“Arnold! Ano ba yan? Kahapon pa nangangamoy iyang medyas mo! Hindi mo man lang labhan! Sumasakit na ang tiyan ko dahil sa amoy!” sermon ni Mang Melvin sa kaniyang anak na abala sa paglalaro ng selpon.
“Tatay, wala na akong maruming medyas. Naglaba na po ako kagabi, ‘di ba? Ayan na nga po at nakasampay na sa ulunan niyo,” katwiran ni Arnold sa kaniyang ama tsaka bumalik sa paglalaro ng selpon.
“Eh, ano ‘yung nangangamoy? Ang baho, baho! Tignan mo nga sa likuran baka naman may walang buhay na pusa na naman doon. Nakakainis na iyan. Dalawang araw na! Akala ko naman ‘yung medyas mo lang iyon,” galit na sambit ni Mang Melvin dahilan upang mapabitaw ang binata sa hawak-hawak na selpon.
“Tatay, bakit naman po mangangamoy ng ganoon kabaho ‘yung medyas ko? Kahit nga po ako nababahuan na, eh. Akala ko nga po may kin*til na naman kayong daga,” tugon ng binata dahilan para mapaisip naman si Mang Melvin.
“Tsaka, tatay, gabing-gabi na, eh. Bukas ko na lang po titignan. Ayos lang po ba? Pangako susuyurin ko ang bakuran natin makita lang iyon,” dagdag pa ni Arnold tsaka umaksyon na parang nanunumpa. Napatawa naman ang kaniyang ama dahil dito.
“O, sige. Maaga ka na lang gumising bukas, ha? Baka magkasakit na tayo dahil sa amoy na ‘yan. Hindi ko na kaya, eh. Tsaka nakakahiya na sa mga kapitbahay natin. Pati sila nababahuan na. Hayaan mo kapag wala akong trabaho bukas tutulungan kita,” alok ni Mang Melvin sa anak. Tumungo naman ang binata tsaka nagpasyang magpahinga na.
Sa loob ng isang taong paninirahan ng mag-ama sa kanilang inuupahang bahay ay ngayon lamang sila nakaamoy ng ganoon kabahong bagay. Tila dalawang araw na itong nangangamoy at nakakaapekto na talaga sa kanilang kalusugan.
May pagkakataon pa ngang kinakatok na ang kanilang gate ng mga kapitbahay nila upang tanungin kung alam ba nila kung saan nanggagaling ang mabahong amoy na iyon. Ito ang dahilan kaya’t nagpursigi ang mag-ama na alamin kung saan ba ito nanggagaling.
Kinabukasan ay maagang nagising si Arnold upang magkalkal sa kanilang likuran. Pagpunta niya sa kanilang likuran ay tila mas umalingasaw ang amoy.
“Naku, mukhang dito talaga nanggagaling ‘yung amoy, ha. Nakakainis naman. Ang sakit na talaga sa tiyan!” inis na wika ng binata sa sarili tsaka nagpatuloy sa pagkakalkal.
Napansin ni Arnold ang isang maliit na bahay sa likuran ng mga puno. Nakalimutan nilang mag-ama na bukod sa kanila ay may nangungupahan pa sa lupang ito.
Pinuntahan ng binata ang bahay na nakita niya upang magtanong. Ngunit habang palapit siya nang palapit ay mas lalong nangangalingasaw ang amoy dahilan para masuka siya sa may tapat ng pintuan ng bahay. Agad namang lumabas ang nangungupahan nang marinig ang pagduwal niya. Mas lalo pang nasuka si Arnold pagbukas ng pintuan dahil lalong tumindi ang masangsang na amoy.
“Ayos ka lang ba? Teka ikukuha kita ng tubig,” wika ng isang lalaki ngunit pinigil naman ito ni Arnold.
“Naku, huwag na po. Aalis rin po ako kaagad. Tatanungin ko lang po sana kung alam niyo kung saan nanggagaling ‘yung mabahong amoy,” sagot ni Arnold. Nataranta naman ang lalaki at tila nais nang isara ang pintuan ng bahay niya.
“May tinatago po ba kayo?” dagdag pa ng binata. “Wala. Bakit ba?” ilang na tugon ng lalaki.
“Sabihin niyo na po kung mayroon. Pangako tutulungan ko po kayo,” malumanay na sambit ni Arnold. Napaisip ang lalaki ng ilang minuto bago nito bigla hinila ang binata papasok ng bahay.
Doon natunghayan ni Arnold ang walang buhay na katawan ng isang babae. Nakasuot ito ng isang puting bestida at isang belo.
“Gusto ko kasi siyang pakasalan. Kaso binawian siya ng buhay noong isang linggo. Hindi ko hahayaan na hindi ko matupad ang pangako ko sa kaniya,” iyak ng lalaki
Tinupad ni Arnold ang pangako niya na tulungan ang binata. Nung araw ding iyon ay nakiusap siya sa kilalang pastor ng ama niya kung maaari nitong ikasal ang dalawa. Sa kabutihang palad naman ay sumang-ayon ito lalo pa nang malaman nito ang sitwasyon ng lalaking durog ang puso dahil sa pagkawala ng minamahal.
Matagumpay na naikasal ang lalaki sa walang buhay na babae. Labis na lamang ang iyak nito sa kasiyahang nararamdaman. Pagkatapos ng seremonya ay agad na nagpasiya ang lalaki na palayain na ang babae at ilibing kahit pa labis itong nasasaktan.
Kinabukasan ay nawala na ang mabahong amoy. Labis ang tuwa ng ama ni Arnold dahil sa wakas ay muli silang nakakalanghap ng malinis na hangin. Lingid sa kaalaman ni Mang Melvin ang pinagdaan ng anak. Nakangiti lang si Arnold sa isang sulok habang pinagmamasdan ang masayang ama.
Simula nung araw na iyon ay palagi nang dinadalaw ni Arnold ang lalaking naninirahan sa kanilang likuran. Minsan pa nga’y tinutulungan niya itong maglinis o kaya naman ay sinasamahan niya itong magkape minsan. Tuluyan na ring nawala ang mabahong amoy sa kanilang lugar.