Katatapos lamang ng graduation ceremony sa unibersidad na pinagtatrabahuan ni Sir Nathan. Nakakataba ng puso na makitang sobrang laki ng ngiti ng mga magulang. Syempre, sa wakas ay may diploma na ang mga anak nila.
Napukaw ang atensyon niya ng dalawang estudyanteng kanina pa pala nagtutulakan kung sino ang mauunang kumausap sa kanya.
“S-Sir, pwede pong magpa-picture? Remembrance lang po.” nahihiyang wika ng isa.
“Oo naman!” natatawang sabi niya. Inakbayan ang mga ito habang kinukuhanan sila ng litrato.
Kinikilig na nagpasalamat ang dalawa pagkatapos.
Hindi na bago ang mga ganoong eksena, tatlong taon lang naman kasi ang agwat ng edad ng guro sa kanyang mga estudyante. Gwapo ito at matalino kaya natural lang na maraming nagkakagusto. Hindi pa siya feelingero- mababa ang kanyang loob.
Sa kabilang bahagi naman ng stage ay naroon ang ninenerbiyos na si Belinda.
“Magaling ka naman, kaya mo yan!” sabi niya sa sarili. Hinihimas pa ang medalyang hanggang ngayon ay nakasabit pa rin sa leeg niya. Siya kasi ang gumraduate na magna cum laude.
Ilang buntong hininga pa ang kanyang pinakawalan bago sinulyapan si Reymart, ang binatang itinatangi ng kanyang puso.
Naging magka-grupo sila sa isang project at mabait naman sa kanya ang binata. Sweet pa nga kaya madaling nahulog ang loob niya rito. At ito nga, balak niyang magtapat ng pag ibig bago man lang sila magkahiwalay. Para naman wala siyang ‘what if’ sa buhay niya diba?
Kaya lang, isang malaking katotohanan ang sumampal sa kanya. Hindi naman kasi siya maganda. Campus crush si Reymart at siya… campus clown. Ibig sabihin, sa kabila ng kanyang katalinuhan ay paborito siyang pagtawanan dahil sa angkin niyang katabaan.
Maganda naman ang kanyang mukha pero hindi iyon nakikita ng mga kaklase niya. Ang nagniningning lang sa mata ng mga ito ay ang malalapad niyang braso at tyan niyang puno ng kontrabidang baby fats.
“Bahala na.” wika niya tapos lakas loob na lumapit kay Reymart.
Napatingin sa kanya ang binata dahil titig na titig siya rito.
“Yes?”
“M-May gusto lang sana akong sabihin,” nakatungong sabi niya. Napansin niyang naghihintay ito kaya itinuloy niya na ang pagsasalita. “Gusto kasi kita Reymart.”
Sandaling katahimikan, “Kailan pa?”
“Simula nung naging partners tayo sa project kay Sir Nathan. Naalala mo? Ang sweet mo kasi at mabait kapa kaya.. kaya napalapit ako sayo.”
Pa-kapalan na ng mukha!
Hindi ulit sumagot ang binata kaya tiningnan niya ang mukha nito. Noong una ay nakangiti ito, pero ang ngiti ay napunta na sa tawa. Malakas na tawa na tumawag sa atensyon ng lahat. Pinagtinginan tuloy sila.
“Guys! Guys, you won’t believe it. Pero nagtapat sa akin si Belinda na gusto niya raw ako! Naging nice lang ako sa kanya during the project kasi matalino siya, nag-assume na agad!” bumunghalit pa itong muli ng tawa at mas malala na ngayon dahil sinabayan na ito ng iba pang mga estudyante.
Tiningnan siya nito, “Oo matalino ka, but do you really think na papatol ako sa tulad mo? Kayo? Do you think papatusin ko si Belinda at ang bilbil niya?”
Umugong muli ang halakhak ng mga naroon. Umiiyak na tumakbo palayo ang dalaga, hiyang-hiya at wasak ang puso.
Makalipas ang pitong taon, napagkasunduan ng batch nila na magkaroon ng reunion.
Isa si Reymart sa mga naunang pumunta. Hanggang ngayon ay di nawawala ang kayabangan siya sa katawan at feeling gwapo pa rin kahit na ang totoo ay mabilis siyang pinarusahan ng panahon. Napanot siya agad, umitim rin at lumaki na ang tyan. Ang laki ng itinanda ng kanyang itsura.
May asawa na siya pero sadya siyang babaero. Kung sinu-sino ang pinapatulan niya, kahit yata posteng lagyan ng palda ay hindi niya paliligtasin.
Katatapos lamang ng programa at nagkukwentuhan na lamang silang lahat pero may mga dumarating pa rin silang ka-batch.
Isa sa mga nakatawag sa kanyang atensyon ang malapad na babaeng pumasok sa venue. Hindi niya pwedeng makalimutan ang mukha nito. Hindi ba ito sa Belinda na baliw na baliw sa kanya noon? Nakangising nagsalita si Reymart sa mga kasama sa table.
“Guys, tingnan ninyo. Si Bilbilin o. Lalapitan ko ha, sigurado akong head over heels pa rin sa akin yan.” mayabang na wika niya.
Taas noo siyang tumayo at lumapit rito. Habang naglalakad siya ay namasdan niyang maganda pala ang mukha ng babae, kumbaga ay hindi na rin pahuhuli.
“Hi Belinda,” pa-cute na sabi niya. Nagbulungan naman ang mga kaklase nilang nakakita na nag uusap sila. Sino ang makakalimot sa eksena ni Belinda noon?
“Hello,” nakangiti namang wika ng babae.
Sabi na eh, may gusto pa rin.. sa loob loob ni Reymart.
“Pwede ka bang yayaing lumabas after this? Yung.. yung tayo lang dalawa? Ang ingay kasi rito, hindi kita maso-solo.” walang paliguy-ligoy na sabi ni Reymart.
“Hindi ako pwede, sorry.” diretsahan rin namang sagot ni Belinda.
“Mabilis lang naman. Kape lang ganyan, kwentuhan. Para naman makabawi tayo sa mga taong lumipas.”
“Hindi talaga eh. Pasensya kana Reymart-”
“Alam mo ang arte mo. Ikaw na nga itong nilalapitan nagpapakipot ka pa. Bakit? Gumaganti ka? Di ka pa rin maka-move on sa pangpapa-hindi ko sayo noon?”. Sinadya niyang lakasan ang boses para marinig ng lahat.
Bago pa man makasagot muli si Belinda ay may humawak na sa bewang nito at kinabig ito palapit. Nanlaki ang mata ni Reymart.
“S-Sir Nathan?”
Nakangiting nagsalita ang dating guro, “Kumusta kayong lahat? Matagal na rin tayong hindi nagkita. Hindi na ako nakapagturo after your batch dahil kinailangan kong tumulong sa negosyo ng pamilya.
Pero invited pa rin ako rito not as a professor, but as Belinda’s husband! Yes Reymart, she’s my wife. Wag mo siyang kausapin ng ganyan.” mapanganib na sabi nito kay Reymart. Bagamat nakangiti ay matigas ang boses at puno ng awtoridad.
Lalong nawindang ang mga tao, inggit na inggit kay Belinda dahil napangasawa nito si Sir Nathan! Lalo kasing gumwapo ang lalaki.
Hindi kasi inaasahan noon na ang unang trabahong mapasukan ni Belinda ay pag-aari ng pamilya ni Nathan. Ito ang naging boss niya. Sa pagkakataong iyon ay naging matigas na ang kanyang puso, hindi na siya basta-basta nahuhulog sa kabaitan ng isang tao pero pinatunayan ni Nathan na iba ito. Hindi nito nakikita ang katabaan ng katawan niya, bagkus ang katabaan ng kanyang puso.
Napapitlag pa siya ng himasin nito ang kanyang tyan.
“Chubby pa rin si misis, paano kasi ay buntis na siya sa aming panganay.” proud na dagdag ng kanyang mister.
Napapahiyang tumakbo si Reymart palabas. Ni minsan ay di niya naman ginustong gantihan ito pero ang kanyang asawa na ang gumawa noon para sa kanya.
Napangiti si Belinda. Kadalasan talaga ay kukwestyunin natin kung bakit parang sinasadya ng Diyos na masaktan tayo. Di natin alam na inilalayo niya lang tayo sa mali at inihahanda sa pagdating ng tamang tao.