Simula nang mapagtapos niya kasama ng kaniyang asawa ang dalawa nilang anak, napagdesisyunan na lamang ni Rita na mag retire na sa kaniyang trabaho sa edad pa lamang na kwarenta’y dos. Malaki na kasi ang kita ng kaniyang asawa at nagbibigay na rin palagi ang dalawa niyang anak ng panggastos niya. Kaya ngayon ay palagi na lamang nakatambay sa harapan ng kanilang bahay itong si Rita at kakwentuhan ang iilan pang tsismosa sa kanilang lugar.
“Pst! Kita mo ‘yon? Anak ni Merwin ‘yan! Katorse pa lang, buntis na! Diyos mio!” bungad ni Rita sa mga kasamahan. Oras na kasi ng kanilang pamamalengke at ‘di inaasahang makasabay nila ang dalagita.
“Kaya nga. Nakakahiya ano? Walang kwentang ama ata ‘yang si Merwin. Malamang, puro pambababae na lamang ang tinutukan nang sumakabilang buhay ang asawa niya kaya’t napabayaan na ang nag-iisa niyang anak,” dagdag naman ng kasamahan niyang si Merlie.
Kilala na ang kanilang samahan sa pagkakalap at pagkakalat ng samu’t saring tsismis ng kanilang mga kapitbahay. Biro pa nga ng iba, daig pa raw nila ang mga reporter sa TV sa pagsagap ng pinakabagong balita at tsismis sa kanilang lugar.
Isang tipikal na umaga, maagang bumangon si Rita upang ipaghanda ng almusal ang papasok sa opisina niyang asawa na si Bernie.
“Salamat, mahal. Alis na ako ha? Tatlong araw akong hindi makakauwi dahil may business trip kami sa Cebu. Ako na ang nag-empake ng mga damit ko, dahil ayaw ko namang makadagdag sa gawaing bahay mo,” nakangiti at naglalambing na sabi ni Bernie sa kaniyang misis.
“Ganoon ba? O sige, mag-ingat kayo,” sagot naman ni Rita at saka humalik sa pisngi ng asawa.
Nang matapos sa mga gawaing bahay, tulad ng dating gawi ay lumabas na si Rita upang makipagtsismisan.
“Rita! Ang tagal mo namang lumabas. Hindi mo tuloy naabutan na nagsasampalan si Mercy at ang kabit ng asawa niya! Nahuli mismo sa loob ng bahay nila!” sabik na kwento ni Tinay.
“Ha! Sinasabi ko na e. Palaging iba ang kilos ng asawa niya. At isa pa, wala kasing kwentang misis iyang si Mercy! Ni hindi na nga nag-aayos ng sarili, mukhang losyang! Kaya iniiwan ng asawa. Ako nga kanina, napakalambing pa rin ng asawa ko. Ang swerte-swerte ko!” bulalas ng babae na tila masaya pa sa sinapit ng kawawang kapitbahay.
Dalawang araw ang lumipas magmula nang umalis si Bernie, nang magising si Rita mula sa katok ng kaniyang kaibigang si Merlie.
“O, bakit? Ang aga mo naman,” tanong ng nagkakamot pa ng matang si Rita.
“Eh kasi… Ano…” uutal-utal na sagot nito.
“Ano bang nangyayari?”
“Pinag-uusapan ka na ng mga kapitbahay! Ang asawa mo… Si Bernie… Hindi ba’t nasa Cebu siya?”
“Oo. Teka, bakit ako pinag-uusapan? Nasa business meeting ang mister ko,” paliwanag ni Rita.
“Hi- hindi! Kasama niya ‘yong biyuda nating kapitbahay! Nakita kasi nila na nagpost sa Facebook ng litrato. Nakalimutan daw atang friend niya sa Facebook ang ilan sa mga kapitbahay natin. Kitang-kita na naglalampungan ang dalawa habang namamasyal sa Cebu,” naiiyak na kwento ni Merlie.
Halos matumba sa pagkakatayo si Rita sa kaniyang narinig. Sa kakasawsaw niya sa buhay ng ibang tao, hindi niya alam na napabayaan niya na pala ang sariling asawa! May relasyon na pala ito sa kapitbahay nilang biyuda!
Samu’t saring reaksyon ang nakuha niya mula sa mga kapitbahay niya. Ang iba ay naaawa, ngunit ang iba naman ay tinawanan pa siya.
“Hayan, mabuti nga! Tsismosa kasi at sawsawera! Sumasawsaw na pala sa iba ang sarili niyang asawa!”
Napakalaki ng panlulumo ni Rita, ngunit napili niyang harapin ang sariling asawa. Ngunit pag-uwi nito sa sarili nilang bahay, kasama pa niya ang biyuda nilang kapitbahay.
“Pasensiya ka na, Rita. Hindi ko na kaya pang makasama ka sa iisang bubong. Sa totoo lang, simula nang umalis ang mga anak natin ay tila ba wala na akong kasama rito sa bahay. Mas abala ka pa sa pakikipag-tsismisan sa ibang tao kaysa ang makipagkwentuhan sa akin. Lilipat na ako ng bahay kasama siya,” nakayukong sabi ni mister.
Wala nang nagawa si Rita kundi ang tanggapin ang naging desisyon ng kanyang mister. Mabuti na lamang at pinuntahan kaagad siya ng kaniyang mga anak upang samahan sa kaniyang pagdadalamhati.
Taon ang lumipas at tuluyan nang tumigil sa nakasanayang pakikipagtsismisan itong si Rita. Bumalik na siya sa pagtatrabaho upang kahit papaano’y malibang sa buhay. Ngayon, sa basbas na rin ng kaniyang dalawang anak, ay karelasyon niya ang isang lalaki na tanggap ang buo niyang pagkatao. Tanging pangako na lamang niya sa kaniyang sarili ay hinding-hindi na niya hahayaang masira ang kanilang relasyon nang dahil lamang sa pagkalibang niya sa pakikisawsaw sa buhay ng ibang tao.