
Sobrang Selos
Tatlong taon nang nobyo ni Jane si Erico. Pero hanggang ngayon, wala pa rin siyang tigil sa kaseselos. Hindi naman sa wala siyang tiwala sa lalaki. Ang totoo niyan, napaka-loyal nga nito at mabait pa.
“Hon, tiningnan niya lang naman ako. Natural may mata ang tao.. mapapasulyap sa paligid.” pagpapa-kalma sa kanya ng binata isang gabing kumakain sila ng hapunan.
“Iba kaya ang tingin niya! Babae ako, alam ko kapag naglalandi ang kapwa ko babae!” nanggagalaiti namang sabi niya.
Bumuntong hininga si Erico. “Okay, so sabihin na nating tama ka na nagpapa-cute siya sa akin. So what? Do you really think na papatulan ko siya? Wala ka bang tiwala sa akin? Come on babe don’t make a scene. It’s our anniversary.” paalala nito.
Pero di nagpatinag si Jane. Tumayo siya bitbit ang isang baso na may lamang malamig na tubig.
“Babe, may tiwala ako sayo. Sa ibang babae ako walang tiwala. Hindi pwedeng may aagaw sayo.” iyon lang at tinalikuran niya na ang lalaking halos ipukpok na ang ulo sa mesa para matauhan lang ang nobya.
Lumapit si Jane sa pinag iinitang babae at bigla itong binuhusan ng malamig na tubig sa mukha.
“What the hell miss?! Ano’ng problema mo? My God! Ang damit ko!”
“Ah talaga, tawagin mo talaga si God, dahil baka magkita na kayo kapag hindi ka tumigil sa katitingin mo sa boyfriend ko!” tiim bagang na wika niya.
“Ano’ng pinagsasabi mo? I don’t even know you, o ang boyfriend mo! In fact I am waiting for my husband! Sinasabi ko sayo miss may kalalagyan ka I will sue you-”
“Pasensya kana talaga. My girlfriend just had a rough day. Come on.” akay sa kanya ni Erico palayo.
“Ano ba! Let go of me! Pinagtatanggol mo pa iyang babaeng yan! Ano ba!” nagpumiglas siya pero di na siya nakapalag pa dahil binuhat na siya ng binata at isinakay sa kotse nito.
“Jane kailan ka ba matatauhan? Mahal na mahal kita! Hindi ito ang unang beses na nag-eskandalo ka dahil sa pagseselos mo. Hindi ko na alam ang gagawin ko sayo, wala naman akong iba pero kung magduda ka ay grabe!” aburidong wika ni Erico.
Habang nagmamaneho ito ay nag-aaway silang dalawa. Alam naman ni Jane ang sinasabi nito, makitid lang talaga ang utak niya.
“Yan! Yan, pinagtatanggol mo pa. Siguro ay may relasyon talaga kayo pero magaling lang kayong magtago. Ang kakapal ng mga mukha ninyo, lalo na ng babae mo na magpakita pa kung saan tayo nagdidinner!” galit na galit na sagot niya sa nobyo.
Huminto na ang kotse tanda na nasa tapat na sila ng kanyang apartment.
“Break na tayo! Baboy ka! Babaero!”
“Jane ano ba wag ka ngang padalus-dalos magdesisyon-”
“Hanggang hindi mo napapatunayan sa akin na wala kayong relasyon ng babaeng iyon, di kita babalikan.” matigas na sabi niya bago taas noong bumaba ng kotse.
Alam ni Jane na malaki ang pag ibig ni Erico sa kanya kaya ipaglalaban siya nito. Pero ganoon nalang ang panlulumo niya dahil ilang araw ang lumipas ay di pa rin ito nagpaparamdam.
Sumobra naman yata siya.
Sinubukan niyang tiisin ito pero siya rin ang sumuko. Pupuntahan niya na sa apartment nito. Magso-sorry siya at hihiling na magsimula silang ulit, tulad ng lagi niyang ginagawa.
“Nandyan po si Erico?” tanong niya sa landlady ng binata. May susi naman siya ng apartment nito pero nais niya lamang makasiguro.
“Oo, ilang araw na ngang hindi lumalabas eh. Madaling araw noong huli ko siyang nakita… may kasamang babae.”
Binalot ng kaba ang puso ng dalaga. Di yata’t nagkatotoo na ang mga bintang niya.
Nagmadali siyang humakbang patungo sa tapat ng pinto nito at sinusian iyon. Siniguro niyang hindi masyadong maingay para mabuking niya kung ano man ang nangyayari sa loob. Lintik, lintik ka talaga Erico!
Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang ilang bote ng alak na nagkalat sa sahig. May bag rin ng ibang babae sa sofa. Sigurado siya, hindi kanya iyon!
“Erico!” sigaw niya. Nakarinig siya ng ilang kalabog sa kwarto. Maya-maya pa ay lumabas ang kanyang nobyo, gegewang gewang itong maglakad.
Nanlaki ang mata ni Jane nang makitang buhat nito ang babaeng nakaaway niya sa restaurant noong isang araw..duguan at walang buhay.
Nakangisi ring parang demonyo ang kanyang nobyo, padabog na inilapag nito ang katawan ng babae sa harap niya. Tapos ay may kinuha sa bulsa.. baril!
“A-Anong ginawa mo..” nangangatog si Jane.
Tumawa nang pagkalakas-lakas si Erico, “Sabi mo wag akong haharap sayo na di ko napapatunayang ikaw lang ang mahal ko. Binalikan ko siya sa restaurant at kinaladkad ko. Binaril ko. Siguro naman.. naniniwala ka nang ikaw lang?”
Pagkasabi noon ay lumuhod ito, isinubo ang baril at ipinutok iyon. Tagos ang bala sa ulo.
“Wag!” malakas na sigaw ni Jane.
“Pampakalma! Turukan mo ng pampakalma!” sigaw ng doktor sa mga nurse.
Ilang buwan na ang nakalipas nang mangyari ang insidente. Hindi kinaya ng utak ni Jane ang mga nasaksihan at bumigay iyon. Ngayon ay kasalukuyan siyang naka-confine sa ospital ng mga may diperensya sa pag iisip.
Kahit anong gamot ang ibigay sa kanya ay paulit-ulit pa rin ang pangyayari sa utak niya. Nage-echo rin ang boses ni Erico roon.
“Hindi na ako magseselos hindi na ako magseselos hindi na ako magseselos..” paulit-ulit na sabi niya habang iniuuntog ang likod sa headboard ng kama.
Laging tandaan na kahit pa pag-ibig, lahat ng sobra ay masama.