Inday TrendingInday Trending
Pangarap na Pinigilan ng Magulang

Pangarap na Pinigilan ng Magulang

“Mama, gusto ko po kasi talagang mag-apply sa Manila. Mas maraming oportunidad doon, ma! Payagan mo na naman ako. Para sa inyo rin naman ito,” mangiyak-ngiyak na pangungumbinsi ni Rowena sa kaniyang naglulutong ina.

“Rowena, hindi mo naman kailangang mag-apply sa Manila para makaalwan sa buhay. Delikado doon. Hindi mo ba naiisip ‘yun? Tsaka ‘di ba kapag doon ka nakapagtrabaho mag-uuwian ka pa. Paano kapag may bagyo? Paano kapag hindi ka nakauwi at na-stranded ka doon?” pag-uusisa ni Aling Perla sa anak. Ayaw niya itong payagan dahil sa lagay ng Maynila ngayon na puro krimen at anomalya.

“Mama, huwag mo kasing isipin ‘yung mga ganoong bagay. Hindi talaga ako makakakuha ng magandang trabaho kung iyan ang ilalagay ko sa isip ko,” depensa ng dalaga

“Pero kailangan mo nga isipin ‘yung mga ganoong bagay. Kikita ka nga ng malaking pera pero buhay mo naman ang malalagay sa peligro. Kung hindi naman kalusugan mo. Siyempre maaga kang gigising, matutulog ng madaling araw. Akala mo ba robot ka?” sermon ng ginang tsaka unti-unting ginisa ang kanilang ulam.

“Mama, ganoon talaga. Sa una lang naman iyon, eh. Siyempre kapag may sapat na akong ipon kukuha na ako ng apartment malapit sa trabaho ko,” sagot ng dalaga. Pilit niya pa ring kinukumbinsi ang ina.

“O, tapos hindi ka na uuwi dito? Magtigil ka. Huwag ka nang lumuwas. Sinasabi ko sa’yo, ha,” tuwirang tugon ng ginang tsaka isinara ang kalan at umalis ng kusina. Naiwan namang naiiyak ang dalaga.

Bagong graduate lamang sa kolehiyo ang dalagang si Rowena. Bata pa lamang siya ay pangarap niya na talagang magtrabaho sa Maynila. Ang paniniwala niya kasi ay katulad ng ibang probinsyana, maganda ang buhay doon.

Ngunit dahil naman sa mga balitang kumakalat ngayon na maraming pinap*slang at nawawalang dalaga sa lugar ay ayaw siyang paluwasin ng kaniyang ina. Ang dahilan nito ay kikitain niya rin naman sa lugar nila ang kikitain niya sa Maynila.

Kahit pa hindi ito ang kagustuhan ng dalaga ay sinunod niya pa rin ang kaniyang ina. Kahit halos araw-araw siyang umiiyak dahil nabalitaan niyang ang mga kaklase niyang lumuwas ng Maynila ay kumikita na ng malaking pera at ang iba pa nga’y may condo na raw. Tiniis ng dalaga ang lahat para lamang sundin ang ina. Tinago niya ang inis at inggit na nasa puso niya.

Lumipas ang ilang buwan at nakahanap na rin ng trabaho ang dalaga sa isang bangko malapit lamang sa kanilang tinitirhan. Sapat naman ang kita niya upang makatulong sa gastusin sa kanilang bahay. Nakakaipon na rin siya dahil wala pa naman siyang tinutustusang sariling pamilya.

Isang gabi ay kakauwi lamang ni Rowena nang naabutan niyang nanonood ng balita ang kaniyang ina. Nagmano lang ang dalaga sa kaniyang ina pero nagulat siya nang yakapin siya nito.

“Mama? Bakit po? May problema po ba?” pag-uusisa ng dalaga tsaka niyakap rin ng mahigpit ang ina.

“Wala. Natutuwa lang ako sa’yo. Alam ko kung gaano mo kagustong magtrabaho sa Maynila pero nandito ka ngayon, nagtitiis magtrabaho para sa pamilya natin. Masaya rin ako na sinunod mo ko. Alam mo na ba ‘yung balita?” tugon ng ginang tsaka bumitaw sa pagkakayakap sa anak.

“Ano pong balita?” tanong ni Rowena. “Iyong kaklase mo noon na mayaman na ngayon inabangan daw sa labas ng pinagtatrabahuan niya. Tapos, ayun, pin*slang. Kinuha ‘yong mga ATM niya, mga pera at susi ng condo. Tapos nilimas ‘yung condo niya. Ngayon sising-sisi ‘yung mga magulang nung dalaga,” mangiyak-ngiyak na kuwento ng ginang. Medyo malapit kasi ang loob nito sa biktima. Natulala naman ang dalaga sa balitang narinig.

“Buti na lang po pala talaga, ano? Buti na lang nakinig ako sa inyo. Salamat po talaga, mama,” iyak ng dalaga sa ina. “Hindi man ako kumikita ng pera na kasing laki ng sa kanila ligtas naman ako at malapit pa sa inyo. Ngayon ko napagtanto, mama, na mas mayaman pala ako sa kanila dahil bukod sa may sapat akong kinikita nakikita’t naaalagaan ako ng pamilya ko,” sambit ni Rowena tsaka niyakap ng mahigpit ang kaniyang ina.

Matapos ng kanilang pag-uusap ay napagdesisyunan nilang makiramay sa pamilya ng biktima. Nabalitaan rin kasi nilang naiuwi na raw ang bangkay nito.

Dahil sa balitang iyon ay mas lalong nagpursigi ang dalaga sa kaniyang trabaho. Naging kuntento at masaya siya sa kaunting salaping mayroon siya dahil nakakapiling naman niya ang tunay na kayamanan niya, ang kaniyang pamilya.

Lagi nating tandaan na ang kagustuhan ng ating mga magulang ay para lamang sa ating kabutihan. Maaaring hindi natin ito naiintindihan ngayon pero darating ang araw na mauunawaan din natin sila at ipagpapasalamat natin na nakinig tayo sa kanila.

Advertisement