Inday TrendingInday Trending
Kumare, Anyare?

Kumare, Anyare?

Parehong nagtitinda lamang noon ng kakanin at mga meryenda ang magkumareng Jill at Nami. Halos sabay nga sila kung dumating sa kaniya-kaniyang mga puwesto at sabay din naman kung magsiuwi.

Noong una’y talagang wala lamang sa kanila ang pagiging magkakompitensya sa negosyo dahil para sa kanila’y parehas lang naman silang naghahanapbuhay ng marangal. Halos hindi na nga mapaghiwalay ang dalawa dahil kahit sa pamamalengke ng kanilang mga sangkap ay palaging magkasabay.

Nagbago lang ang lahat nang mag-umpisang magkaroon ng mga regular na suki si Nami dahil sa sarap nitong magluto ng kakanin bukod pa sa galing nito sa pagse-sales talk. Maamo kasi ang mukha ni Nami at tila madaling pakisamahan ‘di katulad ng palaging nakasimangot na mukha ni Jill na halos maya’t maya ay bukambibig din ang sangkatutak na reklamo.

Kesyo “Ang init naman ng panahon!” o ‘di kaya’y “Nakakatamad naman dahil ang tumal!”

Wala kasing tiyaga sa katawan ang babae kung kaya’t ang dati’y halos magkasabay na landas ng dalawa ay tuluyan nang naghiwalay.

Ilang panahon pa ang lumipas at lumaki nang lumaki ang kita ni Nami lalo na nang magdagdag ito ng puhunan. Dahil tuloy roon ay nakapagpundar ito ng isang tricycle na ginamit naman ng asawa ni Nami bilang pambiyahe at pang-deliver ng kanilang mga paninda. Dumating kasi sa puntong naging supplier na sila ng kakanin sa iba’t iba ring tinderang mas gustong umangkat kaysa gumawa ng sariling paninda.

Matapos iyon ay sunod namang pinag-ipunan ni Nami ang pagpapatayo ng dalawang butas na bahay sa maliit na lupang ipinamana sa kanila ng mga magulang ng kaniyang asawa. Ang isa’y nakalaan para kanilang permanenteng tirahan samantalang ang isa naman ay upang maging kanilang paupahan.

Nang dahil sa sipag at tiyaga ay guminhawa ang buhay ni Nami mula sa pagtitinda ng kakanin.

Samantala hindi naman naging ganoon kaluwag ang panahon kay Jill. Pakiramdam nga nito’y naging malupit sa kaniya ang tadhana. Paano’y imbes na umangat ay unti-unting nabaon si Jill. Nalugi ang kanilang negosyo at halos naibenta na niya ang lahat ng kanilang mga kagamitan upang ipambayad utang.

Kaya naman ganoon na lamang ang inggit na naramdaman ni Jill patungkol sa kumare niyang si Nami. Inggit na kalauna’y nagdulot ng hindi magandang hakbang sa parte ni Jill.

Nagsimula sa pagkakalat niya ng maliliit na tsismis mula sa tunay na ugali ‘di umano ni Nami hanggang sa pag-iimbento niya ng mga kuwento na marumi ang mga kakaning itinitinda nito!

Hanggang sa nagkaharap sa baranggay ang dalawang panig.

“Ano ang naging kasalanan ko sa’yo, Jill, para gawin mo sa akin ang mga ginawa mo?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Nami sa hindi inaasahang ginawa ng dating kaibigan.

Hindi naman nakapagsalita si Jill dahil sa pagkapahiya. Mayroon kasing mga kasamang testigo si Nami. Iyong ilan sa mga suki nito maging ilang kasamahan din nilang tindera na una niyang pinagsabihan ng tsismis.

“Alam mo bang puwede kitang kasuhan ng paninirang puri dahil sa paninirang ginawa mo sa akin at sa negosyo ko? Jill, itinuring kitang kaibigan!” dagdag pa ni Nami.

Biglang nahintakutan si Jill sa narinig mula kay Nami. Hindi niya napaghandaan ang sitwasyong maaari siyang ipakulong nito dahil sa kaniyang mga ginawa! Ayaw niyang makulong!

Binalot ng takot ang kaniyang puso. Hindi lang para sa kaniyang sarili kung ‘di para na rin sa kaniyang mga anak. Tinatanong niya ang sarili kung bakit hinayaan niyang magkaganoon siya’t kung bakit siya nagpalamon sa inggit! Ngayon ay dapat niyang pagsisihan ang kabayaran ng kaniyang mga ginawa.

“Patawarin mo ako, Nami!” nagsisising saad ni Jill.

Napasinghap ang halos lahat ng mga tao sa barangay nang biglang lumuhod si Jill sa harap ng dating kaibigan.

“Inaamin kong binalot ako ng inggit dahil sa tagumpay na nakamit mo, Nami. Habang ako heto at patuloy na bumabagsak dahil sa sariling kong kagagawan. Patawarin mo ako, Nami! Nakikiusap akong huwag mo sana akong ipakulong dahil walang bubuhay sa mga anak ko,” humahagulgol pang pakiusap ni Jill sa ngayon ay lumalambot ng si Nami.

Napabuntong-hininga na lang si Nami. Hindi rin naman kasi kayang maatim ng kaniyang konsensiya na makulong ang dating kaibigang si Jill at maghirap ang mga anak nito gayong iniwan na rin ito ng asawa.

“Sige na. Tumayo ka na riyan. Pagbibigyan kita’t patatawarin sa pagkakataong ito alang-alang sa mga anak mo na siyang mga inaanak ko. Pero sana naman, Jill, ayusin mo ang ginawa mong problema sa paninira ng pangalan ko lalung-lalo na sa paninira ng negosyo ko! Huwag mo na sanang ulitin ‘to. Maaari ka namang lumapit sa akin kung kailangan mo ng tulong ko. Hindi naman kita pagdadamutan dahil kumare kita!” saad ni Nami.

Tagos sa puso ang mga iniwang salita ni Nami kay Jill na noon ay napahagulgol na lang dahil sa pagsisisi. Habang buhay niyang dadalhin sa kaniyang konsensiya ang kasamaang ginawa laban sa mabuting kaibigan niyang si Nami.

Advertisement