Sabado ng umaga nang magising si Carmela dahil sa tindi ng sikat ng araw. Pagkabangon, agad namang napangalong baba ang babae nang maalala niya kung anong mayroon sa araw na iyon.
“Hay nako, dumating na naman ang araw na dati ay kinasasabikan ngunit ngayon ay kinasusuklaman ko,” bulong ni Carmela sa kaniyang sarili, at saka tumayo upang lumabas na ng kaniyang silid.
Pagkapihit ng pinto, laking gulat niya nang bigla na lamang magsigawan ng sabay-sabay ang napakaraming tao.
“HAPPY BIRTHDAY, CARMELA!”
May sorpresang selebrasyon pala sa kaniya ang kaniyang pamilya sa tulong na rin ng kaniyang mga kaibigan at ka-opisina. Napangiti at lubos namang nagpasalamat ang babae sa mga sumorpresa sa kaniya. Nagsalo-salo ang lahat sa samu’t saring pagkaing Pinoy na inihanda nila para kay Carmela.
Ngunit maya-maya pa, lahat ng ngiti ng babae ay napawi nang magsimula na niyang marinig ang mga tanong na palaging ikinukulit sa kaniyang sagutin.
“Carmela, wala ka pa rin bang nobyo? Aba’y hindi ka na ba mag-aasawa?”
“Lagpas na sa kalendaryo ang edad mo! Baka mahirapan ka nang makahanap niyan ng mapapangasawa kapag pinatagal mo pa!”
“E kailan mo ba balak bigyan ng apo ang mama’t papa mo? Tumatanda na rin sila, hija.”
Ilan lamang iyan sa mga paulit-ulit na itinatanong sa kaniya sa tuwing may selebrasyon o mga pagkikita. Gusto mang sagutin ni Carmela, ngunit siya mismo ay hindi nakakaalam kung ano ang isasagot! Paano siyang magpapakasal at magkakaanak, e hindi niya pa nga nakikilala si Mr. Right!
Natapos ang gabi at nagsiuwian na ang mga bisita ni Carmela. Nalungkot na namang muli ang babae dahil sa kaniyang naalala.
“Hay, trenta’y tres na ako!” bulong niya sa sarili at saka nagsimulang maglakad papasok sa kanilang bahay, nang bigla na lamang siyang tawagin ng kaopisina niyang si Marky.
“Uy! Bakit nandito ka pa? Umuwi na silang lahat,” sabi ni Carmela.
“M- may gusto kasi sana akong ipagtapat sa iyo,” uutal-utal na sabi ng lalaki.
“Gusto kita, matagal na!”
Ganoon kabilis… Sa pag-amin ni Marky ay nagbago ang lahat para kay Carmela. Sigurado siyang wala siyang nararamdaman para sa binata. Ngunit dala ng takot na maging matandang dalaga ay naging napakabilis ng pag-usad ng lahat.
Sa loob lamang ng dalawang buwan, magkasintahan na sina Carmela at Marky. Sa susunod na buwan daw ay magpapakasal na ang dalawa! Sadyang napakabilis nga!
Nang makarating ang balita ng planong pagpapaksal ni Carmela sa tiyahin niya sa Amerika na si Lolita, nagmadali ang ginang na umuwi ng Pilipinas upang personal na kausapin ang kanyang paboritong pamangkin.
“Hija, balita ko’y magpapakasal ka na? At hindi ko man lang nakilala ang lalaki? Ni hindi ko alam na may nobyo ka pala!” bulalas nito kay Carmela.
“Ah… Eh… Biglaan lang po kasi, tita. Para na rin po makapagsimula na kaming bumuo ng sariling pamilya,” tugon ng halatang nag-aalinlangang dalaga.
“Hay nako, Carmela! Kilala kita! Saksi ako noong mga panahong in love na in love ka sa perslab mo noong hayskul ka! Hindi ganyan ang hitsura mo kung totoong mahal mo ang mapapangasawa mo,” diretsahang sabi ng ginang sa kanyang pamangkin.
Doon, nagsimula nang umiyak ang dalaga sa harapan ng kaniyang tita.
“Eh kasi… Napag-iiwanan na ako ng lahat e! Anong magagawa ko, lahat ng mga tao sa paligid ko’y wala nang ibang ginawa kundi magtanong tungkol sa pag-aasawa ko?!” humahagulgol na pagsisiwalat ng babae.
Ibinunyag niya rin na hindi niya talaga mahal si Marky at napipilitan lamang siya dahil wala namang ibang nanliligaw sa kanya sa ngayon.
“Mali! Maling-mali! Hindi mo ba naaalala ang lahat ng mga itinuro ko sa iyo noong ikaw ay bata pa? Huwag magpapaapekto sa sinasabi ng iba! At isa pa, hija, nananalig akong darating pa lamang ang lalaking itinadhana talaga para sa’yo,” sabi ng tiyahin kaya’t natauhan si Carmela.
Nang mahimasmasan, nagpaalam na si Carmela sa kaniyang Tiya upang puntahan si Marky at umamin sa lahat-lahat. Laking gulat naman niya nang makitang nag-iwan ito ng mensahe sa kanyang telepono.
“Carmela, narinig ko ang pag-uusap ninyo ng iyong tita. Naiintindihan kita, at malinaw na sa akin ang lahat. Ako na ang lalayo. Sana’y matagpuan mo ang lalaking tunay na magpapatibok ng iyong puso. Nagmamahal, Marky”
Nang dahil sa mga nangyari, natutunan ni Carmela na huwag magpadala sa mga sinasabi ng ibang tao. Iiwasan na rin niya ang katakutan ang pagiging matandang dalaga, dahil mismong ang tiya niya nga ay sa edad kwarenta’y dos na nang matagpuan ang kaniyang mahal na asawa. Ngayo’y mananalig na lamang siya sa Diyos na sana ay dumating na si Mr. Right sa kaniyang buhay.