Inday TrendingInday Trending
Trabaho lang Walang Inggitan

Trabaho lang Walang Inggitan

“Isabel, may pera ka ba diyan? Walang-wala na kasi ako, eh. Kailangan ko pang bumili ng napkin ko. Sumakto namang nagkaroon ako kung kailan wala akong pera. Pasensya ka na, ha. Kahit limang dolyar lang. Kasya na iyon,” pagmamakaawa ni Nemi sa kaniyang Pinay na katrabaho isang umaga sa kanilang inuupahang apartment.

“Naku, pati ba naman pangtapal mo sa bataan mo iuutang mo sa akin. Wala ka ba diyang pera kahit tatlong dolyar? Sakto na iyon. Makakabili ka na sa convenient store diyan sa tapat ng tatlong piraso,” iritableng sagot ni Isabel tsaka nagtalukbong ng kumot.

“Wala talaga, eh. Isang dolyar na lang ito. Hindi na ‘to aabot. Babayaran naman kita sa sweldo, eh. Pangako kung may mag-tip sa akin mamaya sa trabaho ibibigay ko sa’yo,” pagmamakaawa ni Nemi sa katrabaho. Dumarami na rin kasi ang tagos sa kaniyang pwetan.

“Wala na rin talaga akong pera, Nemi. Pahiramin na lang kita ng napkin. Kumuha ka na lang diyan sa maleta ko. Palitan mo iyan, ha? Tsaka ‘yung mga tip mo mamaya ibibigay mo sa akin, ha?” paninigurado ni Isabel tsaka pinabukas ang kaniyang maleta upang makakuha ng napkin ang dalaga.

“Oo, pangako! Maraming salamat!” tuwang-tuwang sambit naman ni Nemi tsaka nagmamadaling nagpunta sa banyo upang maagapan ang kumakalat na dugo sa kaniyang suot na short.

Isang OFW sa Amerika ang dalagang si Nemi. Mag-iisang taon pa lamang siyang nagtatrabaho dito at halos lahat ng kaniyang kinikita ay direkta niyang ipinapadala sa kaniyang pamilya sa Pinas kaya madalas siyang kapusin ng perang panggastos sa sarili.

May sakit kasi ang kaniyang ina at ito ang naging dahilan upang mag-abroad siya kahit pa hindi niya nais na mawalay sa pamilya niya.

Isang waitress ang dalaga sa isang sikat na kapehan sa naturang bansa. Dumadagsa ang mga customer sa kapehan kapag alam nilang siya ang magsisilbi sa kanila. Masiyahin kasi ang dalaga at sobrang mapagkumbaba.

Nung araw ding iyon, sa oras ng trabaho ni Nemi ay dumagsa ang mga tao. Naglalakihan ang mga tip na ibinibigay sa dalaga ngunit katulad ng ipinangako nito sa katrabaho ay inintrega niya ang lahat nang natanggap niyang tip dito.

Ngunit may isang customer na tila kulang ang dalang pera.

“Iha, Pinoy ka, ano?” tanong ng isang ginang “Opo. Ma’am, kayo rin po?” nakangiting tugon at pag-uusisa ni Nemi.

“Oo! Naku, kabayan, kulang ng isang dolyar ang pera ko. May naisip ka bang paraan para mabayaran ko ang kulang ko? Naiwan ko kasi ang wallet ko,” kamot-ulong sambit ng ginang. “Ayos lang po, ma’am. Ako na po ang magbabayad ng kulang,” alok ni Nemi. Napangiti naman ang ginang.

“Maraming salamat! Pangako babawi ako sa’yo,” saad ng ginang tsaka nito niyakap si Nemi bago umalis.

Kinabukasan ay nagulat si Nemi nang may nagbigay sa kaniya ng isang bulaklak at mga lobo. May sulat pa itong nakalagay at isang puting sobre. “Salamat sa kabaitan mo, iha. Pagpalain ka pa sana.” Agad namang binuksan ni Remi ang sobre at nagulat siya nang makita ang isang tsekeng naglalaman ng anim na daang dolyar. Hindi makapaniwala ang dalaga dahilan para tumili ito ng malakas sa sobrang tuwa.

Agad itong narinig ni Isabel dahilan para mag-usisa ito. Nang malaman niyang may nagbigay kay Nemi ng malaking halaga ng pera ay agad niya itong pinapunta sa kusina para hindi na makita pa ng mga customer.

“Dito ka na lang, ha? Tama na ang pambobola mo sa mga customer! Puro ikaw na lang ang napapansin! Kaya simula ngayon ay dito ka sa loob ng kusina’t maghuhugas ng plato!” inis na wika ni Isabel.

“Pero hindi puwede. Nag-apply ako bilang waitress dito at hindi bilang tagahugas!” reklamo ng dalaga.

“Wala kang magagawa kung ilagay kita diyan. Baka nakakalimutan mo na mas mataas ang ranggo ko sa’yo!” bulyaw ni Isabel dahilan para manahimik na lamang si Nemi at sinimulan ang paghuhugas ng mga plato.

Ngunit tila kumalat na ang kabaitang ginawa ng dalaga dahilan para hanapin siya palagi ng mga customer. Ito rin ang naging dahilan kaya tumaas ang posisyon ng dalaga sa nasabing kapehan.

Bumisita muli sa kapehan ang ginang na tinulungan ni Nemi. Doon nalaman ng dalaga na asawa pala ito ng kasalukuyang alkalde ng kanilang lalawigan at pilit siyang kinukuha nito bilang personal assistant. Ngunit hindi tinanggap ni Nemi ang alok na trabaho dahil hindi pa tapos ang kaniyang kontrata.

Mas lalo namang nainggit si Isabel sa dalaga kaya walang tigil pa rin ang babae sa pagpapahirap kay Nemi tuwing mabibigyan ng pagkakataon. Ngunit hindi nagpapaapekto si Nemi sa kaniya bagkus ay lalo pa siyang nagsipag sa pagtatrabaho. Ang sabi nga niya sa inggitera niyang katrabaho, “Pagmalupitan mo man ako ang kabaitan ko ang haharap sa iyo.”

Naging malayo man ang loob ni Isabel kay Nemi ay hindi na ito inintindi ng dalaga. Ginawa niya na lamang ang lahat ng kaniyang makakaya para makapagbigay ng maayos na serbisyo sa kanilang mga customer.

‘Di kalaunan ay napagtanto din ni Isabel na mali ang mainggit sa tagumpay ng kasamahan sa trabaho. Humingi siya ng tawad kay Nemi at agad naman siya nitong pinatawad.

Natural sa trabaho ang magkainggitan ngunit nasa atin ang desisyon kung hahayaan ba nating lamunin tayo nito o hindi. Mas mainam na gamitin nating inspirasyon ang tagumpay ng iba at lalo tayong magsikap para iangat ang ating sarili.

Advertisement