin mo ang tita,” saad ni Madelene.
Umiling ang dalaga. “Alam mo, tita, para mo akong hinamon. Dahil sa mga sinabi mo noon lalong tumindi ang kagustuhan ko na magtagumpay sa buhay. Pinanghawakan ko ang mga salita mo. Sabi ko, isang araw mapapatunayan kong mali ka. Ito na siguro ang oras na iyon. Magugulat ka pero ilang taon na lamang ay magiging isa na akong ganap na doktor.”
Napatungong muli si Madelene. Maiintindihan niya naman kung pagmamalakihan siya ni Charlotte. Hindi ba’t ganito rin naman siya noon?
Pero hindi niya inasahan ang kasunod na ginawa ng dalaga. Nilapitan siya nito at nakiyakap sa kanila ni Ate Choleng.
“Hindi naman po ako galit sa’yo. Maayos akong pinalaki ng nanay. Palagi niya akong pinaaalalahanan na huwag magtatanim ng galit sa kapwa lalo na sa’yo dahil kahit gaano pa kasakit ang ginawa mo noon ay mahal na mahal ka pa rin po ng nanay ko.”
Lalong napaiyak si Madelene. Sa kabila ng lahat ng kaniyang kasamaan ay ito pa rin ang isinukli ng kaniyang pamilya. Nagsisi si Madelene sa mga kasalanan at nagsimulang muli.
Nagtulungan silang tatlo para makatapos sa pag-aaral si Charlotte. Bumawi si Madelene sa mag-ina. Wala na ang ningning ng Amerika pero masaya naman ang puso niya dahil kumpleto sila.