Inday TrendingInday Trending
Kalbaryo sa Piling Mo

Kalbaryo sa Piling Mo

Lumaki si Lourdes na kahit kailan ay hindi nakikilala ang kaniyang mga magulang. Tanging ang tiyahin lamang niya ang siyang nagpalaki sa kaniya hanggang sa kaya niya nang itaguyod ang kaniyang sarili.

Sa hirap ng buhay na kaniyang kinagisnan ay hindi na siya nakapag-aral pa. No read no write si Lourdes nang lumuwas ng Maynila galing sa probinsya nila sa Visayas upang sana’y makapaghanapbuhay. Ngunit hindi naging madali ang buhay niya rito sa siyudad. Katulad rin ng tipikal na kuwento ng karamihan sa mga probinsyana’t probinsyanong lumuluwas ng Maynila.

Sa awa ng Diyos ay isang mabuting mag-asawa ang tumanggap kay Lourdes at nagbigay ng trabaho upang siya’y maging isang kasambahay. Nakatira ang kaniyang mga amo sa isang exclusive subdivision kung saan ay may nakilala naman siyang isang lalaki, si Kevin.

Guard ang binata doon sa exclusive subdivision kung saan nagtatrababo si Lourdes. Dahil sa palagiang pagkikita ay nagkakabiruan noong umpisa ang dalawa hanggang sa lumalim nang lumalim nang lumalim ang kanilang relasyon at nahantong na nga sa pagiging magkasintahan ang kanilang pagmamahalan.

Wala namang tutol ang mag-asawang amo ni Lourdes ngunit pinaalalahanan nila ang babae na kilalanin pa rin ang nobyo para na rin sa sariling kaligtasan. Ngunit sadya nga yatang ganoon ang pag-ibig kapag ika’y tinamaan. Hahamakin ang lahat masunod lamang.

Idagdag pa ang palaging iniisip ni Lourdes tungkol sa kaniyang sarili. “Magiging mapili pa ba ako? Masuwerte nga ako’t may nagmamahal sa akin kahit no read no write ako.”

Hindi nagtagal at umabot na nga sa kasalan ang relasyon nina Lourdes at Kevin. Labis iyong nakapagbigay ng galak sa babae na noo’y mas pinili na lamang na umalis na sa trabaho upang maituon ang kaniyang atensyon sa kanilang magiging pamilya.

Puno ng pagmamahalan ang mga unang buwan ng pagsasama nina Lourdes at Kevin kaya naman hindi nakapagtataka na agad na nagbunga ang halos gabi-gabi nilang pagniniig. Nabuntis si Lourdes.

Lingid sa kaalaman ng babae ay doon pala magsisimula ang kalbaryo niya sa piling ng asawa.

Nagsimula sa mga simpleng pag-aaway dahil sa gabi-gabing pag-iinom ni Kevin at ang minsa’y hindi nito pag-uwi sa kanilang bahay. Hanggang sa nagkaroon na sila ng sakitan na kalauna’y nauwi sa pambubugbog sa kaniya ng asawa sa kabila ng kaniyang pagdadalantao.

Isang masakit na katotohanan pa ang nabuking ni Lourdes tungkol sa asawa na halos ikadurog na ng kaniyang pagkatao, may babae ito.

Ang masaklap pa’y nagawa pang dalhin ni Kevin ang babae nito sa kanilang tahanan at pagsamahin sila sa iisang kama! Talagang napakasakit ang nararamdaman ni Lourdes nung mga sandaling iyon.

“Shane.” Naglakas-loob si Lourdes isang araw na kausapin ang kabit ng kaniyang mister. “Hindi na ako tututol sa inyo ni Kevin kung talagang nagmamahalan kayo pero puwede ba akong makiusap sa’yo na kupkupin muna ninyo ako hanggang sa mailuwal ko ang anak ko’t puwede na ulit akong magtrabaho?”

Nang mga panahong iyon kasi ay naririnig ni Lourdes na nag-uusap sina Kevin at Shane at mukhang binabalak na ng mga itong paalisin siya sa sarili nilang tahanan.

Ngunit tila naging bingi ang babae sa pakiusap ni Lourdes dahil nang gabi ring iyon ay ipinagtabuyan nito si Lourdes sa tulong ni Kevin upang palayasin na sa kanila mismong tahanan!

Hindi alam ni Lourdes nung mga panahong iyon kung saan siya tutungo hanggang sa maalala niya ang kaniyang mga dating amo.

“Diyos ko, Lourdes, paano nagawa iyon ng asawa mo sa’yo?” galit na bulalas ng among babae ni Lourdes nang pinuntahan niya ang mga ito na umiiyak nung gabi ring iyon.

“Patawarin ako ng Panginoon pero mapapat*y ko ang lalaking ‘yan dahil sa ginawa niya sa’yo! Ang mabuti pa’y dumito ka muna, anak. Idedemanda natin ang asawa mong iyan at kami na ang bahalang tumulong sa’yo sa pagpapalaki sa bata!” ang matigas at maotoridad namang pahayag ng among lalaki ni Lourdes.

Tunay na naging mabuti kay Lourdes ang kaniyang mga amo na halos hindi na naging iba ang turing sa kaniya at sa kaniyang anak. Naging mabilis ang pagdedemanda nila sa kaniyang asawa na hindi niya akalaing pupuwede pala.

Nang isilang ni Lourdes ang kaniyang anak ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na kailan man ay hindi niya ipadarama sa kaniyang anak ang kakulangang naramdaman niya sa kaniyang pagkatao. Salamat sa kaniyang dating mga amo na ngayon ay tuluyan na siyang kinupkop bilang anak at ang anak niya bilang apo naman ng mga ito.

Advertisement