“Na-frame up lang ako! Hindi totoo ʼyang mga ibinibintang nʼyo sa akin!”
Halos hindi magkandatuto sa pagsigaw ang lalaking iyon nang ipasok ito sa selda ng isang Police Captain Kenneth Ramirez. Kasunod nila ang asawaʼt mga magulang ng lalaking nasakote nila sa isang buybust operation na tulak ng ipinagbabawal na gam*t, na matagal na palang pinaghahahanap ng pulisya.
“Sir, baka naman po pʼwedeng areglohin na lang natin para makalaya na agad ang anak ko? Magbibigay ho ako ng pera. Name your price,” taas noong panunuhol pa ng ama ng lalaking nasakote nila sa kaniyang pamumuno. Mukhang sanay na sanay na ito sa ganoong kalakaran, kaya pala kahit makailang ulit nang nagpabalik-balik sa selda ang anak nito ay mabilis lamang na nakakawala.
Napangisi si Police Captain Ramirez sa narinig mula sa kausap bago niya sinalubong nang taas noo rin ang tingin nito.
“Sige ho, Sir, mag-iwan na lang kayo rito ng pera…” Mapapangiti na rin sana ang ama ng nahuli niyang dr*g pusher kung hindi nga lang sana niya dinugtungan ang sinabi… “Para naman ho madagdagan ang ebidensya ko laban sa anak nʼyo at mas madagdagan din ang kaniyang sintensya. Abaʼy ang tagal na panahon ho akong pinahirapan niyan, e,” ang matapang, matuwid at puno ng katapatang sagot niya.
Natahimik ang manunuhol na ama sa kaniyang harapan. Para bang labis nitong ikinabigla ang kaniyang isinagot.
“Hindi mo kilala kung sino ang kinakalaban mo, Ramirez! Magpakasaya ka na ngayon, dahil hindi magtatagal at ipasisibak kita sa trabaho!” nang mapahiya nang todo ay pagbabanta na nito. Nanatili namang kalmado si Police Captain Ramirez na nooʼy may pahuli pang salita bago magsialis ang mga ito.
“Kilalang-kilala ko ho kayo, Mister Aguire, at handa ho akong tanggapin ang kung anumang ibabato ninyo sa akin.”
Kinabukasan ay isang napakalaking balita ang pumutok sa istasyong iyon ng kapulisan tungkol sa pulis na si Police Captain Ramirez na siyang nagsagawa ng buybust operation kung saan nasakote ang kilalang tulak ng ipinagbabawal na gamot na si Leonardo Aguire Jr.
Mayroon kasing report na isa raw itong korap na pulis na nanghihingi ng lagay sa pamilya ng kaniyang mga nasasakoteng biktima upang palayain niya ang mga ito. Suportado iyon ng ilang dokumento bilang ebidensya at isang voice recording kung saan tahasang maririnig ang boses ng naturang pulis na humihingi nga naman ng pera mula sa isang nagngangalang Leonardo Aguire Sr.
“Sige ho, Sir. Mag-iwan na lang ho kayo rito ng pera,” ang mga katagang maririnig sa voice recording na walang dudang nagmula nga sa tinig ng inirereklamong pulis.
Nasampahan ng kaso si Police Captain Ramirez na siyang naging dahilan upang siyaʼy masuspinde sa trabaho. Ngunit matapang na hinarap ng tapat na pulis ang mga aligasyong iyon sa korte. Sa katunayan ay kinontra niya ang reklamo sa kaniya sa pamamagitan din ng kaparehong pag-uusap sa pagitan nila ni Leonardo Aguire Sr. Ang ipinagkaiba lamang ay buo at walang bahid ng kasinungalingan ang kaniyang ebidensya, dahil isa iyong video recording!
Lingid sa kaalaman ng pamilya Aguire ay masugid ang naging pag-iimbestiga ni Police Captain Ramirez sa kanilang pamilya at alam na alam na nito ang kanilang signature modus operandi kaya naman naging madali na lang para dito na paghandaan ang kanilang paghaharap.
Noon mismong mga oras na hindi siya nilulubayan sa kabubuntot ng pamilya Aguire ay sinimulan na niyang i-on ang kaniyang video recording sa kaniyang cellphone at inilagay iyon sa bulsa ng kaniyang polo upang hindi makaligtas ang mukha ng mga kawatan.
Talagang napakatalino ng naging hakbang na iyon ng pulis kaya naman naging mabilis ang pagbabasura ng korte sa kasong inihain laban sa kaniya.
Samantala, tila pa nabaligtad ang sitwasyon sa pagitan ng pamilya Aguire at ni Police Captain Ramirez, dahil si Leonardo Aguire Sr. ngayon ang siyang humaharap sa kasong ‘briberyʼ o tangkang panunuhol na siyang magbubukas naman ng oportunidad para mas maimbestigahan ito nang malalim.
Talagang nakabibilib ang ginawang kabayanihan ni Police Captain Kenneth Ramirez, dahil sa pagpapakita nito ng katapatan at katatagang mapanindigan ang kaniyang sinumpaang tungkulin. Dahil doon, bukod sa agad siyang naibalik sa serbisyo ay nakatanggap pa siya ng parangal. Kinilala rin siya ng nakararami at nakuha niya ang simpatiya at respeto ng napakaraming taong nakaaalam ng nangyari.
Nawaʼy tularan din ng karamihan ang dedikasyon ni Police Captain Ramirez sa pagbibigay ng kaniyang serbisyong tapat at totoo sa sambayanang Pilipino.